UMALAB ang defending champions Blacklist International (BLCK) kontra ECHO Loud Aura Philippines, 3-2, sa upper bracket finals ng M4 World Championships Mobile Legends: Bang Bang kagabi, Enero 13 sa Tennis Indoor Stadium Senayan.
Agad umarangkada si ECHO KarlTzy sa unang laban matapos pabagsakin si BLCK Wise gamit si Fredrinn. Sinundan pa ito ng pag-abante ng ECHO nang paganahin ang kanilang teamwork tactics upang bumuno ng umaatikabong 10-0 run. Sinubukan pang makabawi ng BLCK subalit tila mga ibon na nakawala sa hawla na hayok sa panalo ang ECHO nang tinuldukan ang unang laro, 0-1.
Pagdating ng ikalawang laban, bumawi si BLCK Wise matapos kitilin si ECHO Sanji gamit si Kaja. Lalo namang tumindi ang bakbakan nang makuha ni BLCK Wise ang Lord na nagbigay-daan upang ipagpatuloy ng BLCK ang pagragasa ng kanilang opensa. Hindi na nagpapigil pa ang BLCK at tuluyang itinabla ang kartada, 1-all.
Dahan-dahang naapula ang opensa ng BLCK matapos muling mapasakamay ng ECHO ang nagbabagang momentum sa pagpasok ng ikatlong laban. Sinundan pa ito ng paghalimaw ni ECHO Bennyqt sa sagupaan matapos tumikada ng kagimbal-gimbal na double kill. Pinatibay man ng BLCK ang kanilang depensa, hindi ito naging sapat upang pigilan ang malasiling opensa ng ECHO, 2-1.
Nanumbalik naman ang agresibong opensa ng BLCK sa pagbubukas ng ikaapat na laban. Gayunpaman, pilit pinangunahan ni ECHO KarlTzy ang unang dalawang minuto matapos makamit ang turtle slain. Sa gitna ng nagliliyab na bakbakan, hindi na nagpatumpik-tumpik si BLCK Hadji na pasiklabin si Valentina upang tuluyang itabla ang laban, 2-all.
Maanghang na sinimulan ng BLCK ang ikalimang serye matapos puntiryahin ang objectives sa unang dalawang minuto ng laban. Hindi naman nagpatinag ang ECHO nang magpakawala ng nagbabagang opensa, ngunit pinawalang-bisa ito ng BLCK gamit ang UBE strategy. Bunsod nito, tumikada ng 15-6 na kill spread ang BLCK na siyang nagbigay-daan upang selyuhan ng defending champions ang puwesto sa grand finals, 3-2.
Buhat ng panalong ito, hinirang ang BLCK bilang kauna-unahang koponang Pilipino na sasalang ulit sa grand finals upang depensahan ang kanilang trono habang lumaglag naman ang ECHO sa lower bracket ng torneo. Hihintayin na lamang ng ECHO ang mananalo sa laban ng RRQ Hoshi at ONIC upang matukoy ang kanilang katunggali sa lower bracket finals.