DUMAPA ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa dilaab ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles sa loob ng makapigil-hiningang limang set, 25-22, 19-25, 28-26, 20-25, 13-15, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Men’s Volleyball Tournament, Abril 23, sa SM MOA Arena.
Bumida para sa DLSU Green Spikers si Noel Kampton matapos kumamada ng 21 puntos na binubuo ng 19 na atake at dalawang service ace. Nagpasiklab din sina team captain Vince Maglinao at opposite hitter JM Ronquillo na parehong nakapag-ambag ng tig-17 puntos.
Hinirang naman na Player of the Game si Blue Eagle Ken Batas matapos magsumite ng 30 puntos mula sa 28 atake at dalawang block. Nakapagtala rin ng 21 marka si Blue Eagle Jian Salarzon upang bitbitin ang koponan sa inaasam na panalo.
Pursigidong binuksan ni Ronquillo ang unang bahagi ng laban nang magpakawala ng down-the-line hit kaakibat ang paghulog ng bola sa zone 4, 4-3. Matapos magbigay ng mga libreng puntos ang koponan ng berde at puti, agarang ginambala ni Salarzon ang kalaban sa solidong pagpapabagsak ng bola sa zone 6, 6-8. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang puwersa nina Ronquillo, Kampton, at Maglinao matapos gisingin ang opensa ng Taft-based squad upang maagaw ang momentum, 13-12. Sinubukang pigilan ni Salarzon ang patuloy na paglipana ng mga palaso ng Green Spikers matapos kumamada ng matitinik na atake, 20-19. Subalit, tuluyang napasakamay ng Taft ang panalo matapos maglista ng service error si Blue Eagle Jettlee Gopio, 25-22.
Nagpatuloy ang pamamayagpag ng Taft-based squad sa ikalawang set matapos siilin ni Green Spiker Billie Anima ng isang running attack, 6-3. Nanatili ang kumpiyansa ng Green Spikers sa kalagitnaan ng sagupaan at matagumpay na nakapagrehistro ng 5-2 run, 16-11. Subalit, naputol ang pansamantalang ginhawa ng Green Spikers nang simulang ipagaspas ng mga agila ang kanilang pakpak at malayang nakapagtala ng 6-1 run upang itabla ang iskor, 18-all. Tuluyang naubusan ng palaso ang Green Spikers sa pagtatapos ng ikatlong bahagi at dumulas sa kanilang palad ang 2-0 bentahe, 19-25.
Maagang uminit ang mga palad nina Batas at Maglinao sa pagbubukas ng ikatlong set matapos magsuklian ng nagbabagang atake sa dulo ng kort, 4-4. Sinapawan agad ng mga agila ang karera matapos ang backrow attack ni Salarzon, 6-7. Sa kabila ng nagbabagang depensa ng kalaban, pinatibay ni Maglinao ang opensa ng Taft-based squad sa pamamagitan ng matatayog nitong bantay sa net, 12-all. Sa patuloy na nakatitinding-balahibong paglipad ng bola, tinuldukan ni Ronquillo ang mahabang rally nang bombahin ang zone 2, 16-17. Naging mahigpit ang kapit ng dalawang koponan ngunit hindi na pinagbigyan ni Anima na papasukin ang mga atake ng mga agila, 28-26.
Naghasik ng maagang dominasyon ang bughaw na koponan sa ikaapat na set matapos rumatsada ng walong kalamangan, 10-2. Winarak ng Blue Eagles ang kumpiyansa ng Green Spikers nang tipakin ng mga ito ang mga tangkang puntos nina Del Pilar, Maglinao, at Ronquillo. Sa huli, nanaig ang mga atleta ng Loyola Heights nang dalhin ni Salarzon ang tapatan sa 2-2 sa bisa ng isang pipe attack, 20-25.
Ipinamalas ng magkaribal sa ikalimang bahagi ng laban ang kanilang kumakawalang opensa, 3-3. Nagliyab ang kamay ni Batas para itaas ang bandera ng bughaw nang maibaon nito ang atake sa zone 6, 5-6. Gayunpaman, hinigpitan ni Maglinao ang kanilang kapit upang idikit ang laban nang magkapag-ambag ng magkakasunod na tatlong puntos, 10-13. Subalit, tuluyang nag-alab ang kamandag ni Salarzon matapos magpakawala ng off-the-block attack dahilan upang selyuhan ang laban, 15-13.
Bunsod ng pagkatalong ito, kasalo ng Green Spikers ang Blue Eagles at Far Eastern University Tamaraws sa 7-6 baraha at nananatiling nasa bingit ng talaan ng Final Four. Samantala, tatangkaing makabawi ng luntian at puting koponan kontra University of the East Red Warriors ngayong darating na Sabado, Abril 29, sa FilOil EcoOil Centre.