ITINUDLA ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang University of the East (UE) Red Warriors sa loob ng apat na set, 25-20, 16-25, 25-22, 25-22, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Men’s Volleyball Tournament, Marso 8, sa PhilSports Arena, Pasig City.
Umarangkada para sa DLSU Green Spikers si Kapitan Vince Maglinao matapos magtala ng 15 puntos mula sa 14 na atake at isang service ace. Hindi rin nagpahuli si Green Spiker Noel Kampton na nakapag-ambag ng 22 puntos mula sa 17 atake, isang block at apat na service ace.
Namayagpag naman sa sandatahan ng UE si Red Warrior Kenneth Culabat matapos tumikada ng 13 puntos mula sa 12 atake at isang block. Umagapay din sa kaniya si Lloyd Josafat matapos umiskor ng 12 puntos mula sa 11 atake at isang block.
Mabalasik ang naging panimula bunsod ng pangunguna ng duo na sina Green Spikers John Mark Ronquillo at Nathaniel Del Pilar matapos regaluhan ng dalawang solid block ang koponan ng Red Warriors sa pagpasok ng unang yugto, 4-1. Bago pa man makaporma ng isa pang puntos ang pulang sandatahan, agad sinapawan ng peligrosong back-to-back points ni Kampton ang pag-abante ng kabilang koponan. Hindi na pinatagal pa ni Maglinao ang laban nang magsumite ng isang roll shot upang selyuhan ang unang set, 25-20.
Inalagaan ng Green Spikers ang momentum sa pagbubukas ng ikalawang yugto nang magpasiklab si Del Pilar matapos umukit ng quick attack at kagimbal-gimbal na block, 2-0. Tangan ang kagustuhang mapasakamay muli ang sumunod na yugto, bumagsak ang balikat ng Green Spikers matapos salantahin ng Red Warriors sa tulong ng mabagsik na opensa upang palayuin ang kalamangan, 16-25.
Nananatiling solido ang depensa ng Green Spikers dahilan upang makamtam ang higit sa anim na puntos na kalamangan sa unang bahagi ng ikatlong set, 11-5. Dahan-dahan namang sinubukang habulin ng Red Warriors ang kalamangan, ngunit sinelyuhan ni Maglinao nang magpasiklab ng isang hampas upang tuldukan ang set, 25-22.
Mainit ang naging bakbakan sa pagbubukas ng ikaapat na set nang matagumpay na makapuntos si Anima ng isang quick attack sa gitna, 16-13. Hindi na pinalipas ng DLSU ang pagkakataong wakasan ang laban matapos ang malinis na set galing ni Serrano kay Kampton para sa isang atake, 25-22.
Mapananatili nga ba ng DLSU Green Spikers ang kanilang win streak sa susunod nilang sagupaan kontra Far Eastern University Tamaraws sa darating na Sabado, Marso 11, ika-12 ng hapon sa PhilSports Arena.