PINUTOL ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang pakpak ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles sa loob ng tatlong set, 25-16, 33-31, 25-22, sa kanilang ikatlong laro sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Men’s Volleyball Tournament, Marso 5, sa SM MOA Arena, Pasay City.
Nagpakitang-gilas sa koponan ng berde at puti si Green Spiker Bill Anima tangan ang 13 puntos, walong atake, at limang block. Naging kasangga naman niya sina Green Spiker Noel Kampton bitbit ang 17 puntos at Green Spiker John Ronquillo na umukit ng 10 spike at dalawang block.
Pinangunahan naman ni Blue Eagle Jian Salarzon ang Katipunan-based squad bitbit ang 14 na puntos at apat na block. Umalalay rin si Blue Eagle Kennedy Batas matapos magpakawala ng 10 spike.
Nagpaulan ng pana ang Green Spikers matapos lumiyab ang galamay nina Kampton at Anima, 8-2. Subalit, naging mailap ang opensa ng DLSU sa ikalawang set matapos matinag sa mala-pader na depensa ng ADMU. Sa huli, tinuldukan ng Taft-based squad ang unang set kaakibat ang lakas at diskarte ni Kampton sa kaniyang mga atake, 25-16.
Naging mabagal ang simula ng ikalawang set matapos magpalitan ng puntos ang dalawang koponan, 8-all. Tila nawala naman sa momentum ang Taft-based squad matapos magtala ng sunod-sunod na error, dahilan ng pag-arangkada ng Blue Eagles, 12-9. Gayunpaman, sinubukan pa ring makipagsabayan ng DLSU sa matinding opensa at depensa ng ADMU sa pangunguna nina Team Captain Vince Maglinao at Ronquillo, 18-all.
Nagpatuloy ang dikdikang sagupaan ng dalawang koponan matapos magsagutan ng matutulis na spike sina Ronquillo at Salarzon, 25-all. Kaakibat ng determinasyon ng dalawang koponan, nagawa nilang patagalin ang kanilang umaatikabong kampanya, 31-all. Gayunpaman, hindi na binigyang-pagkakataon pa ng DLSU ang ADMU matapos selyuhan ng malabundok na block ni Anima ang ikalawang set, 33-31.
Nagsagutan ng opensa ang parehong koponan upang itabla ang talaan, 5-all. Ginambala ni Blue Eagles Canciano Llenos at Batas ang depensa ng DLSU matapos magpalipad ng matatalas na atake at mapandakmang mga block, 6-11. Nagising ang opensa ng Green Spikers nang magpasiklab si Maglinao upang makamtam ang kalamangan, 15-14.
Dikdikang labanan muli ang naganap matapos ang paghagupit ng mga atake ng parehong koponan, 22-all. Kasunod nito, nagpaulan sina Maglinao at Anima ng matatalas na spike upang agawin ang kalamangan, 24-22. Nagwakas ang laro matapos magkamit ng error ang kabilang koponan, 25-22.
Bunsod ng pagkapanalong ito, bitbit ng Taft-based squad ang 2-1 panalo-talo kartada. Muling sasabak ang DLSU Green Spikers laban sa koponan ng University of the East Red Warriors sa Miyerkules, Marso 8, sa PhilSports Arena.