INIUWI ng ECHO Loud Aura Philippines ang gintong medalya matapos payukuin ang defending champions Blacklist International (BLCK), 4-0, sa grand finals ng M4 2022 World Championship Mobile Legends: Bang Bang, Enero 16 sa Tennis Indoor Stadium Senayan.
Mabagal ang naging simula ng ECHO sa unang laban matapos mapasakamay ng BLCK ang kalamangan sa unang pitong minuto ng laro. Gayunpaman, agarang binawi ng ECHO ang momentum matapos painitin ang sagupaan nang magtala ng 7-0 run. Hindi na nagpaawat pa ang ECHO at masilakbong nagmartsa patungo sa base ng BLCK upang angkinin ang unang laban, 1-0.
Dikdikan naman ang pagtutuos ng dalawang koponan sa ikalawang laban matapos magpalitan ng mga kill at objective. Subalit, nag-alab si ECHO Bennyqt gamit ang Brody matapos ang umaatikabong sunod-sunod na double kill. Sinubukan pang bumawi ng BLCK sa pamamagitan ng pag-agaw ni BLCK Wise ng Lord ngunit hindi na ito hinayaan ni ECHO Bennyqt nang kumamada ng isang split push at basagin ang base ng BLCK, 2-0.
Nagpatuloy ang agresibong opensa ng ECHO sa ikatlong laban sa pangunguna ng Lapu-Lapu ni ECHO Sanford at Gusion ni ECHO Sanji matapos isa-isang pitasin ang defending champions. Pinilit mang patibayin ng BLCK ang kanilang depensa subalit nanaig ang bagsik ng ECHO. Bunsod nito, umukit ng 23-10 na kill spread ang ECHO upang tapusin ang ikatlong laban, 3-0.
Nanatili pa rin sa palad ng ECHO ang takbo ng serye matapos makamit ang maagang gold lead sa ikaapat na laban. Sinubukan naman ng BLCK na maging agresibo at bumawi nang samantalahin ang pagkakamali ng ECHO ngunit hindi ito naging sapat upang pigilan ang kanilang dominasyon sa mapa. Hawak ang nagbabagang momentum, tuluyan nang tinuldukan ng ECHO ang laban kontra sa defending champions, 4-0.
Matapos ang dominanteng pagkapanalo, napasakamay ng ECHO ang gintong medalya ng torneo. Pinarangalan din si ECHO Bennyqt bilang Finals Most Valuable Player buhat ng kaniyang pagpapakitang-gilas bilang gold laner ng koponan. Lumapag naman ang BLCK sa ikalawang puwesto at naiuwi ang pilak na medalya.
Subaybayan ang kapana-panabik na M5 World Championship na gaganapin dito sa Pilipinas sa darating na Disyembre 2023.