Walang kasing tamis ang mga salitang namumutawi sa mga labi ng mga nagmamahalan. Mahirap ding pantayan ang lagkit ng mga yakap at tinginan ng dalawang taong nag-iibigan. Pag-ibig nga naman—tunay na hindi mapipigilan ang mga pusong nagnanasang magmahal. Kaya naman maraming tao ang pumapasok sa mga romantikong relasyon upang ibahagi ang kanilang nararamdaman at tumanggap ng pag-irog na inaasam. Subalit, para sa ilan, sapat na ang itinitibok ng puso. Pinaniniwalaan nilang hindi na kailangan ang mga label sa isang relasyon basta may kalakip itong pag-ibig at ligaya.
Taliwas man sa mga tradisyonal na relasyong kinagisnan, pinipili ng ibang ihayag ang kanilang pagtangi sa sinisinta kahit walang maituturing na opisyal na tawag na magdidikta ng kanilang papel sa isa’t isa. Para sa kanila, hindi ang mga katagang mag-nobyo at nobya ang magbibigay-bisa sa kanilang umiigting na pagsasama. Hindi hadlang ang kawalan nito upang maipadama ang laman at tibok ng kanilang mga puso. Hinding-hindi rin nito mapaghihiwalay ang mga damdaming pinag-isa; tanging ang kanilang pagkakaunawaan at pagsinta ang nagbibigay-kulay sa relasyong tinatawag na situationship.
Kalayaan sa gapos ng mga kataga
Ang kasiyahang nadarama sa pagmamahal ang nagbibigay-sigla sa mga pusong nakataya sa isang relasyon. Kaugnay nito, nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Jacob*, 20 taong gulang, na kasalukuyang mag-iisang buwan nang nasa loob ng situationship. Sa kaniyang maikling karanasan sa relasyon, sinubukan niyang bigyang-kahulugan ito. Aniya, “A situationship is engaging in what people call a no-label relationship with someone and [has] no real direction. . . a relationship. . . [that’s] not supposed to last long. . . without the commitment, [and] the intricacies.” Inilahad din niyang maituturing na situationship ang isang relasyon kapag aktibo ang komunikasyon ng dalawang tao ngunit hindi sila opisyal na mag-nobyo at nobya. Maaaring ihalintulad ito sa tradisyonal na relasyon subalit hindi hinihingi ang paninindigan mula sa isa’t isa.
Ibinahagi rin ni Jacob na hindi siya naghahanap ng isang seryosong karelasyon kaya mas pinili niyang pumasok sa isang situationship. Isinalaysay niyang pareho naman ang naibibigay na saya ng isang situationship kompara sa relasyong may label kaya nagpasiya siyang subukan ito. Subalit, tiyak na may kaibahan pa rin ito sa mga nakasanayang relasyon na tila may etiketang nakakabit. Inihayag niyang hindi rito nakararanas ng mga problemang tungkol sa pangakong eksklusibo sila sa isa’t isa dahil hindi ito komplikado gaya ng mga relasyong may tiyak na titulo—na higit na nagtulak sa kaniya upang ipagpatuloy ang ganitong sitwasyon.
Gayunpaman, iginiit niyang hindi pa rin madali ang relasyong ito sapagkat sinisikap pa rin nilang panatilihin ang interes sa pakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Napansin din niyang kailangan pa rin ng relasyon ng matibay na tiwala at respeto sa kapareha upang hindi magdulot ng mga problema. Natutuhan din niyang mahalagang maging handa at magkaroon ng emosyonal na kapasidad upang maiwasan ang matinding sakit sa puntong matapos na ang maikli ngunit masayang situationship. Sa gayon, masisilayang hindi ito parang laro lamang dahil tulad ng anomang uri ng relasyon—puso at emosyon pa rin ang nakataya rito.
Ipinahayag din ni Jacob na bagamat ito ang kagustuhan niya ngayon, hindi niya masasabing mas mainam ang situationship kompara sa mga tradisyonal na relasyon. Napagtanto niyang iba pa rin ang mga relasyong may opisyal na label dahil kalakip nito ang matatag na kinabukasan at patutunguhan. “That’s gonna be much better, mas stable path ‘yun kaysa sa situationship na expected to be short-term lang compared to a long term na real relationship,” paglalahad niya. Subalit, batid din niyang nakasalalay pa rin naman ito sa kahandaan ng isang indibidwal na pumasok sa isang pangmatagalang relasyon. Patunay na sa pagtaya sa habambuhay na pag-iibigan, tanging mga puso lamang ng magkarelasyon ang makapagdidikta ng timpla o daloy ng kanilang pagsasama.
Katiyakang hindi matagpuan
Hindi lahat ng situationship may kasamang puso at emosyong nagpapasaya sa sarili. Sa panayam ng APP kay Tracy*, isang 3rd year student mula Central Luzon Doctors’ Hospital Educational Institution, kaniyang isinaad ang hindi matagumpay na karanasan sa isang situationship. “Hindi as serious as traditional relationship [ang isang situationship],” pagbabahagi niya. Maliban sa relasyong walang kasiguraduhan, malimit na wala ring panliligaw na nagaganap sa situationship. Taliwas ito sa kinalakihang kultura nang ligawan ng mga Pilipino dahil nakagawian na ang pagsuyo sa isang tao bago ito maging kasintahan.
Tumagal man si Tracy ng sampu hanggang 11 buwan sa isang situationship, nagwakas pa rin ito sapagkat mas komportable siya sa pagsasamang nakasanayan ng lahat—pormal na pagsasama at relasyong may titulo. Dagdag pa niya, mahalaga sa kaniya ang kasiguraduhan pagdating sa isang relasyon. Kaya ang kakulangang ito ang naging rason ng pagtatapos dahil wala siyang oras sumabak sa pagsasamang hindi seryoso; relasyong nasabay lamang sa agos ng damdamin.
Sa madaling salita, hindi tunay o seryosong relasyon ang situationship para sa ibang katulad ni Tracy. Ibinahagi niyang mas nakikita niya ang halaga ng samahan ng dalawang taong may label. Subalit, hindi man tunay na relasyon ang tingin niya sa situationship, binanggit naman niyang maaaring magandang panimula ang ganitong samahan para sa mga taong takot sa commitment. Posible rin itong gumana at magtagal basta masaya ang dalawang magkarelasyon sa sitwasyong kanilang kinalalagyan.
Iba man sa nakagisnan ang situationship sa pagkilala ng dalawang tao sa isa’t isa, daan pa rin ito upang makilala at malaman ng husto ang kanilang tatahaking hampulan. Sa gayon, susugal ka ba sa tunay na relasyon o pansamantala munang susunod sa agos ng relasyong walang label?
Paglilinaw sa uri ng relasyon
Nakasalalay sa dalawang tao ang pagpili sa klase ng relasyon na kanilang hangaring matamo. May mga taong naniniwalang may puso at emosyong nakataya kahit situationship lamang ang naturang pagsasama. Sa kabilang banda, mahirap ding bilangin ang dami ng mga taong naniniwalang hindi seryoso ang relasyong walang batayan; kapos sa paninindigan at patutunguhan.
May damdaming kasama ang bawat relasyon. Isinusugal ng iba ang kanilang puso, matupad at makamit lamang ang tinitibok nito. Pahiwatig na may halaga ang situationship kahit wala itong label. May kaniya-kaniyang rason lamang ang lahat na siyang dahilan ng pagiging mas komportable ng iba sa situationship kaysa sa tradisiyonal na relasyon. May mga tao mang mas gusto ang situationship, hindi pa rin maikakailang mas may kasiguraduhan sa tradisiyonal na relasyon. May label itong magbibigay katiyakan sa magkasintahan—kasiguraduhang mahal nila ang isa’t isa.
May label man o wala, walang masama sa pagsubok sa situationship. Isang paraan ito upang mas makilala ang isang taong posibleng makarelasyon. Huwag lamang kalimutang maging malinaw sa intensiyon tungo sa itinuturing na kasintahan. Nararapat na iwasan ng bawat isa ang hindi pagkakaunawaan o pagbiyak sa damdamin ng iba sapagkat situationship man o relasyong may label—hindi biro ang masaktan.
*hindi tunay na pangalan