PATULOY NA ISINUSULONG ng administrasyon ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang pagpapanatili ng kaligtasan sa kabila ng mga ulat ng kapahamakan sa loob at labas ng kampus. Naglulunsad ang administrasyon ng mga proyektong pangkaligtasan upang patuloy nilang maitaguyod ang isang ligtas na kampus para sa mga Lasalyano.
Ibinahagi nina Vice President for Administration Kai Shan Fernandez, Security Office Director Jose Aguirre, at University Safety Office Ronald Dabu sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang ilang payo at inisyatibang inihahandog para sa mga Lasalyano.
Kahandaan patungo sa kaligtasan
Maraming uri ng kapahamakan ang posibleng maranasan ng mga estudyante tuwing pumupunta sila sa Pamantasan. Ayon kina Fernandez, Aguirre, at Dabu, ang pagnakaw sa telepono, pagkahagip ng sasakyan, at pagkaantala sa pag-uwi dulot ng pagbaha ang ilang ulat na kanilang natanggap noong nagsimula ang akademikong taon.
Kaugnay nito, hinimok nila ang mga estudyante na laging maging alerto at iwasan ang pagdaan sa madidilim na eskinita at paggamit ng gadyet habang naglalakad. Bukod pa rito, iminungkahi nilang magsuot ng komportableng damit, magdala ng gamit sa pantawag ng atensyon ng kinauukulan, at agarang ipagbigay-alam sa kapulisan ang mga kahina-hinalang ingay o pangyayari.
Ipinahayag din ni Fernandez na ipinagpapatuloy ng mga tanggapan at mga tauhan ng Pamantasan ang pagpapatupad ng mga hakbang upang maitaguyod ang kaligtasan ng mga Lasalyano. “Bago pa nangyari ang tinutukoy na insidente, sinimulan na ang pag-repaso ng mga proseso at [mga protocol] sa pagresponde ng mga tanggapan sa ilalim ng Office of the Vice President for Administration,” dagdag niya.
Tinitiyak din ni Fernandez ang regular na pagsasagawa ng mga fire drill kaakibat ang mga kawani ng Bureau of Fire Protection. Layon nitong bigyang-kasanayan ang mga tauhan ng DLSU sa wastong pamamaraan ng pag-apula ng apoy. Gayundin, sinisiguro ng kanilang opisinang napapanatili sa mabuting kondisyon at sumasailalim sa mga inspeksyon ang mga kagamitan para sa sunog. Palagay ni Fernandez, “Napatunayan sa [sunog sa Fidel St. nitong Enero 30] ang kanilang presensya at agarang pagkilos, bagamat ang kaganapan ay nasa labas na ng Pamantasan.”
Sumasailalim din sa Incident Command System Executive Course ang mga namumuno sa pagresponde sa emergency. Tinatalakay dito ang organisadong pagtugon sa mga sakuna na maaaring mangyari sa loob ng Pamantasan habang pinapanatili ang kaligtasan ng mga kawaning tagapagtugon. Kasabay nito, muling isasagawa ang isang volunteers program upang sanayin ang mga estudyante at empleyado na maging emergency responders bilang bahagi ng kampanya ukol sa safety awareness. Patuloy din ang Community Relations Program kung saan nakikipag-ugnayan sa mga karatig-barangay ang Pamantasan.
Inilunsad naman ang Task Force Safe Schools noong Oktubre 19 ng nakaraang taon na kinabibilangan ng DLSU, De La Salle-College of St. Benilde, at St. Scholastica’s College. Nakipag-ugnayan sila sa pambansang kapulisan at tinalakay sa isang kampanya ang mga paksang Modus Operandi of Petty Crimes, Drug Awareness Program, at Bomb Threat Response and Awareness.
Mga hakbang pangkaligtasan sa DLSU
Isinasakatuparan din ng administrasyon ang ilang inisyatiba upang mapanatili ang kaligtasan ng mga Lasalyano. Sa labas ng Pamantasan, patuloy na nakaantabay ang mga traffic marshall sa mga dinaraanan ng mga estudyante mula ika-6 ng umaga hanggang ika-6 ng gabi mula Lunes hanggang Sabado. Kaagapay din dito ang kapulisang saklaw ang Pamantasan at Manila Traffic and Parking Bureau.
Mayroon ding tagapagbantay na tauhan sa kahabaan ng Taft Avenue at Fidel Reyes St. na nakapangkaraniwang damit. Pangunahing responsibilidad nila ang magsilbing mata laban sa mga mandurukot at magbigay-tulong sa mga nangangailangang estudyante at empleyado. Bukod dito, nakipagtutulungan pa ang Pamantasan sa Metropolitan Manila Development Authority, mga punong-barangay, at mga may-ari ng karatig na mga gusali bilang bahagi ng kanilang Community Relations Program.
Sinasalubong naman ang pamayanang Lasalyano ng mga safety marshall at mga equipment tulad ng bag x-ray machine at walk-through metal detector upang masigurong walang mapaminsalang gamit ang makapapasok sa kampus. Dagdag pa rito, patuloy ding ipinatutupad ang mga alituntuning pangkalusugan at pangkaligtasan.
Samantala, binigyang-linaw ni Fernandez na pinaghiwalay ang University Safety Office at Security Office na iisa lamang na Safety and Security Office noon. Bilang tagapangasiwa ng mga naturang tanggapan, naniniwala siyang simbolo ang pagkakaroon ng dalawang tanggapan na tunay na pinahahalagahan ng Pamantasan ang kaligtasan ng pamayanang Lasalyano.
Desidido ang administrasyon sa pagpapanatili ng kaligtasan para sa pamayanang Lasalyano at batid nilang hindi mawawala ang kapahamakan. Aniya, “Ito ang nagpapatibay ng aming determinasyon na paghusayan ang aming kakayahan sa larangang ito.”
Tungkulin ng pamayanang Lasalyano
Binigyang-diin ni Fernandez na hindi lamang responsibilidad ng isang tao o tanggapan ang pagpapanatili ng kaligtasan. Paliwanag niya, ang pagkakaroon ng sapat na pag-iingat sa sarili ang pangunahing paraan upang makatulong ang sinoman. Kinakailangan rin ang masinop na pagsusuri sa mga sitwasyon at mataas na antas ng kamalayan.
Pahayag naman ni Fernandez, “Sa mga sakuna, mahalaga na marating agad ng mga rumeresponde ang eksena at magkaroon sila ng sapat na lugar upang magawa ang kanilang trabaho.” Bunsod nito, pinapayuhan niya ang lahat na huwag maging sagabal sa mga taong rumeresponde at bigyang-halaga ang privacy at dignidad ng mga sangkot sa isang insidente.
Naniniwala rin si Fernandez na kinakailangan ng bawat isa na ilagay ang sarili sa wastong seguridad at kaligtasan. Samakatuwid, inaasahan niya ang buong kooperasyon ng pamayanang Lasalyano sa pagsunod sa mga panawagan at alituntuning ipinapatupad sa Pamantasan.
Sinubukan namang kunin ng APP ang pahayag nina Student Discipline Formation Office Director Michael Millanes at Dean of Student Affairs Christine Joy Ballada ngunit wala pang natatanggap na tugon ang Pahayagan.