Sa isang iglap, sa isang agarang swipe tungong kaliwa o kanan, maaari mong matagpuan ang magpatitibok o dudurog ng iyong puso. Bunsod ng mabilis na pagbabago ng teknolohiya, umusbong ang makabagong paraan ng paghanap at pagkilala sa mga taong pupukaw sa platonic o romantikong interes. Sa paggalugad sa Bumble, Tinder, at iba pang mga dating app—hindi na nalilimitahan sa palinga-linga ng mga mata ang paghahanap ng nobyo’t nobya.
Makatagpo man ng kasintahan sa mga dating app, may iilan pa ring nakalulungkot at nakasasakit na karanasang dulot ng sari-saring ugali ng mga taong nakakausap. Dulot ng pagkapit sa laspag na paniniwalang mas angat ang mga indibidwal na nag-aastang lalaki o ang mga taong hindi bahagi ng bahaghari—madalas makaramdam ng kirot ang mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, at Asexual. (LGBTQIA+). Sa pag-igting ng diskriminasyon gamit ang panibagong midyum, mainam na siyasatin ang halu-halong karanasan ng mga LGBTQIA+ sa mga naturang aplikasyon.
Pagsupil sa sariling bahaghari
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kina Angelo* at Reyn, mga miyembro ng LGBTQIA+, ibinahagi nila ang iba-ibang karanasan sa mga dating app na maaaring iugnay sa heterosexism. Bago magsimula sa pagsasalaysay ng kanilang danas, inihayag nilang hindi magkatulad ang mga dahilang nag-udyok sa kanilang gumamit ng mga aplikasyon.
Tumungo si Reyn sa Grindr, Bumble, at Tinder upang mapawi ang pagkauhaw na mapupunan lamang ng pagsuong sa sekswal na pakikisalamuha. Sa kabilang dako, ginamit ni Angelo ang Grindr upang mapunan ang kuryosidad sa kaniyang sekswalidad. Gayunpaman, natiyak nilang hindi kadalasang makulay ang paggamit ng mga dating app dahil may kaakibat itong panganib sa mga miyembro ng LGBTQIA+. Masisilayan sa tulay ng pag-ibig at libog ang internalized homophobia sa mga queer na nais lamang sumailalim sa isang masculine for masculine (masc4masc) na relasyon. “[Sila ‘yung] preferred makihalubilo lang sa mga straight-acting gay,” ani Reyn.
Bilang resulta, madalas husgahan at maliitin ng mga masculine (masc) ang mga effeminate gay (fem) dahil hindi sila naaayon sa tradisyonal na pamantayan ng lipunan. Kapansin-pansin dito na binibigyang-pribilehiyo pa rin ang pagkalalaki kaysa pagkababae. Nilinaw naman ni Angelo na hindi lahat nadudusta sa mga kategoryang ikinakawing sa gender expression; ani Reyn, normal itong itinatanong sa mga dating app. Paliwanag ni Angelo, “If hook up lang ang hanap. . . [at] sinabi mong fem ka, tapos ayaw niya. . . I think that’s not really offending.” Sa pagtanggi sa mga fem, inihayag nilang maaari pa rin itong magpahiwatig ng kawalang-galang. Ipinapakita ng paggamit sa mga kategorya bilang batayan ng kagustuhan ang pag-etsa-puwera sa mga fem at iba pang gender expression.
Bagamat miyembro ng LGBTQIA+, hindi nangangahulugang hindi nila kaya maging heterosexist. “[Ang] mga masc na top lang, hindi siya susubo, hindi siya hahalik kasi nga feeling niya ‘pag humalik siya, nakakababa ng pagkalalaki o pagka-top niya,” pagbabahagi ni Angelo. Kalakip ng ganitong pag-iisip sa loob ng relasyon na mas nakatataas ang mga masc sa mga fem.
Sa kabila ng lahat, inihayag ni Reyn na posibleng iwasan ang tinaguriang “red flag” na nabanggit sa pamamagitan ng pagtingin sa kanilang kagustuhan na matatagpuan sa bawat profile. “[Makikita] mo naman ‘yung profile na. . . nakalagay no fem, no fat, o masc4masc,” ani Angelo. Hindi man kaugnay ng heterosexism ang pag-alis nina Angelo at Reyn sa mga dating app, mahihinuhang talamak ang sistematikong diskriminasyon sa kanilang mga karanasan sa paggamit ng mga ito.
Sa likod ng pagkupas ng sariling tingkad
Nangingibabaw ang pagkalito sa pag-intindi ng heterosexism maski sa ibang miyembro ng LGBTQIA+ tulad nila Angelo at Reyn. Upang magbigay-linaw, kinapanayam ng APP si Rodmar Eda, isang propesor ng Gender & Multiculturalism mula sa Departament of Sociology at Behavioral Science ng Pamantasang De La Salle. “Isang behavior or prinsipyo ng konsepsyon [ang heterosexism] sa lipunan na default dapat ang dalawang binary sexes—babae at lalaki” pagbibigay-kahulugan niya.
Sa kabila ng pagsulong sa karapatan ng LGBTQIA+, umiiral pa rin ang makalumang kaisipan tungo sa mga kasarian. Pangangatwiran ni Eda, ugat ng heterosexism sa komunidad ng LGBTQIA+ ang mga nakasanayang pag-uugaling paniniil sa ibang kasarian sa lipunan. Masisilayan dito ang malalim na ugnayan ng homophobia at heterosexism—hindi maitatanggi ang pagpalasak ng mga diskriminasyong ito maging sa kapwa homosexual. Ipinaliwanag din niya ang impluwensya ng gender polarization, isang uri ng gender lens, sa nananalaytay na pagbubukod sa sari-saring kasarian at gender expression. Dagdag pa niya, nakasandal ang heterosexism sa lenteng dalawa lamang ang kasariang inilikha ng Diyos.
Sa patuloy na paghahari ng heterosexism, kadalasang hindi na ito namamalayan ng karamihan pati mga miyembro ng apektadong komunidad. Minsan, natatago ang pananaw sa simpleng mga katanungan tulad ng “Ikaw ba ‘yung top or bottom?” o “Sino ‘yung babae sa inyo?” banggit ni Eda. Ibinahagi rin niya ang konseptong ‘barbie top’ na nagbabawal sa mga fem at queer na maging top sapagkat nakasanayang bottom ang kanilang papel sa relasyon. Katulad ito ng karanasang nabanggit ni Angelo ukol sa masc na ayaw gumawa ng mga aksiyong nakabababa ng kanilang pagkalalaki. Manipestasyon ng mababaw na pagtingin sa kasarian ang patuloy na pagnormalisa sa mga relasyong nakaangkla sa heterosexist na pananaw na naniniil ng mga fem at queer.
Maliban dito, nagsaad din siya ng pangmatagalang epekto nito sa sariling pagtingin at pagpapahalaga ng mga miyembro ng LGBTQIA+. Aniya, “Mapapatanong ka talaga kung ‘di ba ako kamahal-mahal. Kinukwestiyon mo ‘yung sarili mo [kapag wala kang naka-match].” Nagbigay-pintas din si Eda sa eksklusibong dating app sapagkat daluyan din ng heterosexism ang pagkakaroon ng hiwalay na aplikasyon para sa mga queer.
Tungo sa makulay na kinabukasan
Higit sa emosyonal na aspekto ang problemang dulot ng heterosexism sapagkat naaapektuhan nito ang kaligtasan ng iba. Ipinahayag ni Eda na kailangan ng pagbabago sa batas at sistema ng edukasyon upang malabanan ang heterosexism. Nararapat na bigyang-proteksyon ang karapatang pantao ng mga LGBTQIA+ upang maiwasan ang diskriminasyon sa kanilang sekswalidad. Sambit din niyang mahalaga ang safe space o pagkakaroon ng malaya at ligtas na plataporma sa mga dating app. Payo ni Eda, “Maging bukas tayo sa realidad na iba’t iba ang mukha ng sekswalidad, kailangan natin basagin ‘yung stereotypes.”
Hindi agarang mawawala ang heterosexism sa lipunan. Bukod sa ilang siglong impluwensiya ng relihiyon, nakasalalay sa mga mambabatas at namumuno ang mga pagbabagong kinakailangan. Bilang isang mamamayan, responsibilidad nating magbigay ng kamalayan sa karahasan at diskriminasyong hinaharap ng ating kapwa. Mainam na isulong ang pagpapatupad ng batas para sa mga LGBTQIA+ dahil walang pagbabagong magaganap sa pag-uupo at paghihintay. Nararapat na tanggapin ang ang samu’t saring pagkakakilanlan ng isa’t isa sapagkat walang bahagharing nabubuo sa iisang kulay lamang.
*hindi tunay na pangalan