UMANIB ang Pamantasang De La Salle (DLSU) sa malawakang pagkilos upang gunitain ang ika-37 anibersaryo ng mapayapang EDSA Revolution, Pebrero 20 hanggang 25.
Inilunsad ng Pamantasan ang iba’t ibang aktibidad upang buhayin ang diwa ng makasaysayang pagpiglas ng mga tanyag na Lasalyanong martir sa panahon ng Batas Militar at ikinasa ang programang “Mula sa Dilim: EDSA 37, Muling Dalawin.”
Itinampok dito ang mga bakas ng katapangan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga obra, paglulunsad ng mga seminar at open forum, at ilang pagtatanghal. Katuwang sa mga programang ito ang iba’t ibang organisasyon sa DLSU na naglalayong ipaalala sa taumbayan ang kasakimang umiral sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Inungkat sa serye ng mga programa ang 170,000 biktima ng paglabag sa batayang karapatang pantao at 3,240 buhay na inutang ng mga militar noong kasagsagan ng diktaduryang Marcos Sr.
Mapagpalayang sigaw
Marubdob na binuklat muli ng DLSU ang kasaysayan nito ng pagtindig kasama ng sambayanang Pilipino laban sa administrasyong Marcos Sr. Sa yugtong ito, higit na kinailangang maglunsad ng malawakang programa na naglalayong magbigay liwanag sa kadilimang bumabalot sa silakbo ng panahon. Masugid din na hinikayat ng University Student Government ang pamayanang Lasalyano na magsuot ng kulay puting damit at lumahok sa EDSA Commemoration Walk na nagsilbing kulminasyon ng isang linggong paggunita ng Pamantasan.
Bunsod nito, isang pampublikong eksibisyon na pinamagatang “For Democracy & Human Rights” ang ginanap sa ikaanim na palapag ng Learning Commons, Henry Sy Sr. Hall upang itanghal sa pamayanang Lasalyano ang naging gampanin nito sa kasagsagan ng Batas Militar. Nagsanay ng mga “truth guide” ang mga nag-organisa ng eksibisyon upang buong tiyagang ipaliwanag sa mga bibisita rito ang katotohanan na nakapaloob sa bawat pangalan, pangyayari, at numerong nakapaskil.
Inorganisa ng Center for Youth Advocacy and Networking ang eksibisyon na ito katuwang ang Friedrich Ebert Stiftung – Philippine Office at DLSU na binibigyang-pugay ang buhay ng mga magigiting na Lasalyanong bayani. Kabilang sa mga tumuligsa sa Batas Militar sina Immanuel Obispo, kaunaunahang punong patnugot ng Malate Literary Folio, at Jose “Ka Pepe” Diokno, aktibista, tanyag na senador, at tagapagtaguyod ng karapatang pantao.
Sa kabilang banda, ilang grupo rin ang itinampok na silang pangunahing nag-organisa upang tuluyang maabot ang mobilisasyon noong 1986. Isa na rito ang pagkakabuo ng mga grupo laban sa Batas Militar gaya ng Task Force Detainees of the Philippines, National Committee for the Restoration of Civil Liberties in the Philippines, Movement for a Free Philippines, The Free Legal Assistance Group, Light-A-Fire Movement and April 6 Liberation Movement, PDP Laban, Kasapi, LAKASDIWA, at Christian Social Movement.
Binigyang-halaga naman ang kalayaang tinatamasa ng bawat Pilipino sa kasalukuyan sa pagpapakita ng mga pahayag mula sa mga namayapang bayani. Isa sa mga pahayag dito ang mula kay Jovito Salonga, dating Senate President at lider ng oposisyon. Aniya, “Forgiveness without truth is an empty ritual and reconciliation without justice is meaningless and worse, an invitation to more abuses in the future.” Katumbas ng pagkalimot sa masalimuot na nakaraan ang pagsasawalang-bisa sa mga sakripisyo ng mga Pilipino.
Pinatutunayan ng patuloy na pagbibigay-halaga sa People Power Revolution na malaki ang naging bahagi ng mga mapagpalayang sigaw sa kahindik-hindik na pagpapatahimik ng diktaduryang Marcos Sr. sa sambayanang Pilipino. Sa pagpili ng paglimot sa nakaraan, unti-unting mabibigyan muli ng kapangyarihan ang mga nagnanais magpanumbalik sa kamay na bakal at muling nakawin ang pinaghirapan na kalayaan. Nagsisilbing paalala ang pagbibigay-pugay na ito mula sa Pamantasan na marapat na pahalagahan ang pinagmulan ng kasalukuyang kasarinlang ipinagkait sa mga taong nabuhay sa diktadurya.
Mapayapang pakikipaglaban
Nakalimbag sa ating kasaysayan angkuwento ng pagpupukaw, pag-oorganisa, at pag-uusig ng sambayanang Pilipino upang tuluyang palayain ang kanilang sarili sa mga mapaniil na sistema. Nagtipon-tipon ang iba’t ibang sektor sa People Power Monument sa mismong araw ng anibersaryo bagamat idineklarang regular working holiday ito matapos ang nakalilitong pagtatalaga sa Pebrero 24 bilang isang holiday.
Layunin ng mga organisasyon na itakwil ang muling paghahari ng mga Marcos at singilin ng hustisya ang administrasyon para sa mga biktima ng Batas Militar. Makasaysayan ang paggunita sa ika-37 anibersaryo ng mapayapang rebolusyon dahil ito ang unang taong na isang Marcos muli ang nakaupo sa puwesto. Gayunpaman, mas makasaysayan ito sapagkat muli nitong binigkis ang mga mamamayan na tumindig muli.
Lumipas man anghalos apat na dekada, patuloy pa rin ang pakikibaka ng mamamayan para sa karapatang pantao sapagkat laganap pa rin ang kawalang-hustisya sa porma ng katiwalian, kagutuman, at extrajudicial killings. Sinisinsin ng kabataang Pilipino na sumali sa mga panlipunang diskurso sapagkat kolektibong pagkilos ang makapagpapalaya sa mapandustang estado.
“Hindi masama ang pagpunta sa lansangan. Hindi masama ang pakikitungo. Hindi masama ang pagiging organisado. Kasi magkaiba kapag mag-isa kang nakikipaglaban sa collective struggle. I believe na collective struggle ang susi para makamit natin at makalaya tayo muli sa ganitong estado at rehimen,” pagbabahagi ni Reign Montoya, Lasalyanong dumalo sa protesta, sa Ang Pahayagang Plaridel.
Ginugunita ang People Power Revolution upang bigyang-halaga ang sama-samang pagsisikap ng masa na makaalpas mula sa karahasan sa ilalim ng pamumuno ni Marcos Sr. Isa ang DLSU sa mga nagnanais na palakasing muli ang tinig ng bayan laban sa karahasan at kasakiman na naranasan noon upang hindi na ito muling maulit.
Tinatangan ng pamayanang Lasalyano ang kasaysayan ng paglabang ito upang itaguyod ang mga batayang karapatang pantao at itakwil ang anomang porma ng pandudusta na muling magbibigay-pasakit sa ating bayan. Samakatuwid, mananatili itong nakalimbag sa bawat papel mula sa pluma ng mga mamamayan na naghihinagpis. Pinupukaw ng pagbabalik-tanaw na ito ang bawat Pilipino na hindi makalimot sa paglaban na bahagi ng kasaysayan at tinatanggal nito ang tsansa na muling makaranas ng kamay na bakal mula sa mga nais sumunod sa yapak ng diktador.