PINATIKLOP ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang St. Clare College of Caloocan Saints, 83-74, sa 2023 FilOil EcoOil 16th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Mayo 31.
Pinangunahan ni Player of the Game Mark Nonoy ang Green Archers matapos magpakawala ng 22 puntos, dalawang steal, at isang assist. Sumaklolo naman sa kaniya si Kevin Quiambao bitbit ang 17 marka.
Bumida naman para sa hanay ng St. Clare si Megan Galang matapos tumikada ng 17 puntos, tatlong rebound, isang assist, at isang steal.
Maagang binulabog ng Green Archers ang kalaban nang magsumite ng magkabilaang layup si Nonoy at Vincent David sa unang dalawang minuto ng sagupaan, 4-0. Gayunpaman, hindi napigilan ng solidong depensa ng Taft-based squad ang mga rumaragasang tirada ng Saints matapos magpakawala ng two-point step back jump shot si Ahron Estacio, 6-7. Bunsod nito, nagpatuloy ang pagbulusok ng St. Clare nang kumamada ng maangas na tres si Drick Acosta, 16-18. Sa huling apat na segundo, dinagdagan ni Earl Abadam ang talaan ng berde at puti sa pamamagitan ng dalawang free throw, 18-20.
Inulan naman ng turnovers ang dalawang koponan sa pagpasok ng ikalawang kwarter bunsod ng kaliwa’t kanang travelling violation. Kasabay nito, nahirapan pang makabuo ng momentum ang DLSU buhat ng kanilang foul trouble at technical foul para kay DLSU coach Topex Robinson, 25-31. Subalit, buong-lakas namang ikinarga ni Nonoy ang opensa ng DLSU matapos magpakawala ng nag-aapoy na tres upang itabla ang talaan, 32-all. Sa kabilang banda, muling nagpaulan ng tres si Acosta na agad namang sinagot ni Quiambao at David sa pamamagitan ng isang layup at isang tres sa dulo ng kwarter, 40-38.
Buena manong free throw naman ang handog ni Green Archer Earl Abadam pagdako ng ikatlong kwarter, 42-38. Gayunpaman, agad namang binura ng Saints ang kalamangan ng berde at puti nang magsumite ng magkasunod na tirada si Babacar Ndong mula sa kaniyang jumpshot at layup, 42-all. Nagpatuloy pa ang dikdiking sagupaan hanggang sa nahatulan ng ikalawang technical foul si DLSU coach Topex Robinson buhat ng kaniyang pagpasok sa loob ng court upang humingi ng offensive foul mula sa referee, dahilan ng kaniyang ejection mula sa laro. Hindi naman nagpatinag ang DLSU nang muling maitabla ang ikatlong kwarter sa pamamagitan ng free throw ni CJ Austria, 57-all.
Maagang tumipa ng dalawang puntos si Nonoy sa unang minuto ng huling kwarter upang makaabante sa talaan, 59-57. Subalit, agad naman itong sinagot ni Ryan Sual mula sa kaniyang umaatikabong tirada sa labas ng arko, 59-60. Sa kabila nito, tila nabuhayan naman ang Taft-based squad matapos rumatsada ng 5-0 run sa bisa ng tira ni Quiambao mula sa loob ng paint, 67-62. Kumandili rin si Jonnel Policarpio ng pitong magkakasunod na marka sa huling limang minuto upang palobohin ang kanilang kalamangan, 79-72. Humabol pa si Quiambao ng isang slam at dalawang puntos mula sa free throw line, 83-72. Nagrehistro pa ng isang layup si Sual, ngunit hindi ito naging sapat upang pahabain ang serye, 83-74.
Bunsod ng pagkapanalo, matagumpay na winalis ng Green Archers ang group 2 ng naturang torneo tangan ang 9-0 kartada. Samantala, nakaantabay naman ang koponan para sa susunod na yugto sa paparating na Hunyo 16, sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU 83 — Nonoy 22, Quiambao, 17, David 9, Policarpio 9, M. Phillips 7, Abadam 6, Cortez 4, Escandor 2, Gollena 2, Nwankwo 2, Manuel 2, Austria 1
St. Clare 74 — Galang 17, Sual 13, Acosta 12, Estacio 10, Kane 10, Ndong 7, Tapenio 3, Victoriano 2
Quarterscores: 18-20, 40-38, 57-57, 83-74