INABSUWELTO ng University Student Government Judiciary (USG-JD) ang Executive Board ng Commission on Mental Health and Well-being (CMHW) sa kanilang kasong paglabag sa Bill of Rights, Accountability of USG Officers, at Articles of Impeachment ng 2020 USG Constitution, Mayo 12. Alinsunod ito sa naging paratang ni Ayahnna Rykah Dayu, dating director for policies and reforms, na hindi sumunod ang komite sa tamang proseso ng kaniyang pagbibitiw.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso sina Commissioners Michiyo Matsumura at Patricia Ysabel Ang, Chief of Staff Sophia George Reyes, at Chief Operations Officer Noel Velez. Kumatawan naman para sa pamayanang Lasalyano sina Counsel Officers Jose Raphael Alejandro Jamir at Nathalie May Libres.
Pagdinig sa mga alegasyon
Hindi napatunayan ng nagsasakdal sa isinagawang paglilitis ang mga naging paratang dahil walang legal na dokumento, larawan, o rekording ang makapagpapatunay na tatanggalin ng lupon si Dayu mula sa kaniyang posisyon. Ayon pa sa USG-JD, “. . . the Defendants cannot also be guilty of a power they cannot exercise. . . because their Commission is not granted the quasi-judicial power to investigate nor remove USG officers.”
Pinabulaanan din ng mga nasasakdal ang paratang na inalok at inutusan nila si Cote na ipakilala ang sarili bilang bagong Director for Policies and Reforms sa isinagawang pagpupulong noong ika-8:30 ng gabi ng Pebrero 6, ilang oras lamang matapos makipagkita kay Cote sa EGI Taft Towers. Pahayag ni Cote, nilapitan lamang siya upang maging karagdagang direktor sa komite at hindi upang humalili sa puwesto ni Dayu.
Bunsod nito, napatunayang hindi nilabag ng mga nasasakdal ang accountability clause at buong konstitusyon ng USG dahil pinahintulutan pa rin si Dayu na magsilbing direktor nang walang anomang pinsala.
Wala ring nakitang kapabayaan ang USG-JD sa CMHW hinggil sa mga paratang laban kay Dayu na ipinaalam ng isang hindi kilalang indibidwal kay Matsumura noong Pebrero 6. Kaugnay ito sa pagpapahayag ni Dayu ng mga racial slur at salitang “autistic” upang ilarawan ang isang propesor bago pa man siya maging opisyal ng USG.
Bunsod nito, ipinahayag ng USG-JD na “USG laws cannot be applied to the acts she has done as a private individual since private individuals in the student body are covered by different laws and are handled by different authorities.”
Gayundin, pinawalang-sala ng hukom ang kaso na kinasasangkutan ng komite dahil bigong magbigay ang nagsasakdal ng konkretong ebidensya sa kawalan ng integridad sa USG. Hindi rin napatunayang nag-aabang sila ng bakanteng posisyon at nilabag ang kanilang responsibilidad sa pagtago ng mga detalye hinggil sa alegasyon laban kay Dayu. Samakatuwid, wala ring sapat na ebidensya na makapagpapatunay na nais nina Matsumura, Ang, Reyes, at Velez na palitan si Dayu sa puwesto.
Maituturing namang labas sa hurisdiksyon nila ang impeachment charge kaya pinahintulutan nang bumalik sa puwesto ang buong lupon at ipagpatuloy ang kanilang mga responsibilidad sa USG.
Kaso laban sa CMHW
Alinsunod sa mga naging alegasyon kay Dayu, napagdesisyonan ng CMHW na pansamantalang alisin ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga opisyales na inilathala sa Facebook page ng USG habang tinatalakay pa ang isyu. Ipinaalam naman ito kaagad ni Matsumura kay Dayu kasabay ang pagtakda ng isang pagpupulong upang mapag-usapan ang naturang isyu.
Isinapubliko ang naturang listahan matapos ang ilang minuto nang hindi naglalaman ng pangalan at posisyon ni Dayu sa CMHW. Kaagad namang nilapitan ni Dayu si Matsumura hinggil sa mga detalye ng naturang alegasyon ngunit hindi siya nakatanggap ng tugon bunsod ng online na klase at pagkonsulta ni Matsumura sa mga opinyon ng kapwa opisyales sa lupon.
Dulot nito, binigyang-diin ni Dayu na tila pinagkaitan siya ng kaniyang karapatan sa impormasyon. Aniya, “a court system or even a professional one, the other party has the right to know what [the allegations they are] being accused of so that they may be informed and prepared.”
Nakipagkita naman si Matsumura, kasama si Ang, kay Cote sa naturang condominium habang kinakausap pa rin niya si Dayu hinggil sa naturang isyu. Layon nilang imbitahin si Cote sa isang pagpupulong at magsilbing karagdagang direktor ng komite. Gayunpaman, imbitado pa rin si Dayu rito, kasama si Cote, at ang bagong itinalagang direktor na si Gabrielle Del Rosario. Subalit, hindi dumalo si Dayu sa dahil hindi siya komportable rito.
Nagkaroon naman ng hiwalay na pagpupulong sa parehong araw ang lupon kasama si Dayu upang mapag-usapan ang mga alegasyon. Inamin kaagad ni Dayu ang mga alegasyon at opisyal ding naghain ng isang liham ng pagbibitiw kinabukasan, Pebrero 7. Opisyal namang iniluklok ni Ang si Cote bilang bagong Director for Policies and Reforms sa bisa ng isang Notice of Appointment noong Pebrero 14.