IBINALIBAG ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang naghihikahos na Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles sa loob ng tatlong set, 25-22, 25-19, 25-18, sa kanilang ikalawang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Tournament, Abril 23, sa SM MOA Arena, Pasay.
Itinanghal na Player of the Game si rising star rookie Shevana Laput matapos magtala ng 16 na puntos mula sa 15 atake at isang service ace. Umagapay din sa kaniya sina super rookie Angel Canino at Taft Tower Thea Gagate nang umukit ng kabuuang 25 puntos.
Bumida naman para sa Blue Eagles sina Vanie Gandler at Faith Nisperos matapos magtala ng pinagsamang 25 puntos.
Naging dikit ang simula ng laro matapos magpalitan ng palo ang dalawang koponan. Binigyang-buhay ni Canino ang Lady Spikers nang magbitaw ng dalawang magkasunod na atake upang itabla ang sagupaan, 4-4. Nagpatuloy ang dikit na bakbakan nang magpalitan ng bumubulusok na palo sina Lady Spiker Jolina Dela Cruz at Gandler, 15-16. Muling umarangkada ang kababaihan ng Taft sa tulong ng solidong depensa at opensa ni Jhyne Soreño upang ungusan ang kababaihan ng Katipunan, 23-20. Sinubukan pang bumawi ng Blue Eagles ngunit agad nang tinuldukan ni Soreño ang set gamit ang kaniyang down-the-line hit, 25-22.
Pagdako ng ikalawang yugto ng laban, dikit pa rin ang talaan ng magkabilang koponan matapos magbatuhan ng pamatay na atake sina Gandler at Canino, 7-all. Sa kabila nito, agad namang nakaabante ang Taft-based squad nang maparalisa ang depensa ng Blue Eagles. Kasunod nito, marahas na umukit ng puntos si Dela Cruz gamit ang kaniyang matulis na palo, 20-15. Sa kabilang banda, ginamit naman ng Katipunan-based squad ang mga daliri ng blockers ng katunggali upang mapadikit ang iskor. Subalit, hindi ito naging sapat matapos magtala ng tatlong sunod-sunod na kill block si Gagate at panapos na hulog ni Laput upang selyuhan ang naturang set, 25-19.
Agad namang nagpalitan ng maaalab na atake ang dalawang koponan dahilan upang maging dikit ang bakbakan sa ikatlong set. Sa kabilang banda, umarangkada naman si Laput matapos magpakawala ng ace at crosscourt, 8-7. Hindi na nagpapigil pa ang Lady Spikers matapos burahin ng Lady Spikers ang momentum ng Blue Eagles bunsod ng bantay-saradong depensa ni Gagate sa net, 24-17. Kaakibat nito, tuluyan nang winakasan ni Laput ang sagupaan gamit ang kaniyang off-the-block hit, 25-18.
Tunghayan ang susunod na pagpapakitang-gilas ng Taft-based squad kontra sa University of the East Lady Warriors sa darating na Sabado, Abril 29, sa FilOil EcoOil Centre.