MARIING INARARO ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang First Asia Institute of Technology and Humanities (FAITH) Colleges Bravehearts, 105-60, sa 2023 FilOil EcoOil 16th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Mayo 24.
Nagsilbing susi sa pagkapanalo ng Green Archers si Ben Phillips nang magsalaksak ng 12 puntos, apat na rebound, at dalawang assist. Rumesponde rin si Kevin Quiambao matapos mag-ambag ng 17 puntos, siyam na rebound, at isang assist.
Bumida naman para sa FAITH Colleges si Jude Torrato matapos umukit ng 15 puntos, apat na rebound, at tatlong assist.
Binuksan ng dalawang koponan ang unang yugto ng sagupaan bitbit ang magkabilaang tirada nina Green Archer Jonnel Policarpio at Braveheart Torrato sa labas ng arko, 3-all. Napundi ang alab ng FAITH Colleges sa ikatlong minuto ng laban nang pagtibayin ng Taft-based squad ang kanilang opensa at depensa, 10-9. Bunsod nito, tuluyang itinaas nina Bright Nwankwo, Mark Nonoy, at Quiambao ang bandera ng berde at puti matapos magtala ng 18-0 run, 28-9. Sinubukan mang buhayin ni Villamor ang pag-asa ng Bravehearts sa pamamagitan ng isang overhand layup, ngunit agarang itong sinuklian ni Green Archer Raven Cortez ng isang sidearm layup upang selyuhan ang kwarter, 33-11.
Nagpaulan naman ng limang puntos si Quiambao sa unang dalawang minuto ng ikalawang kwarter upang bitbitin ang koponan sa 23 puntos na abante, 38-15. Nag-ambag din ng tatlong marka si Green Archer Earl Abadam matapos magpakawala ng tira sa labas ng paint, 43-19. Samantala, nagpatuloy ang paghahari ng Taft-based squad nang rumatsada ng 16-0 run upang siilin ang 35 puntos na kalamangan sa pagpasok ng halftime, 67-32.
Sinimulan namang paandarin ni Quiambao ang opensa ng DLSU sa bisa ng isang layup pagdako ng ikatlong bahagi ng sagupaan, 67-34. Hindi rin nagpaawat si Policarpio matapos tumudla ng dalawang puntos sa loob ng paint at isang marka mula sa free throw line, 78-37. Binuwag pa lalo ni Nonoy ang opensa ng Bravehearts nang matagumpay niyang sinulot ang bola at magpakitang-gilas gamit ang kaniyang fastbreak, 80-37. Humirit pa ng tres si Green Archer Joaqui Manuel sa pagtatapos ng kwarter upang ibigay sa kaniyang koponan ang 45 markang angat sa pagpasok ng huling sampung minuto ng laro, 86-41.
Nagpatuloy naman ang pagragasa ng Taft-based squad sa huling kwarter. Tila walang naging tugon ang Bravehearts sa pag-arangkada ng DLSU, kabilang ang makatindig-balahibong dakdak ni Cortez. Sinubukan pang paliitin ng Faith Colleges ang diperensiya sa likod ng mga atake ni Torrato, subalit hindi ito naging sapat nang tuluyang tuldukan ng Green Archers ang bakbakan, 105-60.
Kalong-kalong ang panalo, nakaupo pa rin sa tuktok ng standings ang Green Archers tangan ang malinis na panalo-talo kartada, 7-0. Subaybayan ang muling pagpapakitang-gilas ng mga higante ng Taft sa kanilang sagupaan kontra Ateneo De Manila Blue Eagles sa Linggo, Mayo 28, sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU – Quiambao 17, Policarpio 13, B. Phillips 12, Nwankwo 12, Nonoy 10, Cortez 7, Abadam 6, Escandro 6, David 5, Gollena 5, M. Phillips 4, Manuel 3, Estacio 3, Buensalida 2
FAITH Colleges – Ju. Torrato 15, De Castro 4, Amparo 5, Ja. Torrato. 5, Millares 5, Fernando 4, VIllamor 4, Dimawala 4, Llamado 2, Navarez 2
Quarter Scores: 33-13, 67-32, 86-41, 105-60