COSMOS: An OPM Festival—pag-indak sa himig ng ligtas, malaya, at inklusibong lipunan

kuha ni Adrian Teves

IKININTAL ng University of the Philippines Junior Marketing Association ang mga adbokasiyang pagpapalaya sa kasarian at ligtas na mga espasyong malaya mula sa anomang porma ng diskriminasyon sa ginanap na Cosmos: An OPM Festival A Benefit Concert for Sexual and Reproductive Health Rights, Pebrero 18. Nagtanghal sa naturang konsiyerto ang 20 banda at nagbigay ng mensahe ang ilang kilalang personalidad kabilang sina Sassa Gurl, Ramburat, Lady Gagita, Viñas Deluxe, at grupong BINI na inimbitahan upang makiisa sa panawagan. 

Sa likod ng kasiyahang handog ng mga nagtanghal, layon nitong himukin ang mga dumalong makiisa sa panawagang patungo sa ligtas at pantay-pantay na karapatan para sa lahat. Nananatiling atrasado at tradisyonal ang kaisipang umiiral sa Pilipinas kaya hindi pa rin maituturing na ligtas para sa lahat ang lipunang ginagalawan.

#ReproductiveHealthForAll

Matapos ang masiglang pagtatanghal, nanindigan si Lady Gagita, isang drag performer mula sa Drag Den Philippines, na iangat ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaroon ng akses sa reproductive healthcare.

Aniya, “Ang laki-laki ng pondo ng gobyerno natin pero saan nila nilulustay? Sa pag-stay sa mga five-star hotel? Sa mga pangmayamang Amanpulo? Marami tayong dapat paglaanan ng ating pondo kagaya ng reproductive health.” Marubdob niyang sinipat ang kakulangan sa edukasyon at akses ng mamamayang Pilipino hinggil sa reproductive health.

Sa kabilang banda, tinatanganan ng madla na masidhing itampok sa naganap na konsiyerto ang panawagan ng mga katutubo, kababaihan, at komunidad ng LGBTQIA+ ukol sa abot-kaya at komprehensibong reproductive health. Bunsod nito, mariing tinututulan na gawing negosyo ang mga sosyo-ekonomikong serbisyo partikular sa aspekto ng pangangalaga sa kalusugan ng komunidad.

kuha ni Adrian Teves

#MalayaAkongMaging

Sa kabilang banda, ibinahagi naman ni BINI Mikha sa Ang Pahayagang Plaridel na umiikot sa pagmamahal, pagbibigay-saya, at empowerment ang kanilang ginawang pagtatanghal. Dagdag pa niya, magandang oportunidad ito upang maisulong ng grupo ang kanilang adbokasiyang pagkakapantay-pantay at empowerment para sa lahat. 

Bukod dito, naniniwala rin silang karapatan ng kababaihang magkaroon ng kalayaang maipahayag ang kanilang sarili sa anomang paraang naisin nila. Hindi hadlang ang kasarian upang makamit ang sariling pagpapasya para sa sarili. 

Ipinaalala naman ni Ramburat sa lahat ng dumalo na huwag silang matakot at magpatuloy lamang sa laban. Aniya, “You are who you are, and claim it. Lumaban kayo dahil hindi pa tapos ang laban.”

kuha ni Adrian Teves

#TransRightsAreHumanRights

Inihain nina Akbayan Representative Etta Rosales at dating Senador Miriam Defensor-Santiago sa ika-11 na Kongreso ang unang bersyon ng Sexual Orientation, Gender Identity, and Equity (SOGIE) Equality Bill noong 2000. Layon ng SOGIE Equality Bill na itakwil ang pagkakait ng mga karapatan sa LGBTQ+ community batay sa kanilang SOGIE. Sinasaklaw ng probisyong ito ang karapatan ng lahat sa mga pampublikong serbisyo kabilang ang pabahay, lumahok sa proseso ng pagkuha ng propesyonal na lisensya, karapatang gumamit ng mga establisimyento, at iba pa. Matapos ang halos dalawang dekada ng pagtutulak nito sa lehislatura, nananatiling nakabinbin pa rin ang SOGIE Equality Bill na pumipigil sa pagtamasa ng demokratikong karapatan ng mga mamamayang Pilipino, LGBTQIA+ o hindi.

Bunsod nito, naniniwala si Viñas Deluxe na nararapat lamang na pantay na matamo ng mga transgender na indibidwal ang mga batayang karapatang pantao, tulad ng pagtamasa ng ibang kasarian ukol rito. Sa kaniyang pagbabahagi, umaasa siyang makakalampag ang pamahalaang lumikha ng epektibong realidad sa pamamagitan ng mga kaganapan tulad ng UP Fair. 

Ipinaalala naman ni Sassa Gurl na hindi lamang para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ ang naturang panukala, bagkus maging sa mga straight. Samakatuwid, hinimok niya ang lahat na patuloy na kalampagin ang mga mambabatas na dinggin ang panawagang proteksyon at pagkilala ng nakabinbing panukala.

kuha ni Adrian Teves

Nakawiwili ang ritmo ng mga musika sa UP COSMOS. Sa kaibuturan, hindi nito layuning ipaghele ang mga mamamayan sa pribilehiyo, bagkus gisingin ang mga nahihimbing na diwa upang mulat na harapin ang pagpapalaya sa lipunan mula sa mga isyung pangkasarian. Sayaw ng dalawang kaliwang paa ang pakikibaka para sa karapatang pantaong batay sa kasarian sapagkat kinakapa pa rin ang pagsulong nito sa politikal na atmospera. Gayunpaman, nananatiling umiindak sa himig ng paninindigan–ang tinig ng mga itinutulak sa laylayan batay lamang sa kanilang kasarian.