LUMUHOD ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa Far Eastern University (FEU) Tamaraws sa loob ng apat na set, 21-25, 16-25, 25-21, 21-25 sa kanilang paghaharap sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Men’s Volleyball Tournament, Marso 11, sa PhilSports Arena, Pasig.
Pinangunahan ni Green Spiker JM Ronquillo ang kaniyang koponan matapos makapag-ambag ng 15 puntos mula sa 13 atake at dalawang block. Umagapay naman sina Green Spikers Noel Kampton at Vince Maglinao na nakapagtala ng kabuuang 25 puntos.
Namayagpag naman sa koponan ng FEU Tamaraws si Mark Calado matapos makapaglapag ng 27 puntos mula sa 23 atake, tatlong block at isang service ace. Nagpakitang-gilas din si Tamaraw Martin Bugaoan sa pagsuwag nito ng 12 puntos.
Bitbit ang hangarin na maipagpatuloy ang kanilang three-game winning streak, agad na nagpamalas ng galing si Kapitan Maglinao matapos makapukol ng isang down-the-line hit, 6-4. Hindi naman nagpatinag ang Tamaraws at agarang sumagot sa mabibigat na atake ng Green Spikers upang maitala ang pinakamalaking kalamangan sa naturang set, 11-16. Nagwagi naman si Green Spiker Paul Serrano sa joust sa net, 15-18. Nagtala ng magkakasunod na crucial error ang Taft-based squad upang tuluyang tuldukan ng Tamaraws ang unang set, 21-25.
Naging mainit ang simula ng ikalawang set matapos magpalitan ng nag-aalab na palo ang dalawang koponan, 8-7. Nagpatuloy ang dikit na bakbakan ng Taft-based squad at Morayta boys matapos magpakita ng solidong depensa at opensa, 15-15. Hindi na nagpapigil pa ang pangkat ng berde at ginto at tuluyang dinakma ang naturang set, 16-25.
Tangan ang motibasyong makabawi mula sa pagkatalo sa dalawang set, nagtala nang sunod-sunod na puntos ang mga kalalakihan ng Taft sa panimula ng ikatlong yugto, 6-1. Nagpakitang-gilas naman si Del Pilar matapos ang sundot na atake sa gitna, 7-2. Pinaigting naman ng Taft-based squad ang kanilang depensa sa net upang mabarikadahan ang mga palo ni Calado, 19-14. Tinapos naman ni Serrano ang mahabang rally matapos ang isang 1-2 play, 23-18. Tuluyan nang biningwit ng Green Spikers ang pagkapanalo sa ikatlong set matapos ang atake ni Maglinao, 25-21.
Nagpasiklab ng nagbabagang atake sina Ronquillo at Calado dahilan upang patuloy na mag-init ang labanan, 14-16. Samantala, muling umarangkada si Serrano matapos magsumite ng dalawang puntos dahilan upang itabla ang laro, 16-all. Sa kabilang banda, ginulantang ni Jomel Codilla ang grupo ng berde at puti matapos magposte ng dalawang magkasunod na puntos mula sa down-the-line na atake at service ace, 20-22. Sinubukan pang pigilan nina Kampton at Ronquillo ang pagpapaulan ng puntos ng katunggali subalit hindi na nagpatinag ang Tamaraws at tuluyan nang binulsa ang panalo, 21-25.
Buhat ng pagkatalong ito, bababa ang ranggo ng Green Spikers sa ikatlong puwesto matapos magtala ng 3-2 panalo-talo kartada. Sunod na makatutunggali ng DLSU Green Spikers ang Adamson University Soaring Falcons sa Linggo, Marso 19, sa FilOil EcoOil Centre, San Juan.