BINUWAG ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang puwersa ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 90-83, sa kanilang unang paghaharap sa 2023 FilOil EcoOil 16th Preseason Cup sa FilOil EcoOil Centre, Mayo 20.
Nagpasiklab para sa Green Archers si big man Mike Phillips nang magtala ng 22 puntos, 14 na rebound, dalawang assist, at dalawang steal. Umalalay din sa pagpuntos si Kevin Quiambao matapos mag-ambag ng 21 puntos, pitong rebound, apat na assist, at isang steal.
Bumida naman para sa hanay ng Fighting Maroons si Malick Diouf nang magsumite ng 23 puntos at 15 rebound.
Naging usad-pagong ang kampanya ng Green Archers sa unang apat na minuto ng sagupaan nang mapako ang talaan sa 2-10. Bunsod nito, sinubukang pigilan ni Phillips ang pag-arangkada ng Fighting Maroons sa bisa ng isang layup at isang free throw, 5-10. Gayunpaman, lumobo ang kalamangan ng UP nang sumagot si Fighting Maroon Reyland Torres ng dalawang puntos, 10-20. Nagrehistro naman ng dalawang marka sina Green Archer CJ Austria at Mark Nonoy sa free throw line upang mapadikit ang talaan sa huling bahagi ng unang kwarter, 19-25.
Sa pagbubukas ng ikalawang kwarter, nalimitahan ang pag-iskor ng mga nakaberde nang paigtingin ng Diliman-based squad ang kanilang depensa. Sa kabilang dako, binasag naman ni Poli Policarpio ang katahimikan nang umiskor mula sa isang layup, 21-34. Tila nabuhayan ang diwa ng Green Archers nang bumulusok ng tirada si Earl Abadam at magkakasunod na tres sina Evan Nelle at Nonoy, 40-41. Samakatuwid, humirit ng isang layup si Phillips upang tuldukan ang naturang kwarter, 42-49.
Nagpaulan naman ng tatlong magkakasunod na tres si Quiambao pagdako ng ikatlong kwarter upang putulin ang pag-abante ng Fighting Maroons, 51-52. Kaakibat nito, nagsumite ng tig-dalawang puntos sina Bright Nwankwo at Austria upang tuluyang ungusan ang Fighting Maroons, 55-52. Naitabla pa ni Diouf ang iskor sa 59 mula sa kaniyang layup, subalit agad namang tumira mula sa labas ng paint si Policarpio upang bawiin ang kalamangan, 62-59. Kasunod nito, rumatsada ng 9-0 run ang Green Archers upang tuluyang makawala sa bitag ng Fighting Maroons sa pagtatapos ng kwarter, 71-63.
Naging bentahe naman ng DLSU sa huling kwarter ang pagpuntos mula sa free throw line, 75-67. Muling nagpamalas ng tikas si Phillips nang magpakitang-gilas ng isang slam, 77-67. Samakatuwid, nag-init naman ang diwa ni Nonoy matapos magpasiklab mula sa kaniyang fastbreak layup, 88-80. Tuluyan namang sinelyuhan ng Taft-mainstays ang panalo nang maipasok ni Nelle ang dalawang tirada mula sa free throw line, 90-83.
Bunsod ng tagumpay, nananatiling malinis ang kartada ng Green Archers sa naturang torneo. Sunod namang makahaharap ng Taft-based squad ang University of the East Red Warriors bukas, Mayo 21, sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU 90 – Phillips 22, Quiambao 21, Nonoy 9, Policarpio 9, Nelle 9, Abadam 8, Austria 6, David 4, Nwankwo 2
UP 83 – Diouf 23, Gonzales 9, Cansino 8, Abadiano 7, Lopez 7, Torres 6, Felicilda 4, Torculas 4, Briones 4, Alarcon 3, Gagate 3, Fortea 2, Belmonte 2, Pablo 1
Quarter Scores: 19-25, 42-49, 71-63, 90-83