DINOMINA ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang kalalakihan ng Adamson University (AdU) Soaring Falcons matapos mamayagpag sa loob ng straight sets, 25-21, 25-18, 25-20, sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Men’s Volleyball Tournament, Marso 19, sa Filoil EcoOil Centre.
Itinanghal na Player of the Game si Green Spiker Noel Kampton matapos magsumite ng 14 na atake at isang block. Naging kasangga naman niya sa pagpuntos si Green Spiker JM Ronquillo nang makapagtala ng 12 atake at dalawang block.
Bumida naman sa koponan ng Soaring Falcons si Francis Casas matapos makapag-ambag ng walong atake, tatlong block, at isang service ace. Umalalay naman sa pag-iskor para sa Adamson si Jude Aguilar na may sampung puntos.
Naging kapanapanabik ang usad sa unang set ng laban matapos magkaroon ng matinding salitan ng puntos mula sa dalawang koponan. Hindi nagtagal at nagliyab ang puwersa ni Ronquillo matapos maglapag ng sunod-sunod na pagpuntos para sa Green Spikers, 9-6. Nagpakitang-gilas naman ang Soaring Falcons sa pangunguna ni Francis Casas matapos bumawi ng puntos at sinubukang palapitin ang talaan, 15-10. Bunsod nito, matagumpay na tinuldukan ng Taft-based squad ang unang set matapos pigilan ni Maglinao ang bola, 25-21.
Dikdikang sagupaan ang ipinamalas ng magkabilang koponan sa ikalawang set matapos magsagutan ng puntos sina Aguilar at Green Spiker Vince Maglinao, 15-all. Gayunpaman, nagtala ng magkakasunod na error ang San Marcelino-based squad, dahilan upang umariba sa pagpuntos ang Green Spikers, 20-17. Hindi na pinadikit ng DLSU ang kalaban matapos tumira ng puntos sina Kampton at Maglinao gamit ang kanilang off-the-block hits, at isang power spike mula sa regalo ni Ronquillo upang selyuhan ang ikalawang set, 25-18.
Pagdako ng ikatlong set, hindi nagtagal at sanib-puwersang pinagtulungan nina Green Spikers Diogenes Poquita at Billie Anima ang pagsiklab ng mga atake, 18-15. Kasunod nito, ipinabatid ni Benjamin Phillips ang kaniyang presensya matapos magpamalas ng matinding atake para sa Green Spikers, 21-17. Sinubukan pang pigilan ni Soaring Falcons Marc Paulino na tuluyang angkinin ng katunggali ang puntos subalit hindi na nagpaawat nang magpakita ng cross-court kill si Maglinao, 25-20.
Buhat ng pagkapanalong ito, tumaas muli ang ranggo ng Green Spikers matapos makapagtala ng 4-2 panalo-talo kartada. Sasabak muli ang DLSU Green Spikers kontra National University Bulldogs Spikers sa Miyerkules, Marso 22, sa ganap na ika-4 ng hapon, sa Mall of Asia Arena.