DUMAUSDOS ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa patibong ng University of Santo Tomas (UST) Golden Tigers, 21-25, 25-23, 28-30, 27-29, sa pag-arangkada ng ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Men’s Volleyball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Abril 2.
Bumida para sa Green Spikers si John Mark Ronquillo matapos makapagtudla ng 20 puntos mula sa 18 atake, isang block, at isang service ace. Nanindigan din sa laban sina Green Spikers Noel Kampton at Vince Maglinao sa paghain ng pinagsamang 26 na puntos.
Sa kabilang banda, hinirang na Player of the Game si super rookie Josh Ybañez nang magsumite ng 25 marka mula sa 24 na atake at isang block. Nag-ambag din sina Rey Miguel De Vega at Rainier Flor ng sumatutal na 30 puntos para bitbitin ang España-based squad sa kanilang ikapitong sunod na panalo.
Malubak na daan ang tinahak sa unang yugto ng parehas na koponan nang makaranas ng palitan ng puntos mula sa isa’t isa. Nanguna man sa pagsulong ng panalo ang Green Spikers, nakamit pa rin ng Golden Tigers ang huling halakhak nang magpaulan ng atake si Ybañez na nagsara ng laban sa iskor na 21-25.
Mapanghamon na hinarap ng DLSU Green Spikers ang pagbubukas ng ikalawang set buhat ang momentum na bitbit ng UST Golden Tigers na agad winakasan ni Ronquillo sa pagpapakawala ng sunod-sunod na atake. Sinubukan mang agawin ni Golden Tiger Dela Vega ang kalamangan, nanaig pa rin ang pagsiklab ng dedikasyon ng DLSU Green Spikers na siniguro ang pag-angkin ng naturang set, 25-23.
Sumilip ang pagkakataon sa panig ng Green Spikers pagpasok ng ikatlong set matapos mapagana si opposite hitter Ronquillo tangan ang siyam na puntos. Sumabay din sa tiyempo ang pagpapakawala ng siyam na libreng puntos ng UST mula sa kanilang error sa atake at service line. Bagamat napasakamay ng DLSU ang pansamantalang kalamangan, sumibol ang opensa ng UST sa pangunguna ni Ybañez matapos magrehistro ng walong puntos upang makahabol sa talaan, 22-23.
Tinangka namang payabungin ni Kampton ang atake ng DLSU, ngunit naging matamlay ang porsyento nito matapos malimitahan sa tatlong puntos ang kaniyang ambag. Dito nakahanap ng butas ang UST at tuluyang inapula ang momentum ng DLSU sa pangunguna ni De Vega tangan ang apat na cross-court hit. Tuluyang napasakamay ng UST ang ikatlong set buhat ng kill block ni Yambao kay Ronquillo, 28-30.
Ibinuhos ng Green Spikers ang natitira nitong kumpiyansa matapos pumarada ng maagang apat na puntos na kalamangan pagsampa ng ikaapat na set. Pinangunahan muli ito ni Ronquillo at middle blocker Nathaniel del Pilar, 7-3, kasabay ang lumolobong bilang ng error sa panig ng UST. Gaya ng naunang set, pumanig muli sa DLSU ang pulso ng duwelo buhat ng muling paggising ng opensa ni Kampton bitbit ang anim na marka, ngunit naging bangungot naman para sa Green Spikers ang naupos na pag-puntos ng mga middle blocker nito.
Muling nakita ng UST ang butas sa opensa ng DLSU kaya naman gumayak muli si scoring machine Ybañez at binitbit ang Golden Tigers papalapit sa talaan buhat ng panibagong limang puntos sa atake. Hindi na napigilan ng DLSU ang matulin na bola ng UST kasabay ang crucial block ni Yambao dahilan upang makahabol ang Golden Tigers, 14-14. Naging dikit ang sagutan ng puntos ng dalawang koponan na pumang-abot sa tatlong set point, ngunit nanaig pa rin ang pulidong depensa ng UST upang tuluyang selyuhan ang laban mula sa isang kill block, 27-29.
Bunsod ng pagkatalong ito, pinanghahawakan ng Green Spikers ang 5-5 panalo-talo baraha at kasalukuyang nakapuwesto sa bingit ng talaan ng final four. Samantala, sunod na kahaharapin ng luntian at puting koponan ang matatapang na atleta ng University of the Philippines sa darating na Linggo, Abril 16, sa PhilSports Arena.