Sa galaw at indayog ng katawan nagsisimula ang pagbuo ng mga piyesang bibighani sa busilig ng mga mata. Mula rito, utay-utay na nalalagyan ng buhay at liwanag ang galaw ng katawan. Gamit ang nasisiyahang puso at umaapoy na katapangan kasabay ng himig ng musika, nakaalpas na muli ang kontemporaneong pagsasayaw mula sa makulimlim na kahapon.
Matapos makulong sa iskrin ng mahigit tatlong taon, muling nagpakitang-gilas ang La Salle Dance Company-Contemporary (LSDC-Contemporary) sa parihabang lunduyan ng tanghalan sa Teresa Yuchengco Auditorium (TYA), Abril 1. Nagsilbing choreographer naman ng konsiyerto sina Peter Alcedo Jr., Jackie Mercado, Gelya Subia, Queenie Pelipel, Shannyne Lualhati, at Samantha Perez.
Layong itampok ng pagtanghal ang panibagong panimula ng LSDC-Contemporary sa pag-indayog matapos lumipas ang mapanglaw na mga taon. Upang makita muli ang liwanag sa kawalan—patuloy na inindak ang katawan, mapuno man ito ng pawis at pasa.
Anino ng mga mananayaw
Mula sa pagtatagpo ng liwanag at dilim, nabuo ang kanilang mga anino. Sa loob ng Act I: Lack N’ Light, binigyang-liwanag ng mga mananayaw na sina Bela Mariano, Bena Dalisay, Francine Ubaldo, Iliana Reyes, Ria Alfaro, at Queenie Pelipel ang madilim na kapaligiran ng TYA. Isinayaw nila ang nilikhang choreography ni Peter Alcedo Jr. na “Black and White.” Sa pamamagitan ng pinong paggalaw sa likod ng malaking tela at paglalaro ng sari-saring klase ng ilaw, kiniliti ng mga ilusyon mula sa sama-samang galaw ang isipan ng madla. Isinabay naman ang sayaw sa marurubdob na musika mula kina Peter Sandberg, An Gella, at KODA.
Kahanga-hanga rin ang ipinakitang paghihimay ng suson ng pagkatao gamit ang musika ng SSaliva at Shadow Tales sa pagtatanghal ng “Lacking Light.” Sa choreography nina Alcedo at Jackie Mercado, ikinuwento ng mga katawan nina Bena Dalisay, Daniella Consul, Francine Ubaldo, Gela Lozada, Jackie Mercado, Katrina Ong, Keisha Allenby, Queenie Pelipel, at Ysabella Flores ang ilaw na nagsisilbing puwersa upang matanto ang mga mithiing nakatadhanang tuparin. Muli, batay sa bisyon ng choreographer na si Alcedo at musikang mula sa Azale, ipinamalas ng ibang mananayaw ang pagtatanghal na “A Speck.” Layong ipakita ng mga marikit na pilantik ng katawan ang paglinaw ng mga pangarap at pagtakbo patungo sa ninanais na ambisyon.
Mula sa pagmamanipula ng ilaw at anino, umikot naman ang Act II: Canvas sa pagbubuklod ng panitikan at sining-biswal pagdating sa mga malikhaing obra. Nais nitong ipasilay ang tinta sa mga brotsa at pintura sa pamamagitan ng pagsasayaw upang masubukang magbigay ng ibang perspektiba at malalalim na kahulugan. Sa loob ng programa, pinatigil ng mga mananayaw na sina Abby Pepino, Gelya Subia, Jacob Abante, Jami Romulo, Karina Polintan, at Pierzen Carpio ang oras dulot ng kanilang mga kilos na hango sa galaw ng orasan. Hangad ng “Timeless,” ang nahulmang sayaw ni Gelya Subia, na sa pag-andar ng mga kamay ng orasan kasabay nito ang pagdating ng samu’t saring laban sa buhay na kayang lupigin ng tiwala sa sarili.
Itinampok naman sa pagtatanghahal ng “Lifeline” na nakabubuo ng lakas ang mga sakuna sa buhay—ang katatagang labanan ang masisidhing pangyayari na tanda ng pagbangon. Hango sa choreography ni Queenie Pelipel, buong puwersang ibinigay nina Anet Ubarde, Kaylee Tiu, Lindsay Mendrano, Paula Sarmiento, Paulene Martin, at Queenie Pelipel ang pagbayle gamit ang musika ng London Music Collective.
Kasunod nito ang ginawang sayaw ni Shannyne Lualhati na “Break-through” sa musikang mula kay Jia Chyee Koh. Madarama rito ang malakas na buhos ng ulan at lungkot na malalampasan gamit ang munting pagmimithi. Samantala, itinanghal din ang piyesang “Fray” na tinalakay ang pagnanais ng makulay na buhay sa kabila ng kadenang ubod ng lumbay. Panghuli rito ang “Momentum” na nagpapakita ng dahan-dahang pagbuwelo upang magpatuloy muli sa paglalakbay sa malawak na guhit-tagpuan.
Pagbabago sa dalit ng orasan
Sa pinal na parte ng palabas na Act III: Rendered Brushes, ipinakita ang pagwagayway ng pakpak at paglipad sa himpapawid ng mga mananayaw upang makamtan ang kalayaan sa pagtatanghal ng “First Sight, First Flight.” Kita sa kasuotang may artipisyal na balahibo ng mga ibon ang mahaba at mahirap na proseso ng pagkakaroon ng agam-agam bago magkaroon ng lakas ng loob lumipad.
Dinala naman ng mga mananayaw sa langit ang mga manonood dulot ng banayad na paggalaw sa malaking pakpak na naging daan upang makalipad sa ere ang isa sa mga mananayaw. Bago maabot ang kalayaan, ipinahiwatig na dadaan ang lahat sa iba’t ibang hamon ng buhay. Sa gayon, kinakailangan munang makita ang liwanag sa dilim, umayon sa kamay ng oras, makawala sa tanikala ng takot, at balikan at bigyang-halaga ang nakaraan.
Bago tuluyang mabalot ng takot at lungkot ng pandemya, nakapag-uwi ng mga paranggal ang LSDC-Contemporary sa 2020 Asia Pacific Arts Festival (APAF) na ginanap sa Malacca, Malaysia. Subalit, dulot ng panganib na dala ng COVID-19, bigong matamasa ng mga mananayaw ang matamis na halimuyak ng kanilang inalay na dugo at pawis para sa patimpalak. Samakatuwid, minarapat ng organisasyong makita ng mga Lasalyano ang mga piyesang nagbigay-karangalan sa kanilang mga miyembro.
Sa pagtatanghal ng piyesang “Pula” nina Jessica Ong at Kika Sorimachi, na binuo ni Alcedo gamit ang musika ni Grace Nono, mapupulot ang aral na hindi dapat ikinukulong ang kababaihan sa buktot na lente ng lipunan. Hinirang ito bilang GOLD Awardee para sa Duo Category. Inalala naman ng solong sayaw ni Hannah Jane Gomez na “Puti” ang pakikipaglaban ng ating mga ninuno upang makalaya ang bansa, hango muli sa choreography ni Alcedo sa musika naman ng Inang Laya. Nakamit din ni Gomez ang puwestong GOLD Awardee para sa Solo Category. Natamo naman ng piyesang “Bughaw” ang DISTINCTION GOLD para sa Trio Category at APAF 2020 – Malacca Overall Champion sa kanilang paghahandog ng kahusayan nina Kika Sorimachi, Joneeka Guevarra, at Julia Morados. Binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagtanggap sa sarili sa kabila ng mga limitasyon at kapintasan.
Hataw sa transisyong tanghalan
Sa bawat pilantik ng kamay at mayuming mga hakbang, natunghayan ang galing at bikas ng mga mananayaw sa contemporary dance. Patunay ito ng talentong pang-internasyonal ng kabuuang organisasyon sa klasikong teknik mula sa mundo ng ballet. Nasaksihan naman sa iba’t ibang disenyo ng kasuotan, at paggamit ng mga moderno at klasikal na awitin ang kuwento ng pagbangon at pag-apak ng sangkatauhan sa walang hangganang posibilidad ng buhay.
Sa bawat hakbang ng mananayaw at ritmo ng musikang inihandog sa pamayanang Lasalyano, mga pamilya, at mga kaibigan, handa na ang LSDC-Contemporary na itakwil ang pighati at humataw sa panibagong yugto ng sayawan.