PINATIKLOP ng kampo ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang nagngingitngit na puwersa ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 25-15, 25-16, 25-16, matapos umarangkada sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Tournament, Abril 16, sa PhilSports Arena.
Bumida muli para sa Lady Spikers si Angel Canino matapos makapagkumpuni ng 17 puntos mula sa 13 atake, dalawang block, at dalawang service ace. Nag-ambag din sa laban sina Thea Gagate at Shevanna Laput nang makapaglista ng pinagsamang 17 puntos.
Namayagpag naman sa Fighting Maroons si Stephanie Bustrillo matapos makapagtala ng 10 puntos mula sa siyam na atake at isang block. Umagapay naman sa pagpuntos si Niña Ytang matapos pumukol ng 9 na puntos mula sa 6 na atake, dalawang block, at isang service ace.
Agad binanatan ng apat na sunod-sunod na puntos ng kababaihan ng Taft ang kabilang koponan sa unang bahagi ng laban, 4-0. Tila pinanggigigilan ni Canino ang bola matapos trumabaho ng tatlong puntos mula sa dalawang umaapoy na palo at isang solidong block. Pursigidong makahabol ang UP Fighting Maroons ngunit hindi na ito hinayaan pang makalusot ng Taft-based squad gamit ang kanilang nag-uumapaw na pananabik na manatili sa Final Four, 25-15.
Maaksiyong panimula ang bumungad sa ikalawang set nang magpalitan ng malalakas na atake ang dalawang koponan. Patuloy na nagpasiklab si rookie Laput matapos humirit ng nagbabagang down the line hit, 6-4. Naging bentahe rin ng Lady Spikers ang malabombang atake ni Canino upang iakyat sa pito ang kalamangan, 19-12. Sa huli, waging niregaluhan ni Gagate ang Fighting Maroons mula sa over received na bola ni Bea Bonafe upang tuluyang selyuhan ang naturang set, 25-16.
Ipinagpatuloy ng Lady Spikers ang kanilang momentum sa huling set nang magpakitang-gilas ang Taft Tower na si Laput matapos patikimin ng isang nakakapangilabot na block ang pulang koponan mula sa Diliman, 5-2. Pursigidong makuha ang ikatlong set, pinagsumikapan ng Fighting Maroons na bumawi dahilan upang tumabla ang salpukan ng dalawang koponan, 7-7. Hindi na pinatagal pa ng koponang berde at puti mula sa Taft ang bakbakan nang tuldukan ang ikatlong set, 25-16.
Bunsod ng pagkapanalong ito, matagumpay na nakapasok ang Lady Spikers sa Final Four ng torneo bitbit ang twice-to-beat advantage. Magtutuos naman sila ng magigilas na Adamson University Lady Falcons sa darating na Miyerkules, Abril 19, sa MOA Arena.