MAGTATAAS ang matrikula ng apat na porsyento sa susunod na akademikong taon, ayon sa pagsisiwalat ng University Student Government (USG) sa Town Hall Meeting sa Room 703, Br. Andrew Gonzalez Hall mula ika-2:30 hanggang ika-4:30 ng hapon, Pebrero 23. Mula ito sa inilatag na 5.8% ng Association of Faculty and Educators of DLSU Inc. (AFED) at Employees Association (EA), 0% ng USG at Parents of University Students Organization (PUSO), at 5% ng administrasyon.
Isinagawa ng Multisectoral Committee on Consultative Tuition and Fees (MSCCTF) ang mga pagpupulong para sa naturang desisyon noong Disyembre 15, Pebrero 1, 15, at 22. Alinsunod ito sa CHED Memorandum Order No. 03, Series of 2012 na nagtatakda sa pagsasagawa ng konsultasyon ng bawat pamantasan sa kani-kanilang mga nasasakupan upang masigurong napagkasunduan ng lahat ang isusumiteng dokumento sa ahensya .
Desisyon ng komite
Bunsod ng malaking pagkakaiba sa mga porsyentong inilatag ng bawat sektor at malaking pangangailangan ukol sa pagpapabuti ng Pamantasan, napagkasunduang hindi posible ang 0% na isinusulong ng USG. Iminungkahi naman ng USG sa komite sa kanilang huling pagpupulong, nitong Pebrero 22, na ibaba na lamang sa 1% ang porsyentong itataas.
Tumugon ang administrasyon at AFED sa kanilang panawagan matapos ibaba sa 4.8% ang kanilang porsyentong nais isulong. Ginawa ring 5% na lamang ng EA ang kanilang suhestiyon mula sa orihinal na 5.8%. Sa huli, naibaba ito sa 4% matapos muling itaas ng USG at PUSO ang kanilang kahilingang ibaba pa ang porsyentong nakahain.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Alex Brotonel, pangulo ng USG, ang kaniyang pagkadismaya sa harap ng mga Lasalyano sa isinagawang Town Hall Meeting. Sambit niya, “Nakikiisa po ako sa laban natin para sa isang makatarungang matrikula. I start questioning why the system never works for us, why the system always fail the situation of the students. Nasaan nga ba talaga ang hustisya para sa mag-aaral ng Pamantasang ito?”
Ipinaalala rin niya na patuloy nilang babantayan ang bawat galaw ng Pamantasan upang masigurong matatanggap ng bawat Lasalyano ang nararapat na kalidad ng edukasyon at serbisyo. Inaasahan ding makikipagpulong ang USG kay Brother President Bernard Oca sa mga susunod na linggo upang kumbinsihin siyang i-veto ang naging desisyon ng komite.
Talakayan ng bawat sektor
Pinangasiwaan ni Maria Lourdes Fajardo, pangulo ng PUSO, ang isinagawang apat na pagpupulong ng MSCCTF ukol sa matrikula para sa susunod na akademikong taon. Binigyang-pagkakataon ang bawat sektor na ihain ang kanilang mga panig kaugnay ng ilalatag nilang porsyento.
Ibinahagi naman ni School of Economics President Hannah Prado ang mga tinalakay nila sa bawat pagpupulong kasama ang MSCCTF. Aniya, binigyang-pansin sa kanilang unang paghaharap noong Disyembre 15 ang pagpapakilala sa bawat sektor at pagtatakda ng iskedyul. Napagkasunduan ding susundin ang pagkakasunod na AFED, EA, USG, PUSO, at administrasyon sa paglatag ng imumungkahing porsyento ng taas sa matrikula.
Nagkasundo naman nitong Pebrero 1 ang AFED at EA sa kanilang inilatag na porsyentong 5.8% na pagtaas sa matrikula. Ayon kay AFED President Ben Teehankee, lubos na kinakailangang taasan ang pasahod para sa mga propesor ng Pamantasan at dagdagan ang kanilang mga pasilidad at kagamitan. Makatutulong din ito upang makabangon sila mula sa epekto ng implasyon. “The inflation rate has been higher than the across the boards salary increase in the past 3 years,” pagbabahagi ni Prado.
Subalit, mariin itong tinutulan ng USG sa kanilang presentasyon nitong Pebrero 15 dahil kanilang isinusulong ang 0% na taas sa matrikula. Ani USG, nabigyang-diin sa kanilang mga isinagawang focus group discussion at sarbey na maaapektuhan ang kakayahan ng mga estudyanteng magpatuloy ng pag-aaral sa Pamantasan sakaling magtaas pa ang matrikula. Dagdag pa rito ang hirap na dinaranas ng mga estudyante sa gastusin dahil sa panunumbalik ng mga face-to-face na klase sa kampus.
“The University is still capable of accommodating expected salaries and benefit increases as well as operating expenses, while maintaining a 0% increase for A.Y. 2023-2024,” tugon ng USG sa naging desisyon ng AFED at EA sa nakaraan nilang pagpupulong. Tiniyak din nilang kakayanin ng Pamantasan na bigyan ng makatarungang sahod ang mga empleyado kahit hindi ipatupad ang taas sa matrikula.
Subalit, binigyang-diin ng AFED na dalawang taon na rin mula magpatupad ng taas sa matrikula at lubos nang kinakailangan sa ngayon ang karagdagang pondo upang mapabuti ang kalagayan ng Pamantasan. Sinang-ayunan naman ng PUSO ang inilatag na suhestiyon ng USG, ngunit inilahad na bukas sila sa magiging mungkahi ng administrasyon ukol dito. Umaasa rin silang mapabubuti ang kalidad ng mga pasilidad para sa mga estudyante.
Nais namang itaas sa 5% ang matrikula ng administrasyon upang mapabuti ang kalidad ng serbisyo ng Pamantasan at mga pasilidad. Bunsod ito ng isinagawa nilang pagbabawas sa gastos noong mga unang taon ng pagpapatupad ng K-12 at kasagsagan ng pandemya dulot ng COVID-19. Saklaw ng taas sa matrikula ang pagsisiguro na nasa maayos na estado ang mga elevator at escalator, pagsasaayos ng mga IT infrastructure, paglalagay ng karagdagang espasyo sa kampus, at pagtitiyak ng umiiral na security system.
Ibinahagi rin ng administrasyon na 5% na ang pinakamababang porsyento na maaari nilang ipatupad, habang sinisiguro na hindi maapektuhan nang lubos ang mga estudyante. Paglalahad nila, kinakailangan ng Pamantasan na gumastos ng malaki sa mga susunod na buwan upang mapabuti ang mga pisikal na pasilidad sa kampus. Maliit na bilang lamang din ng freshmen ang papasok dahil 5,500 lamang ang kanilang inaasahan.
Panawagan ng USG
Matatandaang nagsagawa ang USG ng iba’t ibang aktibidad kaugnay ng isinusulong na 0% na taas sa matrikula. Ilan dito ang pagsasagawa ng focus group discussion, paglulunsad ng aktibidad para sa pagbuo ng mga plakard, at pag-oorganisa ng mga unity walk. Sinuportahan ito ng libo-libong Lasalyano matapos makalikom ng 4,649 na lagda ang kanilang panawagan.
Ginamit din ng USG bilang argumento sa panukala ang kasalukuyang kinahaharap na suliranin ng bansa ukol sa implasyon at panunumbalik ng mga face-to-face na klase. Ayon sa kanilang inilabas na panukala, nasa middle-income cluster ang malaking bilang ng mga Lasalyano at mabilis na mararamdaman ng bawat pamilyang kinabibilangan ang pagtaas sa gastusin. Marami ding Lasalyano ang nagtatrabaho upang tustusan ang kanilang pag-aaral o kaya naman sinusuportahan ng mga magulang na mag-isa silang itinataguyod.
Binigyang-pansin din nila sa kanilang panukala na inaasahang makalilikom ng Php607,457,550.92 ang Pamantasan sa susunod na akademikong taon. Mas maliit ito kompara sa Php797,412,396.26 na inaasahang nalikom ngayong taon ayon sa kanilang pagtatantya, ngunit nananatiling sapat ito upang tugunan ang hinihiling na 5% taas sa pasahod ng mga empleyado.
“The high net income figures for this academic year and the next academic year suggest that the University will be able to withstand unexpected shocks, improve existing facilities, invest in additional facilities, and accumulate capital amidst a 0% tuition fee increase for A.Y. 2023-2024,” dagdag pa ng USG.
Ipinabatid din nilang taliwas sa itinaguyod ni San Juan Bautista De La Salle ang pagpapatupad ng taas sa matrikula sa susunod na akademikong taon lalo na at nasa mahirap na sitwasyong pang-ekonomiya pa ang bansa. Matatandaang nakaangkla sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon sa mga mahihirap at nangangailangang miyembro ng ating lipunan ang pagtatayo ng Pamantasang De La Salle.
Patuloy na magbabantay
Tiniyak ni Brotonel sa pamayanang Lasalyanong hindi pa natatapos ang laban sa kabila ng pagkabigo sa isinusulong na 0% na taas sa matrikula. Patuloy silang maninindigan na marapat na matanggap ng pamayanang Lasalyano ang dekalidad na serbisyo at edukasyon bilang kapalit sa mataas na matrikulang binabayaran. Paglalahad pa niya, sisiguraduhin ng USG na mapupunta ang karagdagang matrikula sa dagdag pasahod ng mga empleyado at pagpapabuti sa mga pasilidad.
Hihikayatin din nila ang administrasyon na lumikha ng mas maraming scholarship at financial aid upang masigurong makapagpapatuloy pa rin ang mga Lasalyano sa kanilang pag-aaral. “Magbabayad na nga tayo ng mas mataas na matrikula. . . the USG expects that the University will make way or create mechanisms that will provide more needs-based scholarships to the student body,” paniniwala niya.
Binanggit din ni Brotonel na wala na dapat kaso ng pagkaantala ng koneksyon mula sa Animo Connect at umiinda ng mabagal na internet connection. Marapat din aniya na mas mabilis ang proseso ng enlistment sa Animo.Sys at My.LaSalle, hindi na naaantala ang serbisyo ng mga elevator sa Br. Andrew Gonzalez Hall, at mas mabilis na ang tugon ng mga opisina ng Pamantasan.
“We cannot afford to continue having tuition fee increases and provide the student body with mediocre to poor university services. Hindi na justifiable to have tuition fee increases and provide the student body with false promises on improvements in the University,” pagtatapos niya.