Payak lamang ang bawat letra at linya—bantilaw at walang buhay habang umiiral nang kaniya-kaniya. Subalit, sa malikhaing pagsasama-sama ng mga salita sa pahina, nabubuo ang bawat kuwento at eksenang pumupuno sa mga teatro at takilya. May kakayahan itong buhayin ang mga natutulog na diwa at ibalik ang kislap ng mga naputol na koneksiyon sa isa’t isa. Sa bawat dula at pelikula, nagsisimula ang pagbabalik-tanaw sa mga nakaraang ala-ala. Naghahatid din ito ng mga emosyong kayang tumagos sa labas ng mga iskrin, umalpas sa mga pahina ng libro, at umabot sa entablado.
Sa kolaborasyon ng DLSU Harlequin Theatre Guild at Pelikulove, isang online platform na nagsusulong ng kulturang Pilipino, idinaos ang Shoutout Pinas: Maghayag at Lumikha 2023 nitong Mayo 24 sa Yuchengco Hall 407 hanggang 409. Itinampok dito ang anim na maikling pelikula at dulang tumutukoy sa mga napapanahong isyung panlipunan. Nabigyang-buhay sa naturang proyekto ang mga likhang-obra ng mga estudyanteng manunulat sa ilalim ng masusing paggabay nina Ricky Lee, Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula at Sining-Pamamalita, at Rody Vera, Palanca Hall of Fame Awardee.
Pagtatagpi sa pira-pirasong katotohanan
Patuloy na sinusubok ang tibay ng tradisyonal na midya sa paghahatid ng impormasiyon dahil sa pagpasok ng iba’t ibang kontemporaneong porma nito. Pinatunayan ito ng pelikulang “Libro for Ransom” sa direksiyon ni Arjanmar Rebeta na hango naman sa panulat ni Ralph Morales. Ipinakita rito ang kuwento tungkol kina Julia, isang beteranang mamamahayag na ginampanan ni Danica Duno, at Joy, isang Gen Z na TikToker sa pagganap ni Debiree Briones. Nakasentro ito sa kanilang pagtuklas sa hindi umanong pagkawala ng mga libro ni Jose Rizal noong 1961 pati na rin sa mga hamon ng malikhaing pagtala ng kasaysayan.
Bagamat hindi madali ang pagtahak sa ibang plataporma, mariing nanindigan si Julia na hindi mapapantayan ng mga social media influencer ang kalidad ng mga konseptong inihahatid sa mainstream media. Gayunpaman, napagtanto niyang kritikal ding makasabay sa agos ng makabagong lipunan upang mapanatili ang saysay ng mga makabuluhang paksa, gaya ng mga lumipas na kasaysayan. Tunay na hindi madadaig ng pagbabago ng panahon ang hamon ng pamamahayag sa kasaysayan at katotohanan—ani nga ni Julia, “Ipaglalaban ang katotohanan, kahit saan, kahit kailan.”
Sa malagong paglaganap ng alternatibong midya, nagbago na rin ang pamantayang sumusukat sa impluwensiya nito sa publiko. Sa panulat ni Paul Dela Cruz at direksiyon ni Roman Perez Jr., bumida sa “How to Make an Effective Campaign Ad” sina Governor, sa pagganap ni Soliman Cruz, at Direk Jay na ginampanan ni Karl Aquino. Ipinakita sa maikling pelikula ang isang politikong napiit sa likod ng mga rehas—na naghahangad muling tumakbo sa eleksiyon. Bunsod nito, kinailangan niyang magbayad sa isang content creator na lilikha ng mabisang campaign advertisement para sa kaniyang pagtakbo.
Tila isang kasong ipinagkait ang katarungan—ngunit sa likod ng kamera, walang maitatago kahit ang pait ng kasinungalingan. Ipinakita nilang may kakayahan ang mga makapangyarihang paikutin ang midya upang ihain sa masa ang kanilang pinagtagpi-tagping katotohanan para sa sariling kapakanan. Binibigyang-diin din ng obra ang kahalagahan at responsibilidad ng midya, tradisyonal man o alternatibo, sa paglalathala nang matapat sa publiko. Itinambad nito na karapatan ng bawat isa ang malayang pamamahayag ngunit nararapat na isaalang-alang dito ang prinsipyo at katotohanan.
Pagdurusang hatid ng mga namumuno
Nakasanayan na ng mga Pilipino ang isyu ukol sa hindi makatarungang pagpaslang at pagkakam ng lupa na pumupukol sa mga nasa posisyon. Kaya matinding takot at pagkabahala ang bumabalot sa mga kanayunan na siyang nagiging kanlungan ng mga naturang pagpaslang. Inilarawan ng pelikulang “No Trespassing” ang mga pagdurusang kinahaharap ng mga magsasaka. Hango sa panulat at direksiyon nina Dada Grifon at Julius Dela Pena, inihayag ng likhang-sining ang hinanakit ng mga magsasaka laban sa mga umaangkin ng kanilang mga lupain. Dagdag pa rito, iginiit din nito ang isyu ng kakulangan sa sapat na ayuda mula sa pamahalaan upang maibsan ang kalapastangan laban sa mga magsasaka. Itinuon din ang daloy ng pelikula sa mga karahasang dinaranas ng mga mamamahayag partikular na sa paglikha ng mga dokumentaryo.
Sa kabilang banda, matagumpay ding naikintal ng “Quarantine 5” sa madla ang tunay na dusang pinagdaraanan ng mga aktibista. Sa panulat ni Andrew Estacio at direksiyon ni Sari Saysay, binigyang-kulay ng dula ang sakit sa lipunang idinulot ng red-tagging sa Pilipinas. Kinukwestiyon nito ang tunay na kakayahan ng pamahalaan sa pagbibigay ng kongkretong tugon laban sa mga kinahaharap ng bansa nang hindi inaatake ang kanilang nasasakupan.
Hindi mapapawing pag-ibig
Sa kabila ng kaliwa’t kanang pagsubok, nananatili ang kandili ng tao sa paligid. Itinampok naman ng “When a Manananggal Loves a Man” na isinulat ni Raymund Barcelon sa direksiyon ni Neil Azcuna, ang istoryang nagsindi sa diwa ng kilig. Itinampok sa pelikula ang mag-inang manananggal na sina Bae na binigyang-buhay ni Maria Cristina Macapagal, at Sabel, sa pagganap ni Jeanie Darantinao, pati na rin ang kaniyang mortal na nobyong si DJ na ginampanan ni Justin Cabiara. Umikot ang kuwento kay Sabel na binihag ng kaniyang sariling inang si Bae sapagkat tutol ito sa kanilang relasyon ni DJ na hindi nila kauri.
Ipinakita sa katauhan ni Sabel ang kabataan ngayong henerasyon lalo na sa pagpili ng sariling pasiya sa buhay. Hindi biro ang bigat ng pagpapasiya sapagkat dito makikita ang paggamit ng kritikal na pag-iisip at pagpapahalaga. Kabaliktaran man ang wakas ng pelikula, binigyang-diin pa rin nito ang kahalagahan ng pamilya. Gayundin ang mga nararapat taglayin ng isang mabuting anak.
Tila nag-iba naman ang timpla ng pag-ibig matapos itampok ang “Hyper_ext” sa panulat at direksiyon ni Jovi Juan. Nakatuon ang pelikula kay Angelica, sa pagganap ni Aynrand Ferrer, isang mayamang Pilipina na nakikipagtalo sa kaniyang asawa sa pamamagitan ng pag-text sa London’s Underground Subway. Mula sa mga plano hanggang sa mga sensitibong rebelasyon, kakikitaan ito ng isang diskursong nakapokus sa samahan nilang mag-asawa. Bagamat eksena lamang sa subway ang itinampok, naging simbolo pa rin ito ng klase ng komunikasyong nananaig ngayong henerasyon.
Sa likod ng dalawang pelikula, nakapaloob dito ang mga maskarang nagpapakitang kasama ang mga natatanging hamon na babagabag sa pagkatao. Masisilayan ding tunay na sari-sari ang estilo at uri ng pagmamahal na taglay ng bawat indibidwal, mapa-pamilya o kasintahan. Pahiwatig ito na kalakip ng pag-ibig ang mga pagsubok. Subalit, hindi dapat magpatinag sapagkat nariyan ang bawat isa na magiging kasangga sa paglutas ng mga problema.
Bayang pinag-isa ng sining at kultura
Ipinaaalala ng mga obrang nasilayan ang kabuluhan ng pagkakaroon ng diskurso sa pagitan ng mga Pilipino upang makamit ng bansa ang inaasam nitong mapayapa at nagkakaisang lipunan. Mahaba pa ang daang tatahakin ng mga Pilipino upang mapasakamay ito ngunit sa tulong ng pagkakaisa at pagmamahalan, makaaahon din ang lipunang kinabibilangan.
Totoong makapangyarihan ang sining at midya. Sa patuloy na pagdaloy ng mga masining na ideyang nakaaapekto sa buhay ng mga tao, unti-unti itong nagdudulot ng pagbabago sa takbo ng mundo. Nananatiling sandigan ang bawat obra ng mga pusong nais makadama at kaluluwang naligaw sa dusa. Sa pag-unlad ng mga kontemporaneong uri ng midya, higit pang paiigtingin ang layag ng pagmamahal sa sining at pagsulong sa kultura.