“Looking for commissioner. . . Task: Kolum, 350 words. . . Will get the lowest offer, budget friendly please.”
Naging talamak mula magsimula ang online na klase ang pag-usbong at pagtangkilik sa mga academic commissioner sa iba’t ibang plataporma, tulad ng Facebook at Twitter. Kabilang sa mga serbisyong handog ang pagsagot sa mga asignatura, pagkuha ng pagsusulit, at pagturo ng mga leksiyon kapalit ng salapi. May kani-kaniyang “sheets” ang bawat komisyoner. Ibinibida nila rito ang bawat angking talino at talento, mapa-with high honors, valedictorian, cum laude, o ano pa man iyan.
Natagpuan ko ang mundo ng commissioners noong magsimula na ang pagbabalik face-to-face ng Pamantasan. Mapayapa lamang akong nagbabasa ng mga kuwento sa Twitter nang biglang sumagi sa aking pansin ang isang tila publication material na naglalaman ng lahat ng kaniyang nakamit sa ilang taong pag-aaral. Ipinagmamayabang niya rito na naging suki na siya ng iba’t ibang kompetisyon, mapa-NSPC man iyan, o quiz bee sa kanilang paaralan. Mas nakagugulat pa nang malaman ko na kumikita na siya nang mahigit Php10,000 sa loob lamang ng ilang araw.
Sa pagharap sa usaping ito, hindi ko lubusang matanggap na naging madumi na pala ang kalakaran pagdating sa online na klase at kinalimutan na ang integridad na itinataguyod ng bawat pinanggalingan nating paaralan. Naging pangkaraniwan na lamang ang pandaraya at tanging pagpasa sa kurso o paghakot ng mga parangal na lamang ang naging pinakadiwa ng pag-aaral. Higit sa lahat, nabibigyang-diin ng gawaing ito na tunay na mayroong pribilehiyong natatanggap ang mga may kaya dahil tanging may mga pera lamang ang kayang makinabang sa ganitong mga uri ng serbisyo.
Maituturing hindi etikal na pakinabangan ang isang likas na bulok na sistema ng edukasyon. Kaugnay nito, pinatunayan ng International Center for Academic Integrity na mahigit 60% ng estudyante ang umamin na naging kasangkot sa anomang uri ng pandaraya.
Mahaba man ang listahan ng mga dahilan sa pag-iral ng gawaing ito, mananatiling hindi pa rin katanggap-tanggap ang pandaraya sa kahit anong aspekto—lalo na at malaking bahagi ng ating identidad ang nakasalalay sa ating integridad. Nananatiling mabigat ang katotohanan na ang bawat maliit na desisyong ginagawa sa araw-araw ay magiging masamang bisyo rin kalaunan. Samakatuwid, mahalagang magkaroon ng isang sistemang hihikayatin ang ating dalisay na kaligayahan sa pag-aaral at pakikinggan ang hinaing nating mga estudyante.