TINIKLOP ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang matatag na liston ng Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws sa loob ng tatlong magkakasunod na set, 25-16, 25-18, 25-21, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Tournament, Marso 11 sa PhilSports Arena, Pasig.
Namayagpag sa hanay ng DLSU Lady Spikers si Thea Gagate matapos pumiga ng 13 puntos mula sa dalawang dumadagundong na block, siyam na atake, at dalawang bigating service ace. Kasangga naman niya ang super rookie na si Angel Canino na pumukol ng 13 puntos. Umalalay din sina Leila Cruz at Jolina Dela Cruz matapos pumundar ng tig-sampung puntos.
Pinangunahan naman ni Chenie Tagaod ang kampanya ng Lady Tamaraws matapos umukit ng sampung puntos at dalawang service ace. Naging kasangga naman niya si Lady Tamaraw Alyzza Devosora tangan ang walong puntos.
Agad na dinomina ng kababaihan ng Taft ang unang set matapos ang malatoreng mga block ni Gagate at Dela Cruz, 2-0. Gayunpaman, sinubukang makipagsabayan ni Lady Tamaraw Ann Rosell Asis matapos umukit ng dalawang magkasunod na puntos mula sa kaniyang block at matulis na atake, 3-4. Matapos nito, nagpaulan naman ng rumaragasang crosscourt attack si Canino dahilan upang maitulak ang kalamangan ng Lady Spikers, 11-4.
Binasag naman ni Devosora ang momentum ng DLSU matapos magpakawala ng nakagigimbal na atake na sinundan naman ng matatag na block ni Panangin, 11-6. Subalit, hindi nagpatinag ang Taft-based squad matapos magtala ng puntos sina Canino at Dela Cruz mula sa kanilang mga atake, 23-15. Hindi na hinayaan pa ng DLSU na makabawi ang Lady Tamaraws matapos selyuhan ni Soreño ng isang umaatikabong crosscourt attack ang unang set, 25-16.
Patuloy namang umalab ang determinasyon ng Lady Spikers sa pagpasok ng ikalawang set matapos ipamalas ang kanilang pinatinding opensa at depensa. Nakamit agad ng DLSU ang momentum matapos masungkit ang kalamangan sa tulong ng umaalab na galamay nina Gagate at Dela Cruz, 7-2. Umabante rin para sa Lady Spikers si Cruz matapos ipamalas ang kaniyang block at crosscourt attack, 12-4.
Tila hindi naman nawalan ng pag-asa ang Lady Tamaraws matapos pangunahan ng mababagsik na atake ni Tagaod at Devosora. Gayunpaman, nanatiling determinado ang Lady Spikers na angkinin ang ikalawang set. Bunsod nito, hindi na hinayaan pang makalusot ni Gagate sa panig ng DLSU ang bola at tuluyang tinapos ang ikalawang set, 25-18.
Muling bumida si Gagate ng tatlong puntos dahilan upang lumawak ang kalamangan ng Lady Spikers, 13-8. Samakatuwid, hindi na nagpaawat pa ang koponan ng berde matapos kumasa si Dela Cruz ng isang agresibong pangwakas na palo, 25-21.
Buhat ng panalong ito, nananatiling malinis pa rin ang 5-0 na panalo-talo kartada ng DLSU Lady Spikers. Abangan ang tunggalian ng Lady Spikers at Adamson University Lady Falcons sa Linggo, Marso 19, sa FilOil EcoOil Centre, San Juan.