TUMIKLOP ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers kontra University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses sa loob ng apat na set, 19-25, 25-14, 18-25, 12-25, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Tournament, Abril 2, sa Smart Araneta Coliseum.
Bumida para sa puwersa ng Lady Spikers si super rookie Angel Canino na nagtala ng 13 puntos. Kaagapay niya sa pagpuntos sina Lady Spiker Fifi Sharma na tumudla ng siyam na puntos at Kapitana Mars Alba na lumikha ng 17 excellent sets.
Nangibabaw naman para sa Golden Tigresses si Eya Laure matapos maglapag ng nakamamanghang 29 na puntos. Katuwang niya sa pagkamit ng tagumpay si Golden Tigress Milena Alessandrini sa paghakot ng 20 puntos mula sa 17 atake at tatlong block.
Masidhing panimula ang bumungad para sa Lady Spikers sa muling pakikipagtunggali sa koponan na lubos na nagpahirap sa kanila noong unang yugto ng torneo. Namalagi ang butas sa depensa ng Lady Spikers sa umpisa ng unang set ngunit nasustentuhan ito ng mga atake nina Lady Spikers Jolina Dela Cruz at Sharma, 9-7.
Sa kabila nito, unti-unting umusad ang Golden Tigresses matapos ang 8-2 run sa pangunguna ni Laure na nagpakawala ng mga cross-court hit at drop ball, 15-20. Naging kalbaryo para sa Taft-based squad ang pagsasawalang-bahala ni Laure sa kasalukuyang best blocking team ng torneo sa pagsumite ng siyam na puntos sa nasabing set. Tuluyang sinelyuhan nina Golden Tigresses Imee Hernandez at Alessandrini ang unang set, 19-25.
Umaatikabong panimula naman ang ipinamalas ng Taft-based squad sa ikalawang set bunsod ng pinaigting na depensa sa net. Buhat nito, nakapagtala ng magkakasunod na block point sina Taft Tower Thea Gagate at Dela Cruz, 5-2. Kasabay nito, kumaripas ng takbo ang Lady Spikers nang paganahin ni playmaker Alba si Sharma matapos magpakawala ng isang quick attack at dalawang puntos mula sa block, 14-5.
Nagpatuloy naman ang pag-arangkada ng Lady Spikers nang salagin ni Canino ang solidong tirada ni Golden Tigress Janna Torres, 22-12. Sinubukan pang makahabol ng mga nakadilaw, subalit hindi ito naging sapat nang magpawala ng nagbabagang spike si Canino at nang magpamigay ng libreng puntos ang UST sa service line, dahilan upang makamtam ng Lady Spikers ang panalo sa naturang set, 25-14.
Maginaw na sinimulan ng DLSU ang ikatlong set bunsod ng ilang mga error. Subalit, unti-unting naiayos ng DLSU ang sistema at nakahabol sa pamamagitan ng isang drop mula kay Canino, 7-6. Naging tensyonado ang labanan nang magsagutan ng puntos ang dalawang koponan sa pangunguna nina Canino at Laure. Sa huli, nagliyab ang palo ni Laure na siya namang naging sagot para makuha ng UST ang ikatlong set, 18-25.
Dahan-dahang naubusan ng pana ang Lady Spikers sa pagsisimula ng ikaapat na set, taliwas sa kumakalam na sikmura ng mga tigre. Nalusaw ang mala-pader na depensa ng Lady Spikers sa pursigidong pag-ukit ng Golden Tigresses ng mga pangil nito, 5-11. Sinubukan mang agapan nina Sharma at Dela Cruz ang atake ng UST, hindi ito naging sapat para sa mala-kanyon na birada nina Laure at Jurado na nagtala ng 6-0 run, 8-19. Tuluyang napasakamay ng España-based squad ang laban sa nakabibinging pagtapak ng silinyador ni Alessandrini, 12-25
Sa kabila ng pakatalo, nananatili pa ring nasa tuktok ng team standings ang mga kababaihan ng Taft bitbit ang 9-1 panalo-talo kartada. Tunghayan ang muling tapatan ng DLSU Lady Spikers kontra University of the Philippines Fighting Maroons sa susunod na Linggo, Abril 16, sa ganap na ika-2 ng hapon, sa PhilSports Arena.