IPINAGDIWANG ng pamayanang Lasalyano ang Araw ng mga Puso sa Amore 2023: Valentine’s Bazaar and Fair, Pebrero 13 hanggang 17. Layon nitong makalikom ng pondo para sa mga ilulunsad na proyektong may kaugnayan sa serbisyong pang-estudyante, tulad ng financial assistance at scholarship grants sa ilalim ng Office of the Executive Treasurer (OTREAS).
Hinahangad ng mga tagapangasiwang manumbalik ang dating nakasanayan ng mga Lasalyano sapagkat halos tatlong taong hindi naipagdiwang ang taunang Valentine’s bazaar sa Pamantasan.
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Alphonso Francis Cataquis, chief advisor for fundraising events ng OTREAS, ibinahagi niya ang kanilang naging hangarin para sa Amore, maging ang iba pang plano ng OTREAS para sa pamayanang Lasalyano.
Hindi naging madali ang proseso ng pagsasagawa ng bazaar dahil dalawang buwan lamang ang inilaan nilang panahon sa paghahanda, ani Cataquis. Dagdag pa niya, “Prinioritize ko talaga ‘yung pagkuha namin agad ng tao and then from there tsaka kami naglatag ng aming mga sistema, ng aming timeline.”
Bukod pa rito, dinagdagan din nina Cataquis ang mga pakulo sa Amore 2023 upang hindi lamang ito maging bentahan ng iba’t ibang pagkain at inumin. Sambit niya, “I think kami ‘yung, as far as I know, kami ata ang first kasi I have never heard of having a fair aspect to a bazaar. So I’m really proud of my team for pushing through with that.”
Sumangguni si Cataquis at ang kaniyang pangkat mula sa mga estudyante ng Pamantasan kaugnay ng nais nilang maranasan upang masigurong magiging matagumpay ang daloy ng aktibidad. Pagbabahagi pa niya, ikinatuwa niyang naisakatuparan ang iba’t ibang ideya at nagustuhan ng pamayanang Lasalyano ang kinalabasan ng proyekto.
Inasahan naman ni Cataquis na magiging balakid ang espasyo ng Pamantasan sa pagsasagawa ng mga aktibidad kaya lubos na nakipag-ugnayan ang kanilang yunit sa administrasyon upang matugunan ito. Dagdag pa rito, binigyang-diin niyang dulot ng kagandahang-loob ng administrasyon ang naging tagumpay ng nasabing proyekto.
Samantala, binigyang-linaw ni Cataquis na mas maraming booth ang itinayo ngayong Amore kompara sa Anaya, na isinagawa upang ipagdiwang ang Kapaskuhan sa Pamantasan. Ginamit ng kaniyang mga katuwang sa paglulunsad ng proyekto ang Facebook page ng Anaya 2022: Christmas Bazaar upang manghikayat ng mga concessionaire para sa Amore.
Sa huli, nagbigay ng mensahe si Cataquis sa mga Lasalyanong nagmamahalan. “. . . just keep spreading the love and appreciation. . . para naman sa mga nag-iisa. . . that may not be the whole truth kasi. . . may mga taong mag-a-appreciate at magmamahal sa ‘yo,” pagbabahagi niya.
Inilahad din ni Cataquis na dapat ding antabayanan ng pamayanang Lasalyano ang nalalapit na University Vision Mission Week Bazaar na inaasahang gaganapin sa Hunyo o Hulyo. Samakatuwid, ilulunsad na rin ng OTREAS ang mga scholarship program at grant nito sa mga susunod na linggo.