IKINASA sa unang regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang pagtalaga sa puwesto ng tatlong opisyales kasabay ng pagbaba sa puwesto ng dalawa pang opisyales ng University Student Government (USG) at Laguna Campus Student Government (LCSG), Marso 8.
Mga aasahan sa bagong liderato
Pinangunahan ni Cece Garcia mula LCSG ang pagluklok sa puwesto kay Kelsey Salud bilang kinatawan ng Br. Andrew Gonzalez FSC College of Education (BAGCED). Ani Garcia, maaasahan ng pamayanang Lasalyano sa Laguna ang buong-pusong paglilingkod ni Salud kahit pa hindi siya nakadalo sa pagpupulong bunsod ng mga personal na obligasyon.
Bunsod nito, nagpahayag ng pag-aalinlangan si Francis Loja, EXCEL2023 at dating chief legislator. Kinuwestyon niya ang kakayahan ng mga iniluluklok na pinuno gayong hindi sila dumadalo ng mga sesyon ng LA. Dagdag pa ni Loja, mayroong mga pagkakataong itinalaga sa puwesto ang isang opisyal ngunit hindi ginampanan ang kaniyang trabaho at bumaba na lamang sa puwesto.
“I can only measure their capability on paper,” giit pa ni Loja. Sinang-ayunan naman ito ni Garcia ngunit depensa niya, hindi niya nasabihan si Salud at nangangapa pa siya sa kaniyang bagong tungkulin. Kinikilala rin niyang lubos na kailangan ang presensya ng mga iniluluklok upang masiguro ang dedikasyon nila sa kanilang tungkulin.
Itinalaga sa posisyon si Salud sa botong 19 for, 0 against, at 1 abstain.
Inilatag naman ni Zak Armogenia, FAST2021, ang resolusyon ukol sa pagtalaga sa puwesto kay Julius Magdaong bilang batch legislator ng FAST2019. Ayon kay Armogenia, pinili nila si Magdaong dahil malaki ang kanilang kumpiyansa sa mga taglay niyang katangian. Nabanggit din ni Armogenia na naging program representative, project head ng mga aktibidad, at assistant vice president for college services ng Arts College Government si Magdaong.
Gayunpaman, itinaas nina Loja, CATCH2T26 Sai Kabiling, at FOCUS2022 Mikaela Rabacca ang katanungan ukol sa mga tiyak na plano ni Magdaong. Agad namang sinagot ni Magdaong na bibigyang-priyoridad niya ang kalusugang pangkaisipan ng mga Lasalyano sa kaniyang pamumuno. Nais din niyang palawigin ang mga umiiral na polisiya at protokol ng Pamantasan ukol dito at ilakip ang pagtataguyod ng kapakanan ng mga propesor.
Inaprubahan ang resolusyon kay Magdaong sa botong 20-0-0.
Inihain din ni Cedric Bautista, FAST2022, ang pagtalaga sa puwesto kay Quisha Francine Morales bilang batch vice president. Agad na nagtanong si Kabiling patungkol sa mga plano ni Morales gayong malapit nang matapos ang ikalawang termino. Ipinangako naman ni Morales na itutuon niya ang natitirang linggo ng termino para sa paparating na enlistment season.
Sa botong 21-0-0, ipinasa ang resolusyon sa kay Morales.
Pagkilala sa nagawang serbisyo
Pinangunahan din ni Garcia ang pagbitiw sa puwesto ni LCSG BAGCED Representative Cassandra Jaye Sanchez. Ayon sa kaniya, kinakailangang magbitiw sa puwesto ni Sanchez bunsod ng hindi nito pagkilos sa kaniyang mga gawain.
Gayunpaman, pinasalamatan pa rin ni Garcia si Sanchez sa kaniyang dedikasyon sa pamumuno. “She showed her determination and persistence, especially during the election period,” sambit ni Garcia. Sa botong 20-0-0, isinapormal ang pagbitiw sa puwesto ni Sanchez.
Inilatag naman ni Marianne Era, FAST2020, ang mga resolusyon hinggil sa pagbaba sa puwesto ni Alexandra Glinoga bilang FAST2019 batch vice president. Ayon kay Era, lumipat ng paaralan si Glinoga sa ibang bansa. Isinakatuparan ang resolusyon sa botong 21-0-0.
Pinasadahan din sa sesyon ang pagpili ng mga komisyoner para sa Commission on Elections (COMELEC). Ayon kay Armogenia, namimili pa sila ng iluluklok ngunit ipinahayag ni Emerina Peñaflor, BLAZE2023, na mayroon na silang natanggap na rekomendasyon mula sa COMELEC. Sa kasalukuyan, tinatapos na lamang nila ang pagsusulat ng panukala para dito.
Sa huli, hinikayat ni Chief Legislator Sebastian Diaz ang pamayanang Lasalyano ukol sa isasagawang recruitment week ng Office of the Chief Legislator sa susunod na linggo.