MATAGUMPAY na naiuwi ng EcoOil-La Salle Green Archers ang kampeonato matapos paamuhin ang Marinerong Pilipino-San Beda Red Lions, 89-74, sa kanilang huling paghaharap sa best-of-three finals series ng 2023 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena, Pasig City, Hunyo 26.
Kinilala bilang Player of the Game si Green Archer Evan Nelle matapos tumudla ng 16 na puntos, limang rebound, pitong assist, at anim na steal. Bumida naman sa opensa ng koponang berde at puti si Kevin Quiambao nang magsumite ng 26 na puntos, sampung rebound, dalawang assist, at anim na steal.
Pinangunahan naman ni Yukien Andrada ang rotasyon ng San Beda matapos tumikada ng 15 puntos at limang rebound. Sumaklolo rin sa kaniya sina James Payosing at Damie Cuntapay nang mag-ambag ng pinagsamang 24 na puntos.
Agarang umaksyon ang Green Archers sa unang sampung minuto ng tapatan upang makakuha ng anim na abante, 17-11. Tagtuyot naman ang naging serye ng sagupaan pagkalipas ng limang minuto nang bigong mailatag ng magkabilang koponan ang kanilang opensa. Gayunpaman, nanatili sa kamay ng EcoOil-La Salle ang bentahe matapos wakasan ang unang kwarter bitbit ang pitong kalamangan, 27-20.
Nagpatuloy ang pagkayod ng Taft mainstays nang tumikada ng tres si EJ Gollena sa unang dalawang minuto ng ikalawang kwarter, 30-21. Nagpasiklab din ng fastbreak play si Mark Nonoy mula sa assist ni Nelle, 32-21. Nabuhayan naman ng loob ang San Beda nang pumuwesto sa labas ng arko si JV Gallego, 39-33, hanggang sa naitabla ng mga Marinerong Pilipino ang sagupaan, 39-all. Kasunod nito, nakalamang pa ang San Beda nang magpakawala ng tres si Gallego, ngunit agad itong inapula ni Nonoy matapos sumagot ng off-the-glass three-pointer upang maibalik ang angat sa kaniyang koponan, 43-42.
Bumulusok naman ang Green Archers pagdako ng ikatlong kwarter matapos rumatsada ng 16-2 run. Nanatiling kontrolado ng Taft-based squad ang daloy ng bakbakan nang pumoste ng layup si CJ Austria, 66-52. Sinubukan namang putulin ni Red Lion Jacob Cortez ang nagbabagang momentum ng Green Archers matapos magpakitang-gilas sa loob ng paint, 68-58. Gayunpaman, nagpatuloy ang pamamayagpag ng Green Archers nang umeksena si Mike Phillips upang dalhin ang La Salle sa komportableng kalamangan sa pagtatapos ng kwarter, 70-58.
Maagang nagrehistro ng 4-0 run ang Green Archers mula sa mga layup nina Austria at Nelle sa pagsalubong ng huling sampung minuto ng sagupaan, 74-58. Tila sumalamin ang pagdaing ng Red Lions sa bakbakan nang maipasok ni Quiambao ang kaniyang ikaanim na tres na sinundan pa ng signature dunk ni Phillips, 82-64. Unti-unting nalusaw ang pag-asa ng Red Lions nang humirit pa ng tres si Nonoy, 88-69. Sa huli, tuluyang pinabagsak ng Green Archers ang Red Lions nang selyuhan ang panalo, 89-74.
Bunsod ng pagkapanalo, hinirang bilang kampeon ang EcoOil-La Salle, bitbit ang 2-0 panalo-talo kartada sa pinal na serye ng liga. Gayundin, ginawaran naman bilang Most Valuable Player ng naturang torneo si Quiambao.
Mga Iskor:
EcoOil-La Salle 89 – Quiambao 26, Nelle 16, Nonoy 14, M. Phillips 12, Escandor 6, Austria 6, Gollena 4, David 4, B. Phillips 1.
Marinerong Pilipino-San Beda 74 – Andrada 15, Payosing 12, Cuntapay 12, Gallego 9, Cortez 8, Alfaro 8, Puno 4, Royo 2, Tagle 2, Visser 2.
Quarterscores: 27-20, 43-42, 70-58, 89-74.