NAUDLOT ang pagtatangkang ratsada ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers matapos matisod sa kawad ng determinadong Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 21-25, 25-19, 22-25, 22-25, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Men’s Volleyball Stepladder Tournament, Mayo 3, sa Smart Araneta Coliseum.
Nanguna para sa hanay ng Green Spikers si open hitter Noel Kampton matapos magrehistro ng 18 puntos mula sa 16 na atake, isang service ace, at isang block. Pumana rin sina opposite hitter JM Ronquillo at middle blocker Billie Anima ng pinagsamang 31 marka upang pangunahan ang opensa ng koponan.
Nasungkit naman ni Mark Calado ang tuktok ng talaan sa panig ng Tamaraws matapos pumoste ng 22 puntos mula sa atake. Naging sandigan din ng opensa ng FEU sina team captain Jelord Talisayan at Zhydryx Saavedra tangan ang tig-12 puntos.
Buena manong dikdikan ang ibinungad ng Green Spikers at Tamaraws nang magpalitan ng puntos ang dalawang koponan, 12-all. Napako naman sa kanilang puwesto ang mga atleta mula Taft nang kumamada ng 4-0 run ang Morayta-based squad, 12-16. Sa kabila nito, sinubukang putulin ni Anima ang pag-abante ng Tamaraws sa bisa ng isang quick attack, 18-20, ngunit agad itong sinagot ng atake ni Talisayan mula sa kanan, 18-21. Bunsod nito, tuluyang nanaig ang puwersa ng Tamaraws nang bigong maitawid ni Kampton ang bola mula sa service line, 21-25.
Pumabor ang ikot ng bola sa panig ng DLSU buhat ng pagsampa sa entablado ni Green Spiker Jules De Jesus sa ikalawang set. Nagsilbing mahiwagang bunot si De Jesus na kumana ng tatlong puntos kaagapay ang pinaigting na depensa ni DLSU floor defender Menard Guerrero na nakapuntos mula sa isang dig upang kargahan ang kampanya ng naturang koponan.
Nagsanib-puwersa naman ang highflyers ng Tamaraws na sina Saavedra, Calado, at Talisayan ng pinagsamang 11 puntos upang mahabol ang lumalagablab na opensa ng kalalakihan ng Taft. Dumikit man sa talaan, 17-13, hindi na muling pinahirit ng Green Spikers ang Tamaraws nang magsimulang tumrangko sa frontrow si DLSU star player Kampton tangan ang apat na puntos. Tuluyang lumayo ang talaan pabor sa panig ng DLSU, agad naman itong sinelyuhan ni Kampton sa pamamagitan ng isang service ace, 25-16.
Maagang kumita ang Tamaraws sa mga unforced error ng Green Spikers sa pagbulusok ng ikatlong set, 4-8. Nagsumite naman ng 6-2 run ang mga atletang Lasalyano upang itabla ang talaan sa sampu gamit ang solidong tipak ni Del Pilar sa gitna. Namuhunan si FEU playmaker Martinez sa kaniyang wingers upang bitbiting muli ang koponan sa anim na angat, 16-22. Pumayong naman ng tatlong magkakasunod na block sina Green Spikers Anima, Del Pilar, at De Jesus upang ukitin ang inaasam na momentum ng luntian at puti, 21-23. Sa kabila ng tangkang makaangat, agad na pinutol ni Saavedra ang pansamantalang ginhawa ng Green Spikers at kumawala ng isang through-the-block hit mula sa kanan upang bitbitin ang kaniyang pangkat sa 2-1 bentahe, 22-25.
Naging dikit ang sagupaan ng dalawang koponan pagtapak sa ikaapat na set. Nagningning sa panig ng Tamaraws ang middle blocker nito na si Bugaoan kasabay ang mga mabulusok na hampas sa zone 1 ni Calado na pumukol ng tig-dalawang puntos. Naging tanglaw naman ng Green Spikers si Anima na kumabig ng anim na puntos habang umagapay din sina Kampton at Ronquillo taglay ang tig-tatlong puntos.
Masikip man ang kuwerdas ng talaan, nakahanap ng lagusan ang FEU sa pamamagitan ng malilikot na hataw ng mga winger nito na sina Javelona at Calado upang masupil ang pagtatangka ng DLSU na makausad sa stepladder, 22-25.
Bunsod ng pagkatalong ito, tuluyang namaalam ang Green Spikers sa paligsahan tangan ang ikaapat na puwesto sa talaan.