SUMILIP muli ang kislap ng University of the Philippines Junior Marketing Association (UP JMA) sa paghahandog ng Cosmos: An OPM Festival na gaganapin sa Sunken Garden ng University of the Philippines Diliman sa Pebrero 18. Matapos ang dalawang taon na pagpapaliban dulot ng pandemya, muling sinikap ng UP JMA na maghandog ng malawakang pagtatanghal upang muling masilayan ng masang Pilipino ang bituin ng musika, sining, at pagsulong ng adbokasiya.
Inaasahang dadaluhan ng mahigit 9,500 katao ang inihandang pagtatanghal mula sa 20 bandang inimbitahan para sa OPM concert. Bukod sa layuning maipamalas ang masining na aspekto ng mga Pilipino, layon ng UP JMA na palawigin ang antas ng kamalayan ng masa hinggil sa adbokasiyang itinatampok ng kanilang programa ang kalayaan, karapatan, at katarungan para sa lahat ng kasarian.
Sa katunayan, lubos na naninindigan ang UP JMA na isang protesta ang pagtatanghal ng Cosmos 2023 na inilalantad ang mga isyung panlipunan at bigyang-espasyo ang mamamayang Pilipino sa pagdidiskurso. Huwag palampasin ang pagkakataong makiisa sa pamayanang UP at ang Cosmos sa paglikha ng isang ligtas na mundo para sa lahat.
#MissionCosmos
Nakawiwili ang mga bandang magtatanghal sa Cosmos, ngunit, maliban sa hatid nitong makamundong kasiyahan, tanyag ang mga pagtatanghal na ito sa pagkakaangkla nito hinggil sa mga adbokasiyang malapit sa interes ng masa. Ngayong taon, nais nilang bigyang-pansin ang mga aspekto ng “Sexual and Reproductive Health Rights” na sinasaklaw ang #TransRightsAreHumanRights, #ReproductiveHealthForAll, at #MalayaAkongMaging. Sinisikap na patagusin sa mga pagtatanghal ang diwa ng katarungan sa pamamagitan ng pagpuksa sa mga atrasado at tradisyonal na paniniwala hinggil sa kalusugan na mayroong diskriminasyong nakabatay sa kasarian.
Kamalayan sa kalawakan
Pinalalalim ng UP JMA ang pagsipat ng mga mamamayan sa mga isyung tumatalakay sa kalusugan at kasarian sa pamamagitan ng mga malilikhaing pamamaraan. Sa katunayan, nakabinbin sa parehong araw ang pagdaraos ng Cosmic Canvas, isang pre-event activity na layong maipamalas ang kahusayan ng mga Pilipino sa biswal na sining. Gagawaran ng pribilehiyong magpinta sa isang mural installation na makikita sa Cosmos grounds ang mga mananalo sa kompetisyong ito. Iniaalay ng UP JMA ang Cosmos sa malikhaing pagpapalawak ng kamalayan ng pamayanan, higit lalo sa mga Iskolar ng Bayan na magsisilbing mga bituin na tanglaw sa karimlan ng kalawakan.
Hinihikayat ang lahat na dumalo sa Cosmos upang maging bahagi ng isang makabuluhan at hindi malilimutang gabi ng mapagpalayang musika at sining, kasabay ng pagsulong ng Sexual at Reproductive Health Rights ng mga Pilipino. Sa isang gabi ng pagtatanghal ng musika at sining, nawa’y marinig, hindi lamang ang magagandang himig ngunit, pati ang tinig ng mga taong nakikibaka para sa mas magandang kinabukasan ng mga Pilipino.