“Kunin mo ang diwa sa aking dibdib at iangkop mo sa iyong pag-ibig. . .”
Iba’t iba ang anyo ng pag-ibig. Minsan, makikita ito sa mga kaibigang kaagapay sa unos at ginhawa. Matatanaw rin itong nakakubli sa kaibuturan ng puso ng isang bayaning ipinaglaban ang bayang sadlak sa kahirapan at puno ng dusa. May pagkakataong dumadaloy naman ito mula sa gitara ng isang binatang nanghaharana; sabay sa saliw ng simoy ng hangin tungo sa tainga ng dalagang nililigawan. Mawawaring kadalasan itong walang hugis. Gayunpaman, maituturing pa rin bang pagmamahal ang paghangang inihayag gamit ang mga salita at liriko na hiram lamang sa puso ng iba?
Mula sa entablado ng Samsung Performing Arts Theater, inihandog ng Barefoot Theatre Collaborative nitong Disyembre 2 hanggang 11, 2022 ang dulang musikal na Mula sa Buwan. Nilikha ito sa panunulat at direksyon ni Pat Valera gamit ang orihinal na musika at lirikong gawa ni William Elvin Manzano. Hango ang istorya sa dulang Cyrano de Bergerac ni Edmond Rostand at iniangkop ang naging daloy sa kalagayan ng Pilipinas bago lumusob ang mga Hapon noong 1941.
Tila isang milagro ang pagsintang tatagal habang-buhay lalo na sa mundong patuloy na nagbabago. Kaya nakaaakit ang pagsipat ng palabas sa walang katapusang daan tungo sa magpakailanmang pagmamahalan. Napanatili ng makabagbag-damdaming kuwento nina Cyrano, Roxanne, at Christian ang mga manonood sa kanilang mga upuan. Kanilang sinubaybayan ang bawat piraso ng palabas mula sa pagbisita ng pag-ibig, pansamantala nitong pananatili, hanggang sa tuluyan nitong pamamaalam.
Paligsahan ng dalawang puso
Sa pagganap ni Myke Salomon bilang Cyrano, nakuha niya ang kaniyang sigasig at kumpiyansa bilang isang pinunong kadete ng kaniyang pulutong. Binigyang-hustisya ng kaniyang pag-arte ang malambot na damdamin ni Cyrano bilang isang makatang may hindi maibsang pag-irog. Sa kabilang dako, binigyang-buhay ni Gab Pangilinan si Roxanne, isang kolehiyalang iniibig ang matipunong kadeteng si Christian, na ginampanan ni MC Dela Cruz.
Nagsimula ang dulang musikal sa mga batang kadeteng tinatangkilik ang teatro habang unti-unting dumako sa karumal-dumal na aspekto ng giyera at karahasan. Sa likod nito, labis na nangibabaw ang pagmamahalang nananalaytay sa pagitan nina Cyrano, Roxanne, at Christian. Ipinakita sa karakter nina Cyrano at Christian ang kaibhan ng paghahayag ng kanilang pagmamahal. Ipinamalas ng binatang si Christian ang kaniyang kisig na malimit na natatabunan ng kaniyang kakulangan sa pag-iisip. Matatanaw naman ang paggamit ng kumpiyansa sa sarili at katalinuhan ng pag-iisip ni Cyrano sa pagpira-piraso ng mga matatalinhagang salita. Si Christian man ang pinili ni Roxanne, masisilayang nahulog siya sa mga salitang binitawan ni Cyrano na sintamis ng halimuyak ng rosas. Hindi hamak na ang mga naihayag na tinig ng puso ni Cyrano ang minahal ng dalaga.
Nanatili mang lihim ang damdamin ni Cyrano, lubha pa rin niyang naramdaman ang kirot nang napaibig ni Christian ang dalaga dulot ng kaniyang sariling tula at awiting naghahayag ng pagsinta. Sa pagpapaubaya, masisilayan ang kabutihang-loob ni Cyrano upang mapasaya si Roxanne. Sa kabilang dako, salungat ang buway ni Christian kay Cyrano dahil hindi matalas ang kaniyang pag-iisip pagdating sa paglalaro ng mga salita. Lumabas dito ang negatibong bahagi ng kaniyang pagkatao sapagkat ginamit niya ang kakayahan ng iba upang mabihag ang puso ng iniibig. Makatarungan man o hindi, sino ba naman ang hindi gagawin ang lahat makuha lamang ang minimithi?
Sa pagkabihag ng puso, malimit na nawawalan ng direksyon ang isipan. Tila isa itong espadang may patalim sa magkabilang dulo. Nilulunod nito sa pagnanasa ang utak—naglalaho ang pagmutya na walang bahid ng kasamaan dahil nahulog ang puso’t isipan sa nakalalasong patibong ng pag-ibig.
Tinig sa dilim
Ipinamalas din sa dulang musikal ang kabayanihan sa oras ng kadiliman. Binigyang-liwanag sa ikalawang bahagi ng palabas ang pagsabak sa giyera ng mga magigiting na kadete pati na ang kanilang pag-aagaw buhay, pagkagutom, at pagkasawi. Umangat dito ang kilalang ugali ng mga Pilipino—ang pagpupunyagi.
Hanggang sa masasalimuot na yugto ng buhay, hindi naupos ang pag-asang patuloy na lumalagablab sa puso ng bawat isa. Bakas sa katauhan ni Cyrano ang hindi pagsuko ng mga Pilipino hangga’t may nakikitang liwanag sa dulo ng kuweba. Malimit na hindi mawari ang pinanggagalingan ng lakas upang matiis ang hindi makatarungang kalagayan. Puno man ng pighati, nananaig pa rin ang pag-irog sa bayang sinilangan. Gayunpaman, hindi pa rin wastong pairalin ang romantisasyon sa pagtitiis sapagkat nararapat na panagutan ang kakulangan at kawalan ng hustisya.
Sa kaliwanagan ng mga tala
Sa bawat kanta at sayaw nabigyan ng sigla ng mga aktor ang bawat tauhan ng istorya. Kuminang ang kani-kanilang mga makukulay na personalidad, tiwalag sa madilim na tema ng nakaambang giyera. Sa kabila ng mapanglaw na konteksto ng kuwento, kanila pa ring ipinaramdam ang hiwaga’t sigalot ng pagmamahal. Naipakita rin nito ang sigasig ng mga kadeteng may hilig sa teatro na kumukumpleto sa istorya ng pagbubuklod ng kabataang may sari-sariling pangarap.
Namukod-tangi rin sa pagtatanghal ang hindi paglimot sa mga isyung umiikot sa lipunan tulad na lamang ng pagsuporta sa karapatan ng komunidad ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer. Makikita ang pagiging inklusibo nito sa pamamagitan ng pag-iibigan ng mga karakter na may parehong kasarian. Itinatak din nitong wala sa kasarian ang pagiging magiting at matikas dahil mas matimbang pa rin ang sariling determinasyon upang ipaglaban ang bayang sinisinta.
Mababatid din sa karakter ni Christian na hindi sukatan ang tagal ng pamamalagi sa bansa ang kakayahan ng isang indibidwal na makibaka. Bagamat katatapak pa lamang sa Pilipinas, handa na siyang magbuwis ng buhay upang ipagtanggol ang bansa mula sa mga mananakop.
Yamang hindi matutumbasan
Hindi lamang dinala ng dulang musikal sa buwan ang mga manonood bagkus baon din nito ang aral tungkol sa pag-ibig—na malaya tayong mamuhay sa direksyon na ninanais ng puso. May kakaibang katangian o kapintasan ka man, hindi dapat ito maging sanhi upang mahadlangan ang sariling mithiin. Tulad ng buwan, nararapat angkinin ang mga itim na patse ng kapangitan na siyang nagbibigay-kagandahan sa tuwing lilitaw sa kalawakan.
Sa pagsara ng kurtina, minulat naman ng mga nagtanghal ang mga manonood sa realidad ng teatro. Inilantad nila ang kakulangan sa suporta at paggalang sa industriya. Binalot man ang mga manonood ng hiwaga ng pagmamahal, hindi nito nalimutang ilapit sa kanilang pinagdadaanan para itaguyod ang tanghalang may handog na saya sa madla.
Pahiwatig ang kanilang pagbabalik sa entablado na hindi nila hahayaang mawala ang pagtatanghal sa lipunan. Sa pagyuko ng ulo, tangan nila ang layong ihayag na bahagi ang teatro sa pagsasabuhay ng mga titik at salita ng mga nobela’t dula pati na rin ang mga kuwentong may dalang mensahe para sa lipunan.