Sandamakmak na bahagharing watawat ang namayagpag sa bawat wagayway. Tulad ng katingkaran nito, umapaw ang pag-ibig—ang pagmamahal para sa pagkataong walang sinomang hahadlang subukan mang igapos ang identidad sa tanikala ng lipunan. Lagi’t lagi, magwawagi ang pag-ibig.
Lubos na nanaig ang makulay na pagkakakilanlan nang ipinagdiwang ang taunang 2023 Metro Manila Pride March and Festival na may temang “Tayo ang Kulayaan: Samot-saring Lakas, Sama-sama sa Landas!” Naganap ito sa Circuit Event Grounds, Makati City nitong Hunyo 24. Nagtipon dito ang komunidad ng mga Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, at Asexual (LGBTQIA+) tungo sa kanilang laban upang makamit ang karapatang magmahal nang malaya. Sa pagmartsa sa kalsada, bumuo sila ng pagkakataong itaguyod sa masa ang pagtanggap sa lahat ng kasarian at iba pang pagkakakilanlan. Bukod dito, pagtutol din ang Pride March sa pang-aaping kinahaharap pa rin ng komunidad hanggang ngayon.
Tikatik ng pagkakaisa
Pinag-isang pagpupunyagi mula sa pagsasanib-puwersa at wagas na pagboboluntaryo ng mga katangi-tanging miyembro ng lipunan para maitaguyod ang malawakang Pride March. Nagbuklod ang iba’t ibang sektor para sa parada tungo sa pagbabago ng pangkalahatang kamalayan pagdating sa pagkilala sa komunidad ng LGBTQIA+.
Sa paglilibot sa naturang pagdaraos, kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Mikhail Quijano, consulting lead ng communication team ng Metro Manila Pride. Saksi siya sa hirap ng pag-oorganisa mula sa paglalaan ng oras sa kabila ng kanilang mga responsibilidad hanggang sa pagharap sa mga opisyal na tutol sa homoseksuwalidad. Para sa kaniya, protesta ang ugat ng kanilang pagmartsa dulot ng ilang dekadang pakikibaka ng mga miyembro ng LGBTQIA+ para sa paglasap ng karapatan at pagkakapantay-pantay. Inilahad din niyang nagsisilbi rin itong pagtitipon para ipagdiwang ang kahalagahan ng bawat isa sa pamamagitan ng malayang pagpapahayag. Marami mang hamong kinaharap ngunit hindi nito matutumbasan ang natatamong kasiyahan kapag nasisilayan ni Quijano ang mga queer na suot-suot ang kanilang mga regalia sa martsa.
Magagarbong kasuotan, natatanging pang-aliw, at masasayang pagganap ng mga artista—hinding-hindi mawawala ang mga pagtatanghal ng drag sa pagdiriwang ng Pride Month. Ibinahagi ni Mac, mas kilala bilang Taylor Sheesh sa APP, na nakatutulong ang drag sa adhikain ng pagprotesta dahil dito mas naipakikita ang kanilang indibidwalismo. Aniya, “Sa perfomance natin [nailalabas] ‘yung rights natin. Through art, nakapagsasabi [tayo] kung ano ‘yung nararamdaman natin.” Inilahad din niyang isinasagawa ang taunang pagmamartsa para ipahayag sa mundo na nararapat silang bigyan ng karapatang kanilang hinihingi. Kaya naniniwala siyang mahalagang mulatin ang mga mamamayan upang matamasa nila ang pagkakapantay-pantay—na katulad nila may mga karapatang pantao rin ang komunidad ng LGBTQIA+.
Nabigyan din ng plataporma ang mga lokal na negosyanteng bahagi ng LGBTQIA+ para ipakita ang kanilang mga talento at ibenta ang kanilang mga dibuho sa pamamagitan ng isang bazaar. Kabi-kabilang mga tindahang may pagkain, kasuotan, at likhang-sining ang pumalibot sa mga dumalo. Kasama sa mga nagbebenta ng obra sina Kulas Jalea at Jomer Haban na parehong illustrator at graphic designer.
Ibinahagi nilang sa pamamagitan ng lokal na sining, nagagawa nilang palaganapin ang kultura ng LGBTQIA+ at palakasin ang boses ng kinabibilangang komunidad. Batid din ni Jalea na nanganganib ang pagpasa ng Sexual Orientation, Gender Identity or Expression, or Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill sa ilalim ng rehimeng Marcos-Duterte. Aniya, “Huwag tayong tumigil na maningil, manindigan, o manawagan na ipasa ang SOGIE Bill para tuluyan nang mabigyan ng karapatan ‘yung mga miyembro ng komunidad natin.” Inilarawan naman ni Haban ang kanilang laban para sa karapatan bilang malayo na ang nararating ngunit malayo pa ang kinakailangang tahakin.
Puwersa ng sangkabaklaan
Walang kalayaan ang sangkatauhan kapag walang kalayaan ang lahat. Kaya naman nakilahok sa martsa ang iba’t ibang mga samahan lalo na sa protesta—ang tunay na kalikasan ng pagtitipon. Nakapanayam ng APP si Azi, tagapagsalita at vice chairperson ng Anakbayan South Caloocan. Gayundin, si Arriane, ang pangunahing tagapangasiwa ng Bahaghari Pride 2023. Ani Azi, laganap ang mga hamong kailangang lagpasan ng komunidad tulad na lamang ng mga balakid sa trabaho. Dahil dito, kailangang ipatupad ang SOGIESC Equality Bill tungo sa mas patas na kinabukasan. “[Ang] mga panawagan ng isa’t isa, aalingawngaw nang aalingawngaw hanggang [sa] lumiyab ang apoy ng pakikibaka ng sangkabaklaan,” pahayag niya.
Paliwanag pa ni Arriane, bunga ng Stonewall riots sa Estados Unidos na sinimulan ng mga aktibistang tulad ni Marsha Johnson ang pagtamasa sa mga isinasagawang pagpupulong tuwing Hunyo. Maraming dekada man ang nagdaan mula sa mga pag-aalsa, patuloy pa rin ang pagtindig ng mga LGBTQIA+ upang matamo ang kasarinlan. Panawagan niya, “Samahan niyo kami sa aming ipinaglalaban.”
Taglay ng kolektibong lakas mula sa mga dumadalo ang puso ng martsa. Sa panayam ng APP sa magkakaibigang sina Cly, Eli, at Cal na unang beses lumahok sa pagdiriwang, masisilayan ang tuwa at paninindigan nila sa paglahok sa pagbubunying buhay na buhay. Ani Cal, nais nilang makita at maramdamang hindi sila nag-iisa. Gayunpaman, nahinuha nilang may kaakibat pa ring bigat sa likod ng mga ngiting nasilayan sa pagdiriwang ng Pride Month. Inihayag ni Eli na tila hindi maiwasan ang diskriminasyon sa kadahilanang hindi sila itinuturing na karaniwan. Mahirap mang lumaban, isinaad ni Cly na manatili pa rin silang tunay sa sariling pagkakakilanlan. “Walang masama sa pagmamahal,” aniya.
Matatagpuan din sa gitna ng makulay na pagdaraos ang ilang pamilyang may pagmamahal na hindi nagpatalo sa mga konserbatibong paniniwala. Hindi man karaniwan, hindi nangangahulugang hindi kayang makamit ang ligtas na tahanan para sa mga LGBTQIA+. Patunay nito si April, isang inang sinamahan ang kaniyang anak upang suportahan ang komunidad na kinabibilangan nito. Bagamat hindi agarang naunawaan ang identidad ng kaniyang anak, ibinahagi niyang mananalo’t mananalo pa rin ang kaniyang malasakit sa iniluwal na bata bilang isang magulang.
Pagtindig ng mga kakulayan
Anoman ang kasarian, sekswal na oryentasyon, at pagkakakilanlan—may lugar ka sa parada. Iisang landas lamang ang patutunguhan nating lahat, makamit ang inklusibong lipunan na maituturing na tagapagtanggol ng karapatan at kalayaan ng komunidad ng LGBTQIA+.
Paalala ni Quijano, “In those moments where you feel alone, there’s always a big, growing, loud, colorful and powerful community that’s ready to support you.” Makiisa at makibaka, gawing makabuluhan ang bawat hakbang na ating ginagawa. Sa pagtatapos ng Pride Month, hindi nangangahulugang tapos na ang laban kaya patuloy na kumapit at manindigan.