PINAINIT lalo ng Agape 2023: Live in Love ang buwan ng mga puso ng mga Lasalyano sa isinagawang college acquaintance party sa One Mission Park sa Laguna Campus ng Pamantasang De La Salle, Pebrero 15. Pinangunahan ito ng Laguna Campus Student Government katuwang ang College Student Affairs Laguna Campus, Strategic Communications Office, at Bhenllabien Builders Construction.
Itinampok sa pagdiriwang ang iba’t ibang mga food stall tulad ng Khazam Pizza and Shawarma, Ate Rica’s Bacsilog, Tapa King, Tealogy, Lemon Feels, at Shake n Fries. Gayundin, naghandog ang Laguna Arts College Government ng bean bags, board games, picnic clothes, at mats sa kanilang mga kapwa estudyante. Maaari itong rentahan mula sa halagang Php20 hanggang Php50 sa loob ng isa hanggang tatlong oras.
Naging patok sa takilya ang photobooth na Memento Amores na inihanda ng Laguna Campus Computer Studies Government. “Since this is an event about love, it is a perfect definition that these photos is a remembrance of the love shared by everyone here today,” pagbabahagi ng may-ari ng photobooth. Maaaring makuha ang serbisyo sa halagang Php100 hanggang Php200 na nahahati sa apat na mga package. Bukod dito, binigyang-pagkakataon din ang mga estudyante na maipahatid ang kanilang mga personal na mensahe sa itinakdang dedication booth.
Nagpakitang-gilas din ang iba’t ibang estudyante sa kampus bilang panimula sa programa. Sinimulan ni Psalm Leyba, ID 121 mula sa kursong Bachelor of Science in Psychology, ang mga pagtatanghal sa kaniyang awiting pinamagatang “Salamin.” Ibinahagi niyang tinatalakay ng awiting ito ang pagkondena sa sarili at ang pag-ibig na natamo sa Diyos na ipinakita kay Hesus. Itinanghal naman ni Elijah Yuey mula sa St. Scholastica’s College of Manila ang kaniyang orihinal na kantang “You+Rain.”
Hindi rin nagpahuli ang mga estudyante mula sa Manila campus sa kanilang mga inihandang pagtatanghal. Inawit ni Ulysses Regala, ID 120 mula sa kursong Bachelor of Science in Business Management, ang kaniyang orihinal na kantang “No Pressure.” Samantala, inihandog ni Brent Go, ID 122 mula sa kursong Bachelor of Science in Information Technology, ang kantang “K” ng Cigarettes After Sex.
Pinukaw rin ang damdamin ng mga manonood sa inihandog na spoken poetry na pinamagatang “Friendzone” ni Tracy Dumaraos, ID122 mula sa Bachelor of Arts in Philippine Studies Major in Filipino Internet Studies. “[‘Yung] pinaka-topic nung spoken poetry ko is “friendzone” in a way na hindi dahil ni-reject niya na ako, pero ako mismo ‘yung nagre-reject na sa idea na umamin kasi ayokong itaya kung anong mayroon kami,” ani Dumaraos. Gayundin, inihandog ni Rain Ebrada, ID122 mula sa Bachelor of Science Premed Physics, ang kaniyang piyesang “As They Were Remembered.” Ayon kay Ebrada, hango ang kaniyang tula sa isang manga artist na si Sakura Togane.
Bilang pagtatapos sa programa, nagbigay-aliw ang mga kinatawan mula sa House of Benilde, House of Miguel, House of Mutien Marie, at House of Solomon sa kanilang inihandang palabas matapos paapuyin ng Indak Lasalyano Dance Company ang parke sa ipinakita nilang masigasig na pagsayaw. Pinangunahan naman ni DJ Ben ang Rave Party na kinagiliwan ng mga estudyante.