SINILABAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang mapupusok na defending champion National University (NU) Lady Bulldogs matapos magreyna sa loob ng straight set, 26-24, 26-24, 25-16, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Tournament, Marso 25, sa PhilSports Arena.
Kinilalang Player of the Game si Lady Spiker Jolina Dela Cruz matapos makapagtala ng 12 puntos mula sa walong atake, tatlong block, at isang service ace. Umalalay din sa pagpuntos sina Lady Spikers Angel Canino at Fifi Sharma nang makapag-ambag ng pinagsamang 24 na puntos.
Ipinaramdam ng NU ang kanilang bantang makapaghiganti nang magpakawala ng kargadong palo sina Lady Bulldog Erin Pangilinan, Alyssa Solomon, at Bela Belen, 3-6. Sa kabila nito, mabilis namang nakaabante ang Taft mainstays matapos magpamigay ng libreng puntos ang kalaban mula sa kanilang service at attack error, 18-16. Bunsod nito, tuluyang kumawala ang Lady Spikers sa bitag ng Lady Bulldogs nang magpakitang-gilas si Sharma sa net gamit ang kaniyang quick kill at panapos na service mula kay Canino, 26-24.
Nanguna muli ang defending champions sa pag-iskor pagdako ng ikalawang set nang mag-init ang mga daliri ni Belen, 1-5. Gayunpaman, hindi nagpaawat si Canino nang rumatsada ng mga tirada mula sa crosscourt, 9-7. Kasabay nito, nagsumite ng sunod-sunod na attack error ang Lady Bulldogs bunsod ng mas pinaigting na depensa ng Lady Spikers sa net, 16-13.
Pilit namang dumidikit ang Lady Bulldogs sa talaan nang magsanib-puwersa sina Solomon at Belen sa pag-iskor gamit ang kanilang off-the-block hits, 22-21. Nagpalitan pa ng puntos ang magkabilang koponan hanggang umabot sa makapanindig-balahibong iskor na 24-all. Agad namang sumaklolo si scoring machine Canino nang basagin niya ang block ng katunggali at sinabayan pa ng bantay-saradong block ni Sharma upang selyuhan ang ikalawang set, 26-24.
Umarangkada naman ang mga kababaihan ng Taft sa pagpasok ng ikatlong set matapos paganahin ni DLSU playmaker Mars Alba sina Taft Tower Thea Gagate at Dela Cruz,14-6. Tila nahirapang makabuo ng play ang Lady Bulldogs bunsod ng mga kargadong service ng Lady Spikers. Kasunod nito, kumana pa ng magkakasunod na quick attack si Sharma habang naghihingalo ang depensa ng kalaban, 20-12.
Sinubukan pang panipisin ng Lady Bulldogs ang kalamangan ng katunggali, subalit hindi ito naging sapat nang payungan ni Gagate ang tirada ni Vangie Alinsug at nang magpakawala ng umaatikabong spike si Canino upang tuldukan ang sagupaan, 25-16.
Tunghayan ang susunod na laban ng DLSU Lady Spikers kontra Far Eastern University Lady Tamaraws sa darating na Miyerkules, Marso 29, sa ganap na ika-2 ng hapon, sa SM MOA Arena.