Kumakaripas ang pagbabagong kinahaharap ng mundo kaya napag-iiwanan ang mga hindi makasabay sa mabilis na yugto ng buhay. Tila nalilimutan na ang nakaraan sa patuloy na pagsulong tungo sa hinaharap. Sa kabanatang ito, nawawalan na nga ba ng saysay ang kasaysayan na pundasyon ng lipunang ginagalawan?
Masaklap pakinggan ngunit ito ang katotohanan para sa iilang namumuhay na mangmang sa kasaysayan at walang malay sa realidad. Subalit, sa hindi inaasahang pagkakataon, mismong kasaysayan na ang nagkukusang lumapit sa publikong nakalimot. Laman ng daan-daang libro sa silid-aklatan, naghihintay ang mga akdang Pilipino na mapasok ang kanilang mundo ng mga naliligaw na diwa sa kasalukuyang panahon.
Handog ng GMA Network, sa direksiyon ni Zig Dulay, ang isang historical drama at portal fantasy na bago sa panlasang Pilipino. Nagbigay-pagkakataon ang teleseryeng Maria Clara at Ibarra sa pagpapasilip ng mundong hango sa akda ni Jose Rizal tungo sa makabagong henerasyon. Pinangunahan ng mga head writer na sina Suzette Doctolero at J-mee Katanyag ang pagsulat sa kakaibang adaptasyon ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na masisilayan sa perspektiba ng isang Gen Z. Sa pagtapak ng bida sa loob ng mga libro, nasaksihan niya ang mukha ng lipunan noon na sumubok sa kaniyang mga prinsipyo sa buhay pati pagtingin sa nakaraan.
Tatag ng mga dilag
Nagsimula ang teleserye sa pagsasawalang-bahala ni Maria Clara “Klay” Infantes, isang nursing student na ginampanan ni Barbie Forteza, sa kahalagahan ng literaturang Pilipino. Kaniyang hindi mawari ang kabuluhan ng mga likha ni Rizal sa pag-aaral—nagbunga ng kaniyang malabnaw na pag-intindi rito. Dulot ng kaniyang pananaw, ibinahagi ng kaniyang propesor na si José Torres, ginampanan ni Lou Veloso, ang mahiwagang librong Noli Me Tangere.
Matapos pumasok sa aklat, nakilala ni Klay si Maria Clara de los Santos y Alba, ginampanan ni Julie Anne San Jose, orihinal na karakter ng nobela. Makikita sa buong serye ang pagkakaiba ng dalawang magkapangalang dilag. Sa kabila nito, nagkasundo pa rin sila. Nagtulungan ang dalawang bida upang mapunan ang mga kakulangan ng isa’t isa sapagkat padalos-dalos at mainitin ang ulo ni Klay habang masyado namang maamo si Maria Clara.
Sa malimit na pakikihalubilo, unti-unting naimpluwensiyahan si Maria Clara na lumaban para sa pag-ibig. Natuto naman si Klay na magtimpi at kumilos nang mahinahon. Nakatataba ng puso ang kanilang pagkakaibigan sapagkat maraming pagkakataong muntikan na silang gawing magkaribal, tulad ng pansamantalang interes ni Klay kay Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin na ginampanan ni Dennis Trillo. Tanda ito na mas matatag ang kababaihan kapag nagtutulungan at nagbibigay-suporta sa kanilang kapwa babae.
Lantad din sa palabas ang seksismong madalas maranasan ni Klay at iba pang mga babae. Malimit na ipinapaalala sa kaniyang wala karapatang lumahok ang kababaihan sa usapin ng kalalakihan. Bilang babae, kinakailangang manahimik na lamang at pahintulutan ang nais ng mga lalaki. Sa kabutihang palad, hindi nagpatinag si Klay sa kaniyang mga narinig at iginiit na hindi siya magiging sunod-sunuran.
Pagmulat sa kadiliman ng kahapon
Nakawala man ang mga Pilipino sa bihag ng mga Espanyol, nasundan pa rin tayo ng multo ng kahapon. Mahihinuhang hindi pa rin nabubura ang mga isyung nakapaloob sa nobela. Sa kasalukuyan, nararanasan pa rin ang katiwalian ng mga nasa itaas, diskriminasyon laban sa mahihirap, pagmamaltrato sa asawa, at pagkamuhi sa ibang lahi.
Personal na nasaksihan ni Klay ang pang-aapi sa mga Pilipino. Gayundin, kaniyang nasilayan ang mababa at baluktot na pagtingin sa kababaihan at sa mahihirap. Sa gayon, itinulak siya ng mga hindi makatarungang pakikitungo na manindigan upang bigyan sila ng pagkakataong maglahad ng mga hinaing at mailaban ang kanilang mithiin. Batid niyang repleksiyon ng mga kuwento ang lipunan ng nakaraan at maging ng kasalukuyang mundong pinagmulan. Dito niya naunawan ang nais iparating ng kaniyang propesor—ang kahalagahan ng pag-alala sa kasaysayan.
Sa kabila ng mga pagsubok, nagpatuloy si Klay na abutin ang kaniyang mga pangarap nang bumalik siya sa kaniyang mundo. Nagbigay ng lakas ng loob ang mga salitang kaniyang binitawan tungo sa inang biktima ng pang-aabuso. Patunay na kahit hindi man mabubura ang nakaraan, may kapangyarihan ang lahat na baguhin ang ikot ng hinaharap.
Kapansin-pansin ding naipakita ng palabas ang kahalagahan ng edukasyon. Halimbawa nito ang pag-aaral ni Klay ng nursing. Nakatulong ang kaniyang kaalaman sa paggagamot at talas ng kaniyang isip kaya nailigtas niya ang buhay ng mga tauhang tulad nila Ibarra, Elias, at marami pang iba. Marapat na kumalap ng kaalaman ukol sa kasaysayan ng lipunan sapagkat sangkap ang kasalatan ng kaalaman sa patuloy na pag-ulit ng mga pagkakamali ng ating mga ninuno. Kailangang gampanan ng mga mamamayan ang kanilang responsibilidad—ang pagkakaroon ng kamalayan sa lipunan at pagiging masikhay sa pagpapabuti ng pamamahala sa bansa.
Wakas tungo sa panibagong bukas
Pag-ibig at prinsipyo ang ipinaglaban—hindi lamang para sa sinisinta ngunit para sa pamilya at bayan. Sa pamamalagi ni Klay sa mundong iniikutan ng mga nobela, labis ang kaniyang natutuhan mula sa mga sari-saring karakter. Unti-unti siyang namulat sa realidad ng kasaysayan at natutong ibuka ang bibig upang ipagsigawan ang katotohanan.
Binigyang-buhay din ng serye ang tradisyonal na Maria Clara mula sa orihinal na nobelang hinamon naman ni Klay bilang “Maria Clara” ng modernong panahon. Lubos na magkasalungat ang dalawa, ngunit iisa ang kanilang adhikaing isulong ang karapatan ng kababaihan. Maliban dito, naging kaagapay ni Ibarra si Klay sa pangarap nitong mabigyan ng edukasyon ang mga kababayang mahihirap. Gayunpaman, hindi man niya tuluyang nabago ang sistema, nagbigay-malay sa nakararami ang kaniyang paninindigan upang makiisa sa pakikibaka ng mga maralita.
Sa pagtatapos ng kaniyang paglalakbay, nanatiling masalimuot ang nakaraan kahit pilit man niyang pihitin ang wakas. Sa kabila nito, hindi maitatanggi ang markang iniwan ng kanilang pagtindig sa panibagong bersiyon ng mga nobela. Palatandaan na hindi man mababago ang kasaysayan, may kaakibat na pagbabago sa hinaharap ang bawat desisyon sa kasalukuyan.
Paglabas sa tradisyonal na lente
Tunay na gumising sa makabayang diwa ang serye. Binigyang-kalayaan nito ang mga Pilipino na galugarin ang kalaliman ng kanilang pagkakakilanlan bilang mamamayan ng Pilipinas. Bagamat nakaangkla pa rin sa orihinal na mga nobela, naabot ng mga akda ni Rizal ang malayang imahinasyon ng makabagong henerasyon sa pagpapalabas nito sa telebisyon. Hindi nito ikinulong ang mga libro sa tradisyonal na lente at binigyan pa ito ng bagong timpla na naging tampok sa mga manonood.
Kontrobersiyal man ang paglihis nito sa orihinal na istorya, hindi pa rin ito nangangahulugang tinalikuran nito ang mga sinaunang literatura—hakbang lamang ito sa pagyakap ng modernisasyong nararanasan sa kontemporaneong panahon. Sa tulong nito, muling napahahalagahan ang kasaysayan at nabibigyang-kulay ang mga likhang-kuwentong nalipasan nang panahon. Gayundin, habang bumabaybay sa kasalukuyan, mananatiling mainit ang pagtanggap ng publiko sa obrang umiwas sa karaniwan nitong istorya.
Tiyak na maipagmamalaki ang malikhaing atake ng mga Pilipino saan mang bahagi ng mundo. Sa paghayo sa hinaharap, nawa ang mga aral ng kamalayan, pagmamalasakit, at pagtindig para sa bayan at pag-ibig ang higit na tumimo sa puso’t isipan ng mga manonood. Patuloy ring mapalalawig ang madlang maaabot ng seryeng Maria Clara at Ibarra sa pagpapalabas nito sa Netflix. Sa walang humpay na pagsuporta at panonood ng teleserye, marami pa itong mabibigyang-inspirasyon na maglahad ng makabuluhang kasaysayan sa paglalayag nito sa iba’t ibang midya.