PINURUHAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang puwersa ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles sa loob ng straight sets, 25-16, 25-20, 25-13, sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Volleyball Tournament, Marso 5, sa SM MOA Arena, Pasay.
Dominanteng opensa ang ipinamalas ni super rookie Angel Canino matapos magtala ng 21 atake, isang block, at isang service ace. Bumida rin sa talaan sina Lady Spikers Jolina Dela Cruz at Thea Gagate nang makapag-ambag ng pinagsamang 23 puntos.
Bumida sa hanay ng Blue Eagles si kapitana Faith Nisperos matapos magsumite ng 10 atake at isang block. Tumulong rin sina Blue Eagles Vanie Gandler at Yvana Sulit matapos magpakawala ng tig-anim na puntos.
Naging mainit ang simula ng bakbakan ng dalawang koponan matapos magpalitan ng nagbabagang puntos, 2-2. Samantala, agad namang uminit si Canino matapos magpakawala ng umaatikabong atake dahilan upang palobohin ang kanilang kalamangan, 7-2. Sa kabilang dako, umalab naman ang backrow attacks ni Faith Nisperos at Vanie Gandler ngunit hindi ito naging sapat upang panipisin ang kalamangan, 17-10. Hindi na nagpapigil pa ang Taft-based squad matapos magpaulan ng solidong atake at tuluyan na ngang sinelyuhan ni Dela Cruz ang unang yugto ng laro sa isang off-the-block attack, 25-16.
Nagpatuloy ang pagragasa ng kababaihan ng Taft sa ikalawang set nang magpakitang-gilas si Canino sa crosscourt, 8-3. Namaga naman ang kalamangan ng Lady Spikers sa anim bunsod ng kanilang pinaigting na opensa, 15-9. Sa kabila nito, agad namang nakadikit ang Blue Eagles sa talaan matapos magpamigay ang DLSU ng tatlong libreng puntos, 19-17. Gayunpaman, nanaig ang puwersa ng Lady Spikers sa huli nang magpasiklab sina Dela Cruz at Gagate sa net, 25-19.
Pinahirapan ng Taft-based squad ang Blue Eagles nang magpaulan si Gagate ng dalawang magkakasunod na regalo sa unang bahagi ng ikatlong set. Sinamahan pa ng isang nanunuot na service ace at isang spike ni Canino na naging dahilan upang mas lalong pasidhiin ang kalamangan ng Lady Spikers. Ipinagpatuloy ni Dela Cruz ang momentum matapos magpaapoy ng dalawang off-speed spike at tuluyan nang inangkin ang batalya, 25-13.
Nananatili pa ring matalas ang dalang palaso ng koponan ng DLSU Lady Spikers matapos umabante sa 3-0 panalo-talo kartada. Sunod na makasasagupa ng Lady Spikers ang University of the East Lady Warriors sa darating na Miyerkules, Marso 8, sa Araneta Coliseum.