Kadiliman ang bumabalot sa sansinukob—walang ibang matatanaw maliban sa kinang ng hindi mabilang na mga bituing nakapalibot dito. Subalit, hinawi ng matinding kuryosidad ng kaisipan ng mga sinaunang tao ang dilim na nakataklob sa kalawakan. Sa kanilang pagtingala sa kalangitan, nabuksan ang kamalayang nagpayaman sa kanilang pagkakakilanlang sumibol sa mapa ng kasaysayan. Nagsilbing gabay ng mga ninuno ang mga tala sa langit patungo sa pag-usbong ng kabihasnan at pagtuklas sa bagong kapanahunan.
Sa layong magbigay-mulat sa kasanayan ng etnoastronomiya, inihandog ng Lasallian Enrichment Alternative Program (LEAP) 2023 at Dalubhasaan ng mga Umuusbong na Mag-aaral ng Araling Filipino (DANUM) ang diskusyong tinawag na Tala sa Mapa, Filipino Astronomy and Ancestry nitong Hunyo 27 sa Don Enrique T. Yuchengco Hall Room Y402. Tinalakay rito ang makabuluhang halaga ng astronomiya sa kultura at pamumuhay ng mga sinaunang Pilipino. Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng pagpapayabong ng katutubong kultura sa gitna ng pag-unlad ng makabagong teknolohiya.
Pagsilip sa talatag ng kalangitan
Unang nagbigay-linaw sa disiplina ng etnoastronomiya si Rizchel Masong, isang University Research Associate at miyembro ng Optics, Photonics, Technology, Instrumentation, and Conversion Science Research Group ng Pamantasang De La Salle. Isinalaysay niya ang leksiyong pinamagatang “Pagsasa-mapa ng Kalangitan: Mga Tuldok at Bituin sa Langit.” Ibinahagi niya rito ang mayaman ngunit hindi napapansing katutubong kultura ng mga Pilipino ukol sa pag-aaral at pagbibigay-ngalan sa mga bituin sa langit.
Inilahad niyang maaga nilang natutuhan ang pagtanaw sa kalawakan at pagtukoy sa mga tuldok na palamuti sa tala dahil likas ang kanilang pagkamangha sa kalangitan. Dagdag pa niya, angkop umano ang pagbibigay-ngalan sa mga hugis at linyang kanilang natatanaw sa kalawakan sa kultura ng isang pangkat pati mga bagay na kanilang ginagamit sa pang-araw-araw na buhay. Katulad na lamang ng Orion’s belt na pinangalanan nilang Balatik—hango sa patibong-baboy na ginagamit ng mga katutubo sa pangangaso.
Napagtanto ng mga nag-aaral ng etnoastronomiya na mahalaga ang ambag nito sa iba’t ibang aspekto ng kultura ng mga katutubo tulad ng relihiyon, agrikultura, at talaarawan. Para sa mga itinuturing na tagamasid ng langit, hindi lamang kalangitan ang kanilang nasisilayan ngunit nababanaag din nila ang repleksiyon ng kabihasnang kinamulatan. Bunsod nito, nais ni Masong na maisamapa, at mabigyang-titulo sa kulturang katutubo at wikang Filipino ang lahat ng mga talampad ng bituin na makikita sa bansa. Sa gayon, mas mapayayabong pa ang astronomiyang ipinamana ng mga ninunong Pilipino.
Subalit, sa pagtatalakay ni Masong, mahihinuhang malaking hamon dito ang patuloy na pagbabago ng panahon. Aniya, kasabay ng radikal na pag-abante ng teknolohiya ang utay-utay na paglimot sa katutubong pagkakakilanlang nakabatay sa pagbasa ng mga bituin. Dagdag din niya, nakalulungkot ang realidad na tila mas pamilyar ang mga Pilipino sa mga terminolohiyang astronomikal mula sa mga banyaga kahit may sarili tayong bersiyon nito. Kaya hatid nito ang matinding pagsubok sa pagkalap ng mga paraan upang mas mabigyang-pansin ang mga umiiral na ngalan ng mga talang itinalaga ng mga sari-saring pangkat etniko.
Sa gayon, naging adbokasiya ni Masong na maipakilala ang etnoastronomiya sa bansa upang makasabay ito sa pagkilalang natatanggap ng naturang siyensiya sa ibang bansa. Nananatili siyang positibo na sa patuloy na pagtambad nito sa publiko, higit pang malilinang ang makinang na bahagi ng kulturang Pilipino. Patunay na hindi maglalaho ang etnoastronomiya dahil magpapatuloy ang liwanag ng mga tala magpakailanman.
Kinang na walang kupas
Sa ikalawang yugto ng programa, ibinahagi naman ni Dr. Arlon Ponce Capiz, Education Program Supervisor in Science sa ilalim ng DepEd Regional Office III, ang panlipunang bahagi ng etnoastronomiya. Binigyang-kahulugan niya ito bilang paraan ng pag-uugnay ng mga karaniwang gawain ng mga katutubo sa paggalaw ng mga bagay sa kalawakan. Isinalaysay rin niya ang kaniyang pag-aaral na may pamagat na “Ethnoastronomical Beliefs of Mangyan Indigenous People: Case of Iraya Tribe in Occidental Mindoro.” Inilarawan niya rito ang mga katutubong paniniwala ng mga Mangyan kaugnay ng mga tala sa kalangitan pati ang pag-angkop ng mga ito sa kanilang pamumuhay.
Batay sa kaniyang pag-aaral, kasama ang iba pang mga mananaliksik, natuklasan nilang malaki ang impluwensiya ng astronomiya sa iba-ibang aspekto ng kultura ng mga Mangyan. Aniya, natutukoy nila ang takdang araw ng pagbibinhi at pag-ani batay sa bilang ng mga bituin. Inihayag din niyang may kinalaman ang paglipol ng mga bituin at pagkabilog ng buwan sa kapalaran ng dalawang nagliligawan o nagpapakasal. Iniugnay din sa posisyon ng buwan ang kabuwanan o takdang panahon ng panganganak ng isang nagbubuntis. Sa kabilang banda, senyales namang may mga espiritung nagdudulot ng sakit ang pagsilip ng bilog na buwan.
Hindi lamang ang kalangitan ang inaasahan nila sa pagguhit ng kanilang tadhana. Bagkus, higit nilang tangan ang pagsisikap, pagmamahal, at pagkauunawaan upang maiangat at mapagtibay ang kanilang mga kabuhayan at mga relasyon. Nabanggit din ni Dr. Capiz na bahagi pa rin ng pamumuhay ng mga pangkat etniko ang mga naturang paniniwala. Subalit, kasalukuyang nanganganib ang pagpapaigting nito dahil sa modernisasyong dulot ng teknolohiya.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng masusing pagtataya sa pangangailangan ng mga katutubo o Indigenous People sa usapin ng edukasyon at pagpapaigting ng kanilang kultura. Ipinaliwanag niyang mabuting iayon ang kanilang edukasyon sa mga makabagong kasanayan at siyentipikong pag-aaral.
Gayunpaman, mahalaga pa ring mapanatili ang kanilang mga tradisyon at paniniwala. Aniya, “Educational programs that focus on becoming more responsive to indigenous life and cultures, indigenous knowledge and skills should be given importance towards protecting and preserving their rights.” Iginiit niyang hindi sila dapat ilihis dito upang hindi mabura ang kanilang pagkakakilanlan bilang mga katutubo—gaya ng mga talang hindi kumukupas ang pagkinang.
Yamang hindi mapapantayan
Tunay na hindi masasaklot ng dilim ang liwanag ng mga tala sa kalawakan. Kagaya ng hindi pagsaklob at pagsayang sa kabuluhan ng astronomiya sa kulturang Pilipino. Mula sa milyon-milyong bituin sa kalangitan hanggang sa impluwensiya nito sa mga katutubong pananaw, makikita ang likas na kayamanan ng Pilipinas. Ayon nga kay Daphney Benito, presidente ng DANUM, marami pang nakatagong yaman ang ating bayan na naghihintay lamang matuklasan.
Sa programang handog ng Pamantasan ngayong LEAP, katuwang ang DANUM, nabigyang-pagkakataon ang mga Lasalyano upang masilayan ang pagningning ng mga bituin sa ating kultura. Sa kabila ng pag-unlad ng teknolohiya sa sari-saring bansa sa daigdig, kritikal pa rin ang patuloy na pagtangkilik sa kulturang natakpan ng mga dagat at gubat. Mahirap mang abutin ng kasalukuyang pang-unawa, bukas na isip at damdamin ang kinakailangan upang matutuhang yakapin at maipagmalaki ang identidad ng mga katutubong Pilipino.
Katulad ng kuryosidad ng mga katutubong naging ugat ng etnoastronomiya, ang hindi mapanglaw na interes at suporta ng publiko ang magsisilbing makikinang na talang patuloy na magbibigay-kislap sa ating pagkakakilanlan.