Mahanging gabi, madilim na alapaap. Kumukutitap na mga bituin at ilaw ng buwan ang nagsisilbing liwanag. Habang binabalot ng katahimikan, nagsisimulang kumawala ang kaluluwa sa katawang-tao. Sa masinsing pagtingin sa kalawakan, maaaninag ang munting mga bulalakaw na nagbibigay-kulisap sa malabong kalangitan.
Tinatayang mahigit 14 na bilyong taon na ang lumipas mula nang sumabog ang isang bituin—o ang Big Bang. Mula sa mikroorganismo hanggang sa pag-usbong ng iba’t ibang nilalang sa mundo, sinong mag-aakalang magiging mundo itong puno ng teknolohiya? Sa ebolusyon ng sangkatauhan, hindi rin makalilimutan ang mga dalubhasang nag-aaral ng mga buhay sa labas ng daigdig.
Matapos ang dalawang taon, umalis na sa iskrin ang pagdiriwang ng National Astronomy Week (NAW) 2023. Inihandog ng UP Astronomical Society sa madla ang isang makabuluhang linggong kapupulutan ng aral tungkol sa astrobiyolohiya at astronomiya, Pebrero 11 hanggang 18. Layon ng taunang programang linangin ang kaalaman ukol sa mga naturang paksa. Gayundin ang aspirasyong magamit ng mga kalahok ang kanilang natutuhan at pagiging bihasa sa pagtuturo ng mga penomena sa daigdig na labas sa abot ng busilig ng mga mata.
Pagsiklab ng mitsa patungong kaunlaran
Sinimulan ng Parallax: A Teacher’s Workshop ang lakbay patungong kalawakan na may temang Astrobiology: Our Place in the Universe. Sa loob ng tatlong oras, nasilayan ng mga kalahok na guro ang kadalubhasaan ng mga tagapagsalita tungkol sa astrobiyolohiya.
Bilang unang tagapagsalita, ibinahagi ni Beatriz Allyne Carandang, isang instruktor ng pisika sa University of Philippines Manila, ang kaniyang pananaliksik na “Putative Mutations in Selected Bacterial Housekeeping Genes in Response to Space Radiation Exposure.” Binigyang-diin niya rito ang kaniyang metodo sa pagkalap ng datos tungkol sa mikrobyong matatagpuan sa ibang planeta pati ang katangian nitong bacterial resistance sa space radiation. Hindi rin siya nagkulang sa pagbibigay-suhestiyon sa mga kalahok ng mga mikrobyong puwedeng saliksikin tungo sa pagyaman ng kaalaman sa larangan. Natunghayan din sa kaniyang presentasyon ang kahalagahan ng pag-aaral ng space radiation environment dahil maaaring maapektuhan ng mga mikrobyo ang kalusugan ng mga astronaut na gumagalugad sa kalawakan.
Itinampok naman ni Bernard Isaiah Lo, isang mananaliksik sa Radiation Research Center ng DOST-Philippine Nuclear Research Institute, ang pag-unlad ng astrobiyolohiya sa loob at labas ng bansa. Binigyang-diin din niyang para sa lahat ang naturang sangay ng agham. Hindi ito nakabatay sa piniling kurso—galing man ang iba sa STEM o hindi.
Iminungkahi naman ni Khristian Dimacali, chairman ng Education Committee sa Philippine Astronomical Society, ang sari-saring paraan upang maituro ang astronomiya. Batay sa kaniyang karanasan, hindi kailangan ng magarbong materyales o aparato sa pag-aaral sapagkat maaaring ipaliwanag ang paksa gamit ang pagmamasid sa kalawakan, pagtingin sa mga larawan, at paggamit ng software sa kompyuter. Isinaad din niyang posibleng maiugnay sa kasaysayan at pilosopiya ang pagtalakay sa astronomiya—dahilan upang lalong maging kawili-wili ang pagsisiyasat sa paksa. Gayundin, ibinahagi niyang nararapat magkaroon ng lakas ng loob ang mga guro sa pagturo upang maengganyo ang mga estudyanteng matuto.
Pagningning ng mga nagtatagisang talino
Nasukat naman sa sari-saring patimpalak ang katalinuhan ng mga kalahok mula sa iba’t ibang sulok ng bansa. Sa aktibidad na Orionids: Online Astronomical Trivia Quiz Game, hinimok ng organisasyong tukuyin ang mga sagot sa kanilang inilabas na mga tanong ukol sa astrobiyolohiya. Nagtagal mula Pebrero 13 hanggang 15 ang mapanghamong palaro. Ipinamalas naman ang malikhaing pagkuha ng retratong may kauganayan sa astronomiya sa Star Trails: Astrophotography Contest.
Nagpakitang-gilas naman ang mga estudyante, mula sa 10 eskuwelahan, ng kanilang kaalaman sa pisika sa paglahok sa Big Bang: Astronomy Quiz Show. Bago magsimula ang programa, nagbigay ng paunang salita si Dr. Jose Perico Esguerra, faculty adviser ng UP Astronomical Society. Kaniyang pinasalamatan ang mga pamantasang dumalo at lumahok sa NAW 2023. Binigyang-pugay din niya ang dating Pangulong Fidel V. Ramos sa kaniyang paglagda sa Proclamation No. 130, s. 1993. Dito isinaad at itinakda na gaganapin ang NAW tuwing ikatlong linggo ng Pebrero.
Nagtagisan ng galing ang mga kalahok sa pagsagot ng mga komplikadong katanungang nakaangkla sa temang astrobiyolohiya—na kailangan ding gamitan ng matematika. Sa kabuuan ng patimpalak, nagwagi bilang Highest Individual Pointer si Larenz Roie De Chavez. Nanalo naman bilang Team Champion ang Team 10 na kinabibilangan nina Joanna Daniella Fajardo, Clark Andrew Guieb, at John Robert Semaning mula Philippines Science High School CALABARZON Campus.
Hindi natigil dito ang pagdiriwang ng NAW dahil pinataas pa ng Take Off: Water Rocket Launching ang katuwaan ng mga kalahok. Gamit ang mga karton, bote, papel, tape, at iba pang materyales, naipakita nila ang kakayahang maging malikhain. Maliban dito, ipinamalas din nila ang kanilang kaalaman at estratehiya upang maabot ang distance at accuracy na kinakailangan para makamit ang tagumpay.
Para sa accuracy, nagwagi ang Kasarinlan Team B7 na kinabibilangan nina Jeoffe San Pedro at Cristina Rhyme Santos. Nanalo naman sa sukatan ng distansya ang rocket nina Mark Khelvin Lagasca at Kael Cid Catublas ng Sta. Lucia Team A2.
Pagtatapos ng paglipad
Gaya ng naging karanasan ng mga kalahok ng NAW 2023—hindi man nila nakuha o nalapitan ang target, maaari naman nilang lagpasan ang ninanais asintahin sa susunod na paglipad gamit ang aral na natutuhan sa bawat lagapak sa lupa. Hindi man nanalo sa mga palaro’t patimpalak, kitang-kita pa rin ang bakas ng tagumpay sa bawat estudyante sapagkat kanilang nahubog ang nakatagong talento sa paggawa ng estratehiya, pagkuha ng retrato, at paggamit sa mga napulot na karunugan. Samakatuwid, nagawa rin nilang palawakin ang kanilang kaalaman sa astrobiyolohiya at astronomiya.
Sa pagdalo sa NAW 2023, umuwing may baong karagdagang talino, husay, at kaalaman ang mga estudyante. Maliban sa paggamit ng mga nakuhang karanasan sa kanilang pag-aaral, tiyak na makatutulong din ito sa kanilang personal na buhay.
Kaya naman, upang lubusang maengganyo at matuto ukol sa astrobiyolohiya at astronomiya, tara na’t dumalo at lumahok sa gaganaping NAW sa susunod na taon!