NILAMPASO ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang Adamson University (AdU) Soaring Falcons sa loob ng tatlong set, 25-17, 25-14, 25-12, sa kanilang paghaharap sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Men’s Volleyball Tournament, nitong Abril 19, sa SM MOA Arena, Pasay.
Kuminang para sa Taft-based squad si playmaker Paul Serrano matapos magtala ng 15 excellent set. Umagapay naman si Green Spiker JM Ronquillo nang tumikada ng 14 na puntos mula sa walong atake, apat na block, at dalawang ace. Rumatsada rin si Green Spiker Noel Kampton matapos umiskor ng 11 puntos.
Pinangunahan naman ni Joshua Magalaman ang puwersa ng Soaring Falcons matapos pumukol ng pitong puntos. Tumulong sa kaniya sina Soaring Falcons Evander Novillo at Jude Aguilar na nagsumite ng kabuuang walong puntos.
Dikdikang panimula ang ipinamalas ng dalawang koponan sa pagbubukas ng unang set. Umeksena sa kort sina Green Spikers Nathaniel Del Pilar, Vince Maglinao, Ronquillo, at Kampton nang ipamalas ng Taft highlights ang kanilang malabombang tirada, 14-9. Tinapatan naman ito ng tambalang Magalaman at Novillo matapos magpakawala ng kanilang bersiyon ng atake ngunit hindi na pinatagal pa ni Del Pilar ang girian nang magpakawala ng malakuryenteng tirada, 25-17.
Naging mainit ang simula ng ikalawang set matapos magpalitan ng nagbabagang palo ang dalawang koponan, 3-3. Agad namang umarangkada ang Green Spikers buhat ng magkasunod na atake nina Kampton at Ronquillo dahilan upang ungusan ang Soaring Falcons, 7-4.
Hindi na nagpatinag pa ang kalalakihan ng Taft matapos magpaulan ng sunod-sunod na atake at paganahin ang kanilang net defense. Tuluyan na ngang umabot sa sampu ang bentahe ng Green Spikers mula sa service ace ni Ronquillo, 23-13, at sinelyuhan na ni Kampton ang pangalawang set mula sa pipe attack ng koponan, 25-14.
Ipinagpatuloy naman ng kalalakihan ng Taft ang kanilang umaatikabong momentum pagdako ng ikatlong set. Tila nagpaulan ng mga pana ang Green Spikers matapos ang kapit-bisig na atake mula kina Kampton, Ronquillo, at Billie Anima upang agarang tambakan ang San Marcelino-based squad, 13-6.
Sinubukan mang kargahin ni Magalaman ang AdU, hindi ito naging sapat nang paigtingin lalo ng DLSU ang kanilang net at floor defense. Pinalawak ni Green Spiker Jules De Jesus ang kalamangan matapos magpakawala ng tirada, 17-8. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Green Spiker Von Marata nang tuldukan ang bakbakan sa pamamagitan ng kaniyang tip, 25-12.
Buhat ng panalong ito, pinagtibay ng Green Spikers ang kanilang puwesto sa Final Four ng torneo. Sunod naman nilang makasasagupa ang sandatahan ng Ateneo De Manila University Blue Eagles ngayong araw, Abril 23, sa SM MOA Arena.