ISINULONG ng DigiReady Philippines: Campus Edition sa programang “BEYOND THE SCREEN: Igniting Collective Action for a Digitally Empowered Society” ang adbokasiyang palawigin ang digital literacy sa mga bansang bahagi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), Hunyo 11. Sinimulan ni Dr. Piti Srisangnam, executive director ng ASEAN Foundation, ang programa sa pagbibigay ng pambungad na mensahe ukol sa mahalagang papel ng digital literacy sa lipunan.
Binigyang-diin naman ni Gabriel Billones Jr., Presidente at CEO ng Break the Fake Movement ang kahalagahan ng kolektibong aksyon sa pagtatatag ng digitally literate na komunidad sa ASEAN. Ibinahagi naman ni Blanch Marie Ancla, mamamahayag at fact-checker ng Vera Files, ang institusyonal na pananaw at karanasan ng organisasyon sa digital literacy.
Nagsilbing tagapagpadaloy ng talakayan si Miguel Pangalangan, project executive sa Education Department ng Asia-Europe Foundation. Kabilang sa mga naging tagapagsalita sina Ancla, Bernice Soriano, project manager ng Media Civics Lab Fact-Checking Academy ng Break the Fake Movement, Dan Anthony Dorado, propesor mula sa UP School of Library and Information Studies at direktor ng Diliman Learning Resource Center, at Ma. Theresa Martelino-Reyes propesor sa UP College of Mass Communications at senior editor ng Vera Files.
Bilang panimula, ipinaliwanag ni Billones ang papel ng pagtukoy sa oportunidad ng mga bansang miyembro ng ASEAN na makagawa ng solusyong tutugon sa agwat na dulot ng digital divide. Layon nitong maabot ang “last miles of media literacy” sapagkat nakaugat sa digital literacy ang masusing pagbuo ng desisyong katulad ng pagboto at pagtuklas ng oportunidad. Bukod pa rito, tugon din ito sa patuloy na pagtaas ng kaso ng cybertrolling, online harassment, at mapanlinlang na impormasyong makikita sa mundong digital.
Pagsusulong ng digital literacy
Isa sa mga programa ang ASEAN Digital Literacy Program na misyong magbigay ng digital literacy skills na nakatuon sa pagsuri at pagtukoy ng maling impormasyon sa mundong digital. Pinangunahan naman ng Rappler ang pangalawang programang #FactsFirstPH na mayroong apat na bahagi.
Una rito ang pag-monitor ng impormasyong nakikita sa social media upang ma-fact-check. Sunod ang pagbuo ng magkakaugnay na sistemang binubuo ng iba’t ibang civil society organization, business sector, at simbahan upang labanan ang disimpormasyon sa bansa. Layon naman ng pangatlong bahagi na tukuyin ang disenyo ng maling impormasyon. Samantala, tinalakay sa panghuling bahagi ang pananagutang i-monitor at i-dokumento ang anomang pag-atake sa mga mamamahayag, fact-checkers, at maging mga indibidwal na naghahayag ng mga tamang impormasyon.
Sa kabilang banda, isiniwalat ng Break the Fake Movement ang mga problemang kanilang kinaharap sa pagsusulong ng digital literacy. Nangunguna dito ang digital divide sa loob ng mga komunidad sa ASEAN na nakaaapekto sa pagkakaroon ng kalidad ngunit abot-kayang serbisyong digital. Pangalawa, ang pagkakaroon ng cybersecurity threats na nagbibigay ng panganib sa data privacy. Pangatlo naman ang maling balita at disimpormasyon na dahilan upang mawala ang tiwala ng mga tao sa mga balita.
Bilang pagpapatuloy, tinalakay sa pang-apat na punto ang pagkakaiba ng wika at kultura na sumusubok sa inisyatiba hinggil sa digital literacy na makapagsilbi sa lahat ng bansang nasa loob ng ASEAN. Tinuldukan naman ang talakayan sa paksa ng mga policy regulatory gaps na humahadlang sa digital integration at pagkakaroon ng ugnayan ng bawat bansa sa ASEAN. Kakulangan sa pagpapaunlad ng teknolohiya at kasanayan naman ang huling pagsubok na humahadlang sa mga rehiyong makipagsabayan sa pabago-bagong digital landscape.
Samakatuwid, ibinahagi ni Ancla ang programa ng Vera Files na “Vera Files Fact Check Trainings” noong 2015 at komprehensibong verification trainings noong 2019 para sa digital literacy. Humigit-kumulang 4,500 indibidwal na ang natulungan ng mga programang ito. Isa pang programa ang tinatawag na “Asia-Pacific Organization”, katuwang ang bansang Taiwan. Isinusulong nito ang misinformation tipline sa Viber na may layong tulungan ang mga OFW na matutong manuri at mag-fact-check ng impormasyon
Tungo sa kinabukasang DigiReady
Tinalakay sa isang makabuluhang diskurso ng mga eksperto mula sa iba’t ibang larangan ang digital literacy at ang oportunidad ng pagsasagawa ng isang kolektibong aksiyon upang labanan ang mali at mapanlinlang na impormasyon. Nangibabaw sa talakayan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng “fact-checking state of mind” lalo na sa panahon ng digitisasyon at nabigyan lahat ng awtoridad maglathala.
Sa pagbabahagi ni Martelino-Reyes, binabahiran ang kredibilidad ng mga mamamahayag ang paglalathala ng fake news ng sinoman sa social media. Subalit, kaniya ring isinaad na hindi wasto ang paggamit ng terminong “fake news” sapagkat kailangang makatotohanan ito bago matawag na balita. Aniya, upang maisulong ang katotohanan, kinakailangang maibalik muli ang tiwala ng sambayanan sa mga mapagkakatiwalaang institusyon at himukin ang mga tao sa masusing pagkonsumo ng impormasyon.
Bukod sa pagkakaroon ng “fact-checking state of mind”, nangibabaw din na tema ang kahalagahan ng “baselining”. Ayon sa diskurso, kabilang sa baselining ang masinsinang pagkilala sa katapat at pagbatid ng kanilang kasalukuyang kapasidad sa digital literacy upang matiyak na angkop ang gamiting pamamamaraan sa pakikitungo. Kabilang dito ang pagkakaroon ng mas malalim na pangunawa sa kinatatayuan ng bawat isa. Iginiit ni Martelino-Reyes na kailangang iwasto ang mapagmataas na pananaw at isulong ang pagkakaroon ng tapat na pag-uusap sa wikang nababatid.
Sa huli, inilahad ni Dorado na mainam na hayaan natin ang social media na maging isponsor para sa media literature sapagkat sila mismo ang hindi inaayos ang pamamahala at maling paggamit sa kani-kanilang plataporma. Karapat-dapat lamang na bawasan ang insentibo ng mga vlogger, content creator, at influencer na nagpapakalat ng malisyosong impormasyon sa kanilang malawak na online platform. Aniya, gobyerno pa rin dapat ang bumalangkas ng mga regulasyon ukol sa digital literacy dahil sila ang makikinabang sa bawat impormasyong lumalabas online.
Kasabay nang mabilis na pag-unlad ng teknolohiya ang pag-iral ng mali at mapanlinlang na impormasyon sa mundong digital. Responsibilidad ng lahat na maging mapanuri sa impormasyong nakikita at kinakailangang pag-aralan nang mabuti ang anomang nakikita sa social media. Gayunpaman, hindi lahat mayroong kakayahan at oportunidad na matutuhan ito. Sa tulong ng mga programang tulad ng DigiReady na dumudulog na maisulong ang digital literacy ng bansa, nabibigyan ang lahat ng pagkakataong alamin at suriin ang bawat impormasyong nakakalap upang mapuksa ang paglaganap ng misimpormasyon sa midya.