Handa na ang mga tinipong tinig na ibubuhos sa isang mapaglarong gabi ng musika. Pakiramdaman ang ritmo at hayaang magpadala sa dagitab ng paggalaw sa saliw ng mga himig. Magmasid at buksan nang malawak ang mga mata; huwag palampasin ang gaganapin sa ilalim ng maluwalhating buwan at mga bituin.
Inilunsad ng University of the Philippines-Economics Society ang Dimensions bilang bahagi ng UP Fair 2023 sa UP Sunken Garden, Pebrero 16. Layon nitong dalhin ang kasiyahan sa ibang daigdig habang mariing tumitindig para sa mabisa at inklusibong sistema ng transportasyon. Natunghayan ang pagharurot ng kahusayan at talento ng mga banda at mang-aawit. Masasaksihang umapaw ang katuwaan ng madla dulot ng samu’t saring tunog at ritmong handog ng bawat musikero. Subalit, hindi lamang ito tungkol sa pagbibigay-kasiyahan sa mga dumalo, bagkus naging pagkakataon din upang mabatid at palawakin ang katalusan sa mga isyung panlipunan.
Pagtanda sa pumailanglang tugtugan
Nananalaytay sa kapaligiran ang wagas na pananabik ng madla. Hindi naging hadlang ang ilang oras na paghihintay at pagpapapawis upang masilayan ang mga natatanging mang-aawit at mga bandang malapit sa puso’t isipan.
Agad na tinangay patungong kalawakan ng That Band Astra ang mga tagapakinig nang kanilang awitin ang “Ellipsis.” Sinundan ito ng mabikas na pang-aaliw ng Ysanygo nang ipamalas nila ang pambihirang dinamiko sa pag-awit na lalong ipinihit paitaas ang kasalukuyang sigla ng mga tagahanga. Hindi naman pinalampas ni Kenaniah at ng mga bandang Carousel Casualties at The Ransom Collective ang pagkakataong haplusin at antigin ang mga pusong nais magmahal, nagmamahal, at minsang minahal.
Hindi natapos ang dumadagundong na pagtatanghal nang bulabugin ni Kean Cipriano at ng mga bandang Over October at Any Name’s Okay ang simbuyo ng damdamin dulot ng naunang sumalang sa entablado. Napakinggan din ang mga kinalakhan at kinahuhumalingang mga bandang tulad ng The Itchyworms, Mayonnaise, at Orange & Lemons sa pagtugtog ng kanilang patok na mga awitin.
Nakatitindig-balahibo naman ang paggamit ni Zild sa musika upang magprotesta sa pamamagitan ng awiting “Dekada 70.” Pinaalalahanan niya ang mga manonood sa dalang panganib ng pag-ulit ng nakasusuklam na kasaysayan—ang panahon ng Martial Law sa Pilipinas. Higit pa niyang pinukaw ang kamalayan ng madla nang ilantad ang mga karatulang taglay ang hinaing ng mga Pilipino tulad ng paglaban sa reporma ng lupa at pagpapalaya sa mga nabilanggo dulot ng kanilang politikal na pananaw.
Nanatili naman ang interes ng mga tagasubaybay nang nagpaulan si Al James ng mga malulupit na banat maski ng tubig mula sa kaniyang bote. Hindi tumila ang nakapapawing pagbabasbas sa tainga ng mga tumatangkilik nang marinig ang mga suwabeng boses nina Adie, Unique Salonga, at Ebe Dancel. Lubos nilang pinaapaw ang nadaramang tuwa sa pag-agos at pagtagos ng kanilang mga awitin sa kaibuturan ng diwa’t isip ng mga tagapakinig.
Makabuluhang winakasan ng mga bandang Lola Amour, Cup of Joe, at Autotelic ang masiglang pagtitipon sa konsiyerto. Katulad ng ibang musikero, ipinakita rin nila ang kanilang natatanging kahusayan sa musika. Buong-pusong inalay ng mga banda ang kanilang mga awitin at tugtugin, at nagpakita ng silakbo sa pagsabak sa pagtatanghal.
Hindi rin malilimutan ang pagdumog sa hindi inaasahang pagpunta ng tanyag na aktor na si David Licauco nang mamatahang sinusubaybayan niya rin ang mga kinalulugdang nagtanghal. Hindi nagpatumpik-tumpik ang mga tagasuporta sa patawag ng kaniyang atensyon para magpakuha ng retrato kasama ang binata.
Sigwa patungo sa ginhawa
Matagal na panahon na ang lumipas ngunit hindi pa rin nagbabago ang krisis ng transportasyon sa bansa. Nararanasan ng bawat isa ang bigat ng pasanin sa tuwing pumipila sa mahahabang linya at naghihintay ng oras upang makasakay sa mga pampublikong transportasyon. Nasa gitna man ng matinding init at malakas na ulan, handang magtiis ang mga pasahero para lamang makarating sa kanilang paroroonan. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang mga nagpupunyaging lumalaban para sa kapakanan ng mga pasahero at ng kanilang mga mahal sa buhay.
Masugid na nanawagan at nanindigan si Kuya Nolan, tagapagsalita ng UP Transport Group, para sa kanilang karapatan bilang tsuper ng dyip. Ibinahagi niya na sa kabila ng kanilang mga hinaing at paghihirap, wala pa ring sapat na tulong na natanggap mula sa pamahalaan upang maibsan ang kanilang pasanin. Sa halip, patuloy silang pinababayaan at pinahihirapan. Isiniwalat din niya ang mga panggigipit na nararanasan dahil sa pagbabantang tuluyang ipahinto ang kanilang pamamasada gamit ang mga tradisyonal na dyip.
“Serbisyo sa tao, ‘wag gawing negosyo,” pahiyaw na pambungad ni Kate Almenzo, miyembro ng Anakbayan, na nanggagalaiting ipalandakan ang kaniyang pagmamalasakit at pagmamahal sa bayan. Hinikayat niya ang lahat na makiisang tutulan ang patuloy na pagtaas ng pamasahe kasabay ang pagsulong sa ligtas, abot-kaya, at makamasang pampublikong transportasyon. Mabalasik niya ring inanyayahan ang kabataan na lumahok at itaguyod ang nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa.
Higitan ang nakagisnang pamantayan
Maririnig sa mga dumalo ang naghihingalo at nauubos na mga tinig dahil sa walang humpay na pagsabay sa mga kinagigiliwang Orihinal na Musikang Pilipino. Masasaksihan rin na sa bawat pagpatak ng oras ang paghimas ng mga manonood sa kanilang mga kumikirot na binti at balikat sapagkat mahigit sampung oras na ring nakatayo at naglilibot. Kasabay nito ang unti-unting pagpungay ng kanilang hapung-hapong mga mata dahil sa pahinog na gabi. Gayunpaman, gamit ang musika, nagising ang ilang nanahimik at nakahigang kamalayan ukol sa mga isyung kinahaharap ng sambayanan.
Lubos man ang pagkahingal at pagkapagod, walang mapaglagyan ang ligaya sa isang gabing bumuhay sa matamlay nang mga diwa. Sa kabila ng mga pagsubok, patuloy na nakipagsapalaran ang pusong sabik na makinig at makisabay sa musika. Sa mga sandaling ito, pansamantalang nilisan ang nakasanayang mundo at pumasok sa dimensyon ng mga liriko at panawagan. Bagamat marami man sa mga manonood ang nagtungo lamang sa konsiyerto upang maaliw, nagwakas ang programa sa pagbibigay-kumpiyansa sa mga manonood. Hindi lamang para sa sarili, subalit para sa mga taong nangangailangan ng kanilang boses.
Sa muling pagsikat ng araw, magpapatuloy ang paghiyaw at pagsigaw ng taumbayan. Hindi man ito para sa mga liriko ng musika, bagkus ukol na sa pagsusumamo ng mga pasahero at tsuper.