TINAMBAKAN ng EcoOil-La Salle Green Archers ang batalyon ng AMA Online Education Titans, 126-43, sa PBA D-League Aspirants’ Cup 2023 sa Ynares Sports Arena, Mayo 25.
Bumida para sa EcoOil-La Salle si Green Archer Raven Cortez matapos pumukol ng 19 na puntos at 12 rebound. Umalalay din si Ben Phillips nang mag-ambag ng 19 na puntos.
Nagpakitang-gilas naman sina Earl Ceniza at Reed Baclig para sa AMA tangan ang pinagsamang 20 puntos.
Naghuhuramentadong sinimulan ni Bright Nwankwo ang unang 30 segundo ng kwarter matapos isalaksak ang bola sa rim, 4-0. Umeksena rin si Francis Escandor nang tumipa ng dalawang tres upang palobohin ang kanilang kalamangan, 10-2. Sinubukan namang makahabol ng koponang AMA sa talaan nang magpasiklab ng tirada si Ceniza. Subalit, tuluyan nang tinuldukan ng Green Archers ang unang kwarter, 55-16.
Nagpatuloy ang pagdomina ng Taft-based squad sa kanilang katunggali pagdako ng ikalawang kwarter. Sa kabilang banda, mas pinaigting naman ng Titans ang kanilang opensa upang makalusot sa mahigpit na pagbabantay ng Green Archers. Samantala, hindi pa rin nagpaawat ang berde at puti nang rumatsada ng puntos sa pangunguna ni Bright Nwankwo upang isara ang kwarter, 80-29.
Binagyo naman ng pana ang ikatlong kwarter matapos magpamalas ng matitinik na opensa at depensa ang Taft-based squad. Hindi napigilan ng AMA ang pag-araro ng Green Archers ng fast break points na sinabayan pa ng easy layup at highlight dunk ni Ben Phillips, 105-38. Sinubukan pang sumagot ng AMA ngunit agarang tumira ng isang long range two-pointer si EJ Gollena, 109-41.
Walang awa namang iginapos ng La Salle ang AMA pagpasok ng huling kwarter ng bakbakan bunsod ng kanilang nagbabagang opensa. Pinaigting man ng Titans ang kanilang depensa, hindi ito naging sapat upang barikadahan ang nagliliyab na tres ni Earl Abadam, 121-43. Sa huli, nagpakawala ng midrange jumper si Penny Estacio upang selyuhan ang sagupaan, 126-43.
Abangan ang susunod na bakbakan ng EcoOil-La Salle kontra Wangs Basketball Strikers sa susunod na Huwebes, Hunyo 1, ika-4 ng hapon sa Ynares Center Antipolo.
Mga Iskor:
EcoOil-La Salle – Cortez 19, B. Phillips 19, Nwankwo 15, Escandor 14, Nonoy 13. Buensalida 11, Gollena 8, Alao 6, Abadam 5, M. Phillips 5, David 4, Estacio 4, Nelle 3.
AMA Online Education Titans – Ceniza 10, Baclig 10, Dela Rosa 5, Golloso 4, Alina 3, Cantoma 3, Del Pilar 3, Bentulan 2, Panlilio 2, Fernandez 1.
Quarterscores: 42-10, 80-29, 109-41, 126-43