KINORONAHAN ang De La Salle University (DLSU) Green Batters bilang back-to-back champions matapos paluhurin ang sandatahan ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 8-4, sa do-or-die finals ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Baseball Tournament, Abril 21, sa UP Diliman Baseball Pitch.
Nagningning sa pagkuha ng ginto si Green Batter Captain Joshua Pineda matapos tumayo bilang pitcher ng koponan sa buong laban. Bukod sa depensa sa loob ng diamond, nakapagkubli rin siya ng tatlong strikeout. Bumida naman para sa opensa ng DLSU si Green Batter Julius Diaz sa kaniyang triple RBI at Green Batter Lord Aragorn De Vera sa tatlong RBI, at kapwa isang run.
Sumabay sa tirik ng araw ang init ng determinasyong ipinadama ng dalawang koponan sa pagsisimula ng unang inning. Matulis ang mga naging unang bato ni Green Batter Peter Nonalladia ngunit napawalang-bisa ito matapos magbigay ng tatlong walk at isang run. Pumalit agad bilang relief pitcher si Pineda upang maalagaan ang depensa ng koponan. Nakabawi naman sa bottom half ng inning ang Taft-based squad matapos makauwi sa base sina Diaz at De Vera, 2-1.
Naitabla ng UP ang kartada matapos magkapaglista ng homerun si Kobe Torres ng right-field flyball sa ikatlong inning. Sumubok naman si Green Batter Iggy Escaño na magpakitang-gilas sa laban matapos makalusot patungong second base. Bagamat naagaw pa niya ang third base, nabigong makapuntos ang berde at puti matapos masalo ang center-field hit ni Green Batter Renato Samuel, 2-2.
Kasunod ng kawalan ng puntos sa dalawang magkasunod na yugto, mistulang kulay berde ang home plate matapos sumugat ng limang puntos ang Green Batters sa ikaapat na inning. Nagsimula ito sa pagtapak ni Diaz sa batters box, bases loaded, sa kaniyang pagpapaliyab ng RBI triple upang makapag-ukit ng tatlong puntos. Ipinagpatuloy ni De Vera ang pananalasa ng DLSU sa likod ng left-field flyball upang mapauwi ang mga runner sa first at second base, 7-2.
Bahagyang nabuhayan ng dugo ang Fighting Maroons sa ikapitong yugto sa mga groundball hit nina Fighting Maroons Mark Liwanagan at Torres upang makalikom ng dalawang puntos para sa Kalayaan-based squad. Nakasagot din naman ang DLSU sa parehong inning sa pagkaripas ni De Vera mula sa groundball hit ni Green Batter Pio Villamiel, 8-4.
Nanatiling agresibo si Pineda sa pagpapakawala ng kaniyang patented two-seam sa kabila ng tatlong oras na pamamahay sa mound. Inangklahan ni Pineda ang tatlong out ng top of the ninth kabilang ang makapigil-hiningang strikeout kay Fighting Maroon Miggy Reyes. Nakamit ng Green Batters ang kampeonato sa pag-antabay ni Villamiel sa right-field sa championship ball.
Ibinahagi ni Pineda sa isang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) matapos ang kanilang pagkapanalo. “Masarap sa feeling kasi ito talaga ‘yung goal namin from the start pa lang kasi never pa nag-back-to-back championship ‘yung La Salle sa baseball,” wika ng finals Most Valuable Player (MVP) at kapitan ng Green Batters.
Inamin naman ni Green Batter coach Joseph Orillana sa kaniyang panayam sa APP na naging maiksi at kaunti lamang ang naging preparasyon ng koponan, ngunit hindi ito itinuring na hadlang upang hindi makatungtong sa finals at maiuwi muli ang gintong medalya. Ayon kay Coach Orellana, “Sobrang proud ako sa mga players ko at masaya siyempre. Lahat ng sacrifices namin talaga during the pandemic, sabi ko kaunting tiis na lang makukuha rin natin ‘to.”
Nakamit ng Green Batters ang kanilang ikalimang ginto sa UAAP noong Season 81 ngunit hindi agad ito nadepensahan bunsod ng pandemya. Matapos ang umaatikabong pagsungkit ng karangalan, itinanghal si Green Batter Vincent Flores bilang atleta na may Most RBIs o Runs Batted In. Nagwagi rin bilang Finals MVP si Joshua Pineda.
Humakot naman ng gantimpala si Justine Rosales ng UST matapos parangalan bilang MVP ng Season 85, Most Homerun, at Best Slugger. Tagumpay ding naiuwi nina Pablo Capati ng Ateneo De Manila Blue Eagles ang Rookie of the Year, Bryan Castillo ng Adamson University (AdU) ang Most Stolen Base, Marc Mercado ng UP ang Best Pitcher, at Raymond Nerosa ng AdU ang Best Hitter.