MASIGASIG na hinarap ni De La Salle University (DLSU) Lady Paddler Eunice Uy Tan ang mga hamong bumagabag sa kaniyang karera sa larangan ng table tennis. Matatandaang kabilang si Tan sa hanay ng Lady Paddlers na nagkamit ng ikapitong kampeonato para sa Pamantasan sa nakaraang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Table Tennis Tournament.
Kagila-gilalas na nakamit ng Lady Paddlers ang gintong medalya nang lampasuhin ang University of Santo Tomas (UST) Tiger Paddlers sa kampeonato ng naturang torneo, 2-0. Nagpakitang-gilas sa championship run ang mga manlalarong sina Kyla Benaldez at Angelou Laude sa singles category, pati na rin sina Mariana Caole at Jhoana Go sa doubles category, at ang mga beteranong manlalarong sina Jannah Romero, Kimberly Sorongon, Rein Teodoro, Mary Therese Go, at Lorene Uy.
Matapos ang kanilang makasaysayang pagsungkit ng tropeo, bitbit ng mga atletang Lasalyano ang mga karanasang nagpatibay ng kanilang katatagan at pagsusumikap upang mapanatili ang kanilang puwesto sa trono. Sa kabila ng umaapaw na determinasyon na madepensahan ang kanilang titulo, sumisingit sa isipan ng iilan ang namumutawing katanungan na “Paano kaya nila ito naabot?”
Abot-kamay na pangarap
Nakamit ni Tan ang gintong medalya sa UAAP Season 85 matapos maantala ng mahigit dalawang taon ang torneo bunsod ng pandemya. Nalugmok man nang matagal, nagsilbi naman itong oras para kay Tan upang palakasin ang kaniyang sarili kasabay ang buong koponan. “Nasa bahay lang talaga kami tapos training lang workout sinigurado lang namin na we are in good shape,” pagbabahagi ni Tan sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel.
Matapos sumalang ni Tan sa matagal nang inaasam na isport, tila hindi mabilang ang kaniyang pinagdaanan upang makatungtong lamang sa entablado ng UAAP. Kaugnay nito, hindi maipaliwanag na kasiyahan ang naramdaman ni Tan matapos matamo ang kaniyang unang gintong medalya sa pagpalo ng raketa. “Lahat ng sacrifice namin as a team and individually sobrang naging worth it ‘yun ‘yung una kong na-feel,” ani Tan.
Sa likod ng matamis na tagumpay, hindi biro ang landas na binagtas ng Green at Lady Paddlers upang bigyang-karangalan ang Pamantasan. Ibinihagi ni Tan na, limang beses sa isang linggo nag-eensayo ang kaniyang koponan mula ika-5 ng hapon hanggang ika-8 ng gabi. Bukod dito, kinakailangan din niyang pagsabayin ang kaniyang mga gawaing extra-curricular at pang-akademiko tuwing nag-eensayo upang maihanda ang sarili sa pagsabak sa UAAP.
Bumungad ang isang malaking oportunidad para kay Tan sa unang pagkakataon niyang mapabilang sa pulidong hanay ng Lady Paddlers. Gayunpaman, nangibabaw ang kumpiyansa ni Tan na maibalik ang korona sa panig ng berde at puti. “Sobrang shortened ‘yung training time namin kasi usually January naghahanda na kami. Pero dahil sa pandemic, wala pang face-to-face trainings bawal pa at kahit na late na ‘yon lahat ng araw binubuhos talaga namin lahat. Binibigay best namin tapos sobrang naging worth it,” sambit ni Tan.
Palo ng determinasyon
Katulad ng ibang koponang Lasalyano, matapang na hinarap ng Lady Paddlers ang mga injury na kanilang natamo buhat ng agarang pag-eensayo matapos ang dalawang taon na pagkahinto dulot ng pandemya. Hindi naitanggi ng Lady Paddlers ang balakid na dulot ng biglaang pag-ensayo nang face-to-face kasama na ang pahirapang pagpapakondisyon ng katawan. “Iba parin talaga kasi pag face-to-face trainings. Two years kaming nawala, maraming mga katawan na ang humina, at hindi na kami ganoon katagal na tumakbo,” diin ni Tan.
Dumagdag din sa hamon ni Tan ang sopresang pagpasok niya sa listahan ng maglalaro para sa Lady Paddlers sapagkat hindi niya inaasahang mapabibilang ang sarili bunsod ng limitadong oras ng kaniyang pagpapakondisyon. Gayunpaman, hindi nagpadaig si Tan sa hamon at tuluyang tinahak ang karera ng UAAP.
Hindi man natigil ang ragasa ng pagsubok, nagsilbing tanglaw ni Tan si Coach Edsel Tolentino na unang humasa sa talento niya noon. Siya ang nakakita at nagtiwala sa kaniyang kakahayang lumaban sa kabila ng samu’t saring pagdududa sa sarili. Aniya, “Having coach Edcel saying na ‘Papanoorin kita isang araw sa UAAP,’ alam kong malabo pero ita-try ko ‘yung best kong makapasok sa lineup. I’ll train well, bahala na si papa God—‘yun talaga nag-push sa’kin na maglaro for UAAP.”
Tumibay pa ang loob ni Tan nang biglang manood ang kaniyang idolo na si dating Lady Paddler Ian Lariba sa kaniyang laban. “She was the first Filipino Olympian for table tennis. She used to play for La Salle. Naabutan ko siya nung senior high ako, bumisita siya sa training namin ang galing-galing niya talaga,” sambit ni Tan.
Kinang ng karera
Sa muling pagsabak sa nagdaang UAAP, samu’t saring aral at karanasan ang tumatak sa puso’t isipan ni Lady Paddler Tan. Bilang panangga sa mga negatibong ingay sa paligid, nagsilbing kasangga ng mga atleta ang bawat isa tuwing sumasalang sa laban. “Buong-buo talaga ‘yung puso namin na nagche-cheer para sa isa’t isa, buo pa rin ‘yung tiwala namin na mananalo,” wika ni Tan.
Samakatuwid, mayroon ding mensahe si Tan para sa mga tagahanga ng Green at Lady Paddlers na nagsisilbing inspirasyon sa kanilang pagsabak sa UAAP Season 85. Sa kaniyang pagpapasalamat, pawari niya “Thank you to the Lasallian community, for all the support for our team— supporting the athletes of UAAP Season 85. It means a lot to us athletes honestly.”
Patuloy na ipinamamalas ng DLSU Green at Lady Paddlers ang kanilang kahanga-hangang dedikasyon at pagpupursigi sa entablado upang makamit ang hangaring mapalawig ang titulo sa panig ng DLSU. Sa pagbabalik-tanaw ni Tan, bakas ang hulma ng kagalakan sa kaniyang mukha matapos sabay na makamit ang parehong pangarap na makatungtong sa entablado at makapag-uwi ng karangalan sa Pamantasan.
Sa kabila ng mga palong itinambad ni Tan, lalong napagtanto niya na hindi masusupil ng anomang balakid ang kaniyang pagmamahal sa larong table tennis. Kaakibat ng kaniyang paglalaro para sa berde at puti, alay ni Tan ang bendisyon ng kampeonato hindi lamang sa bagong henerasyon ng Lady Paddlers, ngunit pati na rin sa pamayanang Lasalyano.