Pangarap para sa karamihan ang makapagtapos ng kolehiyo nang may karangalan. Subalit, hindi madaling mapagtagumpayan ang ganitong mithiin dulot ng mga balakid na labas sa kontrol ng mga estudyanteng pilit ipinagsasabay ang buhay sa loob at labas ng silid-aralan. Mula sa mga suliraning bumabagabag sa lipunan hanggang sa ilang personal na kaganapan, lubhang naaapektuhan nito ang kalidad ng pag-aaral.
Alinsunod sa mga patakaran ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa paggawad ng Latin Honors, hindi maaaring magkamit ang estudyanteng makakukuha ng bagsak na marka. Lubhang ikinadismaya rin ng mga Lasalyano ang paggamit ng “withdrawn” (W) o 6.5 na grado, noong kasagsagan ng pandemya, bilang pangkubli sa bagsak na estado ng isang estudyante. Samakatuwid, naninindigan ang DLSU na ituring din ito bilang balakid sa pagtatapos nang may karangalan.
Ipinatutupad ang patakarang ito sa kabila ng mapanghamong kaligiran ng edukasyon sa bansa. Ayon sa pananaliksik ng Commission on Higher Education, walong porsiyento ng mga nasa kolehiyo ang pinagsasabay ang pag-aaral at pagtatrabaho. Gayundin, lumalala ang estado ng kalagayang-kaisipan matapos iulat na isa sa sampung kabataan ang nakararanas ng sintomas ng depresyon.
Ibinibida ng DLSU ang “holistic Lasallian formation” bilang estilo ng pagbibigay ng kalidad na edukasyon. Gayunpaman, taliwas ang kanilang mahigpit na patakaran hinggil sa paggawad ng karangalan sa mga magsisipagtapos sapagkat hindi nito isinasaalang-alang ang muling pagbangon ng mga estudyante. Ibinalewala ng administrasyon ang mga naghahangad ng pagbabago sa umiiral na nakapanlulumong sistema.
Kaisa ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) ng mga estudyanteng Lasalyano sa panawagang rebisahin ang hindi maka-estudyanteng patakaran sa paggawad ng Latin Honors sa Pamantasan. Marapat na kilalanin ng administrasyon na hindi nasusukat sa umuulang mga kwatro ang tunay na kagalingan ng mga estudyante. Bagkus, nasa pagbangon nila ito sa kabila ng mga hirap na nalampasan.
Maalab na hinihimok ng APP ang pagpapairal ng akmang konsiderasyon sa mga pamantayang umiiral ukol sa patuloy na pagbabago tungo sa mas sensitibo at mapagkalingang Pamantasan. Marapat na dinggin at tuparin ng mga kinauukulan ang panawagang pagbabago tungo sa makatarungang paggawad ng parangal.