OPISYAL NANG NANUMPA sa panunungkulan ang mga bagong estudyanteng lider at boluntaryo ng Pamantasang De La Salle sa kampus ng Laguna sa pangangasiwa nina Vice President for Laguna Campus at Dean of the College Dr. Jonathan Dungca at Vice Dean for Student Affairs Dr. Nelca Leila Villarin sa Santuario De La Salle, Enero 25.
Kabilang sa mga estudyanteng nanumpa ang mga boluntaryo mula sa iba’t ibang mga organisasyon sa kampus at ang mga opisyal ng Laguna Campus Student Government (LCSG) na nanalo nitong Make-up Elections 2022. Binasbasan naman ni Rev. Fr. Henry Rabe, Diocese ng San Pablo, sa isang send-off mass ang mga nasabing estudyante.
Mga mensahe ng pasasalamat
Binigyang-pugay ni Dungca ang mga estudyanteng lider at boluntaryo nang batiin at pasalamatan niya ang mga ito sa pagtitipon. Aniya, tumutulong sila sa pagbibigay-representasyon sa kapwa nila mga estudyante, pagsangguni sa mga hinaing at problema ng mga Lasalyano, at pagpapayabong sa maliit na komunidad sa kampus ng Laguna.
Hinikayat naman ni Angel Lopez, bagong luklok na pangulo ng LCSG, ang kapwa niya mga itinalagang estudyante na maging tapat at matatag sa mga kahaharaping pagsubok. “Tayong lahat ay nagsisimula pa lang at patuloy tayong sisibol kasabay ng Laguna Campus,” wika niya.
Sa panayam naman ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa LCSG, inihayag ni Nikki Platero, bagong halal na kalihim ng nasabing organisasyon, na ikinagagalak niyang pagsilbihan ang kampus ng Laguna sa kabila ng napakalaking responsibilidad at gampaning kaakibat nito. Pagbabahagi niya, “Humihingi ako ng suporta at gabay sa aking mga kaibigan [at] sa aking mga mentor para masiguro na ang lahat ng ginagawa ko ay para pa rin sa Laguna campus at walang self-benefit na nagaganap.”
Nakapanayam din ng APP si Mark Brendon Medrano, executive vice chairperson ng Council of Student Organizations (CSO). Ipinabatid niya ang kaniyang lubos na pagpapasalamat sa mga nagtalaga sa kaniya sa tungkulin. Pagbabahagi ni Medrano, susuklian niya ang kanilang tiwala sa pagsasagawa ng mga aktibidad na nakaangkla sa layunin ng CSO na pagyabungin ang diwa at sigla ng mga estudyante sa kampus.
Tungo sa progresibong pagbabago
Binigyang-diin din ng LCSG ang mga isyung kinaharap at kinahaharap ng Laguna Campus sa kasulukuyan. Kabilang sa mga isyung ito ang pagsasaayos sa mga sistema ng enrollment, shuttle services, at serbisyong pangkalusugan. Matatandaang naranasan ng mga estudyante sa Laguna noong nakaraang akademikong taon ang magulong sistema sa shuttle services at pagkaubos ng mga slot sa enrollment bunsod ng mga estudyanteng mula Maynila na aksidenteng nag-e-enroll sa Laguna.
Kaugnay nito, sisiguraduhin ng LCSG at CSO na mabibigyang-priyoridad sa ilalim ng kanilang panunungkulan ang bilang ng mga slot na ilalaan tuwing pre-enlistment para sa mga estudyante ng kampus. Paghuhusayin din nila ang mga serbisyo para sa kapakinabangan ng mga Lasalyano sa Laguna sa mga susunod na termino.
Ani Lopez, “Noong nakaraang taon, maraming pagkukulang, maraming mga concern na hindi napagtuunan ng pansin, at maraming oras din ang nasayang habang nakaupo. Ngayon, sisiguraduhin na ang bawat segundo [ay] magagawan ng paraan, magagawan ng mga programa, [at] ang lahat ng mga events ay maisasaayos,”
Naniniwala ang LCSG na mas marami pang oportunidad ang mabubuksan para sa mga estudyante sa ilalim ng kanilang panunungkulan. Dagdag ni Platero, “Patuloy ang pagsibol. Ngayon tayo magsisimula at patuloy nating pasisibulin ang magandang Laguna Campus.”