PINABAGSAK ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang defending champion na National University (NU) Lady Bulldogs sa loob ng tatlong set, 25-10, 25-15, 25-21, sa kanilang paghaharap sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Tournament, Marso 22, sa SM MOA Arena, Pasay.
Pinangunahan ni Kapitana Mars Alba ang Lady Spikers matapos magtala ng 20 excellent set, isang block, at isang service ace. Tumulong din sa kaniya sina super rookie Angel Canino at Fifi Sharma na pumukol ng pinagsamang 26 na puntos.
Nagpamalas si Lady Bulldog Michaela Belen ng nakasisindak na galing matapos makapaglista ng 11 atake at isang block. Inalalayan din siya sa pag-iskor nina Lady Bulldogs Alyssa Solomon at Princess Anne Robles na nagsumite ng kabuuang 14 na atake.
Sinimulan ni Lady Spiker Angel Canino ang umaatikabong momentum matapos maglapag ng isang dumadagundong na palo, 8-3. Pinangunahan din nina Taft Towers Leila Cruz at Thea Gagate ang laban nang surpresahin ng magkakasunod na block ang pagtirada ni Robles, 20-10. Tuluyang umabante ang kalamangan ng Lady Spikers buhat ng agresibong opensa, 25-10.
Ginulantang ni Lady Spiker Jolina Dela Cruz ang Lady Bulldogs nang dominahin ng kaniyang dalawang puntos ang pagtatangka ng kabilang koponan, 4-1. Sinubukan namang bumawi ng Lady Bulldogs matapos ang mabigat na palo mula sa combination play nina Lady Bulldogs Erin Pangilinan at Robles, 9-4. Kamangha-manghang pinakain ni Alba kay Sharma ang bola dahilan upang maglapag ng dalawang quick attack, 10-5. Hindi na nagsayang pa ng oras si Dela Cruz nang tapusin sa isang kakila-kilabot na off-the-block spike ang set, 25-15.
Matinding hamon ang nasaksihan ng Lady Spikers sa pangil ng Lady Bulldogs sa pangunguna ni Belen sa ikatlong set ng laro. Hinangad bumawi ng Lady Bulldogs upang maawat ang momentum ng Lady Spikers. Subalit, nanaig ang nagliliyab nilang puso dahilan upang tuldukan ang laro, 25-21.
Bunsod ng panalong ito, tinapos ng Lady Spikers ang kanilang kampanya sa unang yugto ng torneo bitbit ang 7-0 panalo-talo kartada. Muling makatutunggali ng Lady Spikers ang Lady Bulldogs sa Sabado, Marso 25, sa PhilSports Arena, Pasig.