WINAKASAN ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang isang dekadang pagpalyang makapasok sa Final Four matapos maghimagsik kontra sa sandatahan ng University of the East (UE) Red Warriors, 25-16, 23-25, 25-13, 25-22, sa pagtatapos ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Men’s Volleyball Tournament, Abril 29, sa FilOil EcoOil Centre.
Umarangkada para sa DLSU Green Spikers si Paul Serrano matapos makasungkit ng 19 na excellent set. Kinomplimenta ito ni Green Spiker Noel Kampton na nagbuhos ng 20 puntos kaakibat ang 14 na puntos nina Green Spiker Captain Vince Maglinao at JM Ronquillo.
Pinangunahan naman nina Joshua Pozas at Kenneth Culabat ang hanay ng Red Warriors matapos parehong makapagtudla ng 17 puntos.
Binuksan ng dalawang koponan ang tapatan sa dikit na talaan, 4-4, bago kinabig ng Green Spikers ang pagkakataong umabante sa bisa ng 7-1 run, 11-5. Nagpatuloy ang magandang kampanya ng Taft-based squad nang matagumpay na tipakin ni Maglinao ang tangkang atake ni Culabat mula sa kanan, 20-13. Tuluyang nanaig ang puwersa ng luntian at puti sa pagtatapos ng unang bahagi ng laro matapos ipamigay ni Pozas ang puntos bunsod ng service error, 25-16.
Bumida sa ikalawang set si Green Spiker Billie Anima at Red Warrior Culabat matapos magsagutan ng cross-court spike, 7-6. Nangibabaw ang sagutan ng dalawang koponan matapos ang kani-kanilang kagila-gilalas na mga atake, 16-all. Sumagot ng mga off-the-block hit ang Green Spikers upang lumamang ng isang puntos, 21-20. Nagliyab ang galamay ni Kampton matapos magmarka ng back-to-back na atake, 23-22. Gayunpaman, bumagsak ang depensa ng DLSU sa huling yugto ng set matapos magkamit ng error at kumagat sa off-the-block hit ni Red Warrior John Paul Mangahis, 23-25.
Bitbit ang hangarin na makabawi sa nakaraang set, lalong pinatibay ng Green Spikers ang kanilang opensa sa net nang maglatag ng isang solidong block si Maglinao, 4-2. Naging bentahe rin para sa koponan ang mga off-speed na atake ni Kampton, 8-4. Tuloy-tuloy ang pag-iskor ng mga kalalakihan ng Taft upang palobohin ang kalamangan sa walo, 13-5. Nagtala naman ng service error si Culabat upang tuluyang selyuhan ng Green Spikers ang set, 25-13.
Pinaandar ng Recto-based squad ang kanilang depensa at hindi pinalusot ang tangkang atake ni Ronquillo mula sa kanan upang bitbitin ang koponan sa limang markang angat, 6-11, sa pag-arangkada ng ikaapat na set. Hindi naman nagpatinag ang Green Spikers at nagsumite ng 7-0 run sa pangunguna ng mga block ni Nath Del Pilar, 13-11. Sumilay sa mga Lasalyanong atleta ang pag-asang mapabilang sa Final Four nang paganahin ni middle blocker Anima ang kaniyang malapader na tikas laban sa gitnang atake ni Torres, 21-18. Tuluyang winakasan ni DLSU best scorer Ronquillo ang sagupaan sa bisa ng combination play, 25-22.
Bunsod ng pagkapanalong ito, papasok ang Green Spikers sa stepladder Final Four format bitbit ang 8-6 baraha matapos walisin ng defending champions National University Bulldogs ang elimination round. Susubukan ng kalalakihan ng Taft na makausad sa talaan sa kanilang sagupaan kontra Far Eastern University Tamaraws sa Mayo 3, sa ganap na ika-11 ng umaga, sa Smart Araneta Coliseum.