Titindig at lalaban: EDSA Commemorative Walk, pinukaw ang diwang makabayan ng pamayanang Lasalyano

Mula DLSU USG

BINIGYANG-BUHAY ng pamayanang Lasalyano ang ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa isinagawang Commemorative Walk mula Corazon Aquino Democratic Space (CADS) tungo sa harapan ng St. La Salle Hall, Pebrero 27. Kinumpleto nito ang isang linggong programang “Mula sa Dilim: EDSA 37, Muling Dalawin” na proyekto ng Pamantasang De La Salle (DLSU) upang linangin ang kamalayan hinggil sa makabuluhang rebolusyon.

Matatandaang naantala ang mobilisasyon nitong Biyernes alinsunod sa Proklamasyon Blg. 167 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagtatakda sa Pebrero 24 bilang national non-working holiday. 

Sama-samang pagtindig

Pinangunahan ng University Student Government (USG), Committee on National Issues and Concerns, Center for Social Concern and Action, Office of Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment, at Student Discipline Formation Office ang pagkilos na tumipon sa mga estudyante mula sa iba’t ibang kolehiyo.

Nakaputing nagmartsa ang pamayanang Lasalyano mula sa CADS tungo sa harapan ng St. La Salle Hall bitbit ang mga plakard saad ang mga progresibong panawagan ng masa. Bilang pag-alala ito sa malawakang kilos-protesta sa kahabaan ng EDSA na nagpatalsik sa yumaong diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. 

Pinukaw naman ng noise barrage ang atensyon ng mga nakasaksing sibilyan na siyang inalmahan ng mga malapit na pulis at agaran itong sinalag ni USG President Alex Brotonel. Paliwanag ng mga ito, wala na sa hurisdiksyon ng Pamantasan ang mga lakaran sa Taft Avenue.

Dulot ng maagang pagtatapos ng demonstrasyon sa labas ng St. La Salle Hall, agaran itong sinundan ng pagpapailaw ng facade sa mga kulay ng watawat ng Pilipinas kasabay ng pagsisindi ng kandila at taimtim na panalangin.

Binigyang-diin ng USG ang taong ito bilang unang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr.

Boses ng Lasalyanong lumalaban

Sa pagbabalik-tanaw ni USG Commissioner on Socio-Political Development Dennis Gomez sa mga karahasan ng Batas Militar, binigyang-kahulugan niya ang EDSA People Power Revolution bilang higit sa pagiging palatandaan ng demokrasya. Bagkus, kaniyang hinikayat ang mga Lasalyanong ituring din itong simula ng pagkakakilanlan ng mga mamamayang Pilipino sa sariling kapangyarihan.

Pagpapatuloy niya, “People Power didn’t end in 1986. The power still resides in us—the power to hold people accountable, the power to uplift our fellow Filipinos, and most especially, the power to educate those who are misinformed.”

Kinumbinsi rin ni Gomez ang pamayanang huwag makampante sa kaganhiwaan at kumilos para sa tama. Aniya, magsisilbing ilaw ng kanilang henerasyon ang pagkwestiyon at pagtindig para sa katotohanan upang suungin ang mapanglaw na landas na hinaharap ng bayan.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Brotonel ang bawat Lasalyanong piniling tumugon sa oras ng pangangailangan. Nakisimpatya siya sa mga ito bilang kapwa estudyanteng nakararamdam ng takot at pangamba sa pagtindig sa harap ng facade habang inaalala ang mga biktima ng Batas Militar. Siniguro rin ni Brotonel na bibigyang-priyoridad ng USG ang pagprotekta sa karapatan at kapakanan ng bawat estudyante sa loob at labas ng Pamantasan.

Kaniyang hiningi ang pakikiisa ng mga dumalo upang sundan ang mga yapak ng mga estudyante at kabataang ipinagtanggol ang demokrasya noon. Inilarawan niya ito bilang madilim na yugto ng ating kasaysayan na binalot ng paglabag sa karapatang pantao at paglaganap ng katiwaliang bumaon sa bansa sa kahirapan.

Panawagan ni Brotonel, “Lasallians, we make sure that the Filipino people will never forget. Bilang Lasalyano [at] bilang isang Pilipino, oras na para ipakita ang lakas ng bawat mag-aaral sa pagbuo ng pagbabago. Now more than ever, let us put student power into action.”

Binigyang-tuon naman ng mga pangulo ng dalawang partidong politikal ng DLSU na sina Marc Lee ng Santugon sa Tawag ng Panahon at Marv Sayson ng Alyansang Tapat sa Lasallista ang relasyon ng pagdiriwang sa kasalukuyang administrasyong Marcos.

Pinahalagahan ni Lee ang impluwensiya ng rebolusyon sa pagpapatunay ng mga Pilipino sa buong mundong nasa taumbayan ang totoong kapangyarihan. Aniya, naging kasangkapan ang katapangan ng iilan sa tagumpay ng lahat upang wakasan ang diktadura. Ikinompara niya ang panahong ito sa muling pagbabalik ng isang Marcos sa puwesto.

Dagdag pa ni Lee, ginugunita ito para din sa hinaharap, at hindi lamang sa nakaraan. Pinaalalahanan niya ang mga Pilipino na marapat na huwag kalimutang isa ang pagpapanumbalik ng malayang pamamahayag sa mga nakamit ng EDSA People Power Revolution.

Giit naman ni Sayson, ang pagsasawalang-bahala umano ng rehimeng Marcos-Duterte sa mga kritikal na suliranin ng bansa, kagaya ng panre-redtag, pagmimilitarisa sa mga paaralan, pag-atake sa malayang pamamahayag, paglala ng katiwalian, pagtaas ng implasyon, at pambabaluktot ng kasaysayan ang sanhi ng patuloy na paghihirap ng masa. Pagtikas niya, “Alyansang Tapat sa Lasallista reiterates that history is not up for debate!”

Kasunod nito, idineklara ng Student Media Council (SMC) na binubuo ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), Archer’s Network, Green & White, Green Giant FM, Malate Literary Folio, at The LaSallian ang opisyal nitong pahayag. Mariing kinondena ni Ian Najera, treasurer ng SMC at tagapamahalang patnugot ng APP, ang mga pag-atake sa mga mamamahayag. Ayon sa kaniya, kabilang rito ang censorship at pang-aabuso sa mga kasapi ng midya partikular na sa mga estudyanteng mamamahayag.

Sa pagtatapos ni USG Vice President for Internal Affairs Janine Siy, hinimok niya ang pamayanang Lasalyanong manindigan para sa katotohanang binabantaan ng awtoritaryanismo. Pagtibay niya, “Democracy is and always has been a continuing process.”