BINIGYANG-PARANGAL ang mga natatanging miyembro ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa Gawad Lasalyano 2023 sa Teresa Yuchengco Auditorium, Marso 8. Idinaraos taon-taon ang seremonya upang kilalanin ang mga estudyante, guro, at mga kawani ng Pamantasan na nagpamalas ng husay at galing sa iba’t-ibang sektor at larangan mula sa nagdaang akademikong taon.
Matapos ang dalawang taong pagsasagawa ng programa sa birtuwal na moda, nagbalik ang paglulunsad nito face-to-face. Binigyang-pansin ni Brother President Bernard Oca, sa kaniyang pambungad na talumpati, na espesyal ang taong ito dahil sa unti-unting pagbabalik ng mga aktibidad ng Pamantasan sa kampus.
Pagbibigay-pugay sa mga namumukod-tangi
Sumailalim ang mga nominado sa serye ng mga pagsusuri upang matukoy ang namukod-tanging Lasalyano sa bawat kategorya. Naging basehan ang mga rekisitong kanilang inihain, ebalwasyon ng mga katrabaho at direktor, at panayam ng isang panel. Dumaan din ang aplikasyon sa mga piling hurado mula sa iba’t ibang sektor ng Pamantasan, at sa rekomendasyon at kompirmasyon ng Student Affairs Council.
Kagalingan sa pamumuno, kontribusyon sa komunidad, serbisyo, at mga parangal na nakuha ang pangunahing pamantayan para sa mga indibidwal na parangal. Mula sa 14 na mga parangal ng Gawad Lasalyano, anim lamang ang iginawad ngayong taon.
Nakamit ni Izel Fernandez ang Gawad Ariston Estrada Sr. para sa namumukod-tanging pinunong mag-aaral sa midyang pangkampus. Nanungkulan si Fernandez bilang punong patnugot ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) noong A.Y. 2021-2022. Ibinahagi ni Fernandez sa APP na sinisimbolo ng kaniyang parangal ang lahat ng napagdaanan at napagtagumpayan niya sa Pahayagan at sa Student Media Council (SMC).
Hindi man naging madali ang kaniyang paglalakbay, napagtagumpayan naman ito ni Fernandez dahil na rin sa serbisyo at pagpupursigi ng kaniyang mga kapwa-lider sa APP at sa SMC. Dagdag pa niya, “Lagi’t laging manindigan sa tama, manatiling maging ehemplo at boses—para sa bayan at pamayanang Lasalyano.”
Hinirang naman si C/COL Allaiza Francisco 1CL na namumukod-tanging pinunong mag-aaral sa serbisyong pangmilitar at ipinagkaloob sa kaniya ang Gawad Col. Jesus A. Villamor. Nanungkulan si Francisco bilang kadeteng opisyal mula 2018 at kasalukuyang deputy corps commander ng DLSU Naval Reserve Officer’s Training Corps. Sa pakikipanayam ng APP, inihayag niyang nagsilbing inspirasyon sa pagsisilbi ang kaniyang mga magulang na handang tumulong sa kapwa nang walang hinihintay na kapalit.
Aniya, magsisilbing paalala ang parangal na ito para sa mga bagay na kaniyang nagawa at magagawa pa bilang isang Lasalyanong bahagi ng sandatahang lakas. “Tuwing nangangamba, balikan mo lang ang dahilan kung bakit mo gustong maglingkod,” paalala ni Francisco.
Iginawad naman kay Lara Jomalesa ang Gawad Fr. Gratian Murray AFSC sa ipinamalas niyang kakayahan bilang namumukod-tanging pinunong mag-aaral sa pagpapaunlad ng komunidad. Samantala, pinatunayan ni Gabrielle Amarco ang kaniyang dedikasyon bilang namumukod-tanging pinunong mag-aaral sa adbokasiya ng disiplina sa pagkapanalo niya ng Gawad Br. Imar William FSC.
Nagwagi naman kontra sa 11 nominado si Britney Paderes at kinilala bilang namumukod-tanging undergraduate na pinunong mag-aaral. Tinanggap niya ang Gawad Francisco Ortigas Sr. para sa kaniyang husay sa pamumuno bilang Vice President for Internal Affairs ng University Student Government noong A.Y. 2021-2022.
Sa kaniyang talumpati, ibinahagi ni Paredes na “We never said yes to our position, we said yes to service.” Aniya, isang pagkakataon ang Gawad Lasalyano upang ipakilala ang mga lider na nagbigay-inspirasyon at tumulong sa pamayanang Lasalyano. Sa huli, ipinaalala niyang pagdating sa serbisyo, puso ang puhunan.
Pagkilala sa mga naglingkod
Ginawaran din ng pagkilala ang masigasig na paglilingkod ng mga estudyante mula sa Red Cross Youth ng Center for Social Concern and Action, Office of Counseling and Career Services, Office of Sports Development, NSTP and Formation Office (NFO), Student Development and Formation Office, Lasallian Ambassadors, at Student Media Office.
Sunod na inihandog ang pagkilala sa mga masigasig na naglingkod bilang katuwang sa misyong Lasalyano. Sa ilalim ng opisina ng NFO, pinarangalan si LCOL Isidro Balistoy CHS, training staff ng Reserve Officers’ Training Corps. Gayundin, nakatanggap ng parangal ang pitong mga social engagement lecturer mula Civic Welfare and Training Service at Literacy Training Service. Binubuo ito nina Ira Bartolome, Joe-Marck Bauzon, Patrick Lo, Irma Olavario, Windy Orillosa, Joan Tabo, at Miriam Teves.
Kinilala rin ng Pamantasan at ginawaran ng Pagkilalang Pangpamantasan ang mga estudyante at grupong Lasalyanong nagpamalas ng natatanging-galing sa larangan ng pakikipagtalastasan, sining, isports, gawaing pangsibiko, at pamumuno.